Miyerkules, Disyembre 24, 2008

Tuloy na Tuloy Pa Rin Ang Pasko


Tatlong taon na akong dito sa Saudi nagpapasko, natatandaan ko pa noong unang pasko ko dito medyo talagang mabigat sa pakiramdam, ito ang unang pagkakataon ko na tila balewala lang ang pinamahalagang araw na ito. Habang ang buong Pilipinas ay talagang abalang abala sa darating na kapaskuhan, tayo dito sa Saudi ay tila tipikal at ordinaryong araw lang.


Noong nasa Pilipinas pa ako, ako ang pinakanasasabik sa aming magkakapatid at iba ang pakiramdam ko tuwing Pasko. Tingin ko masayang masaya ang bawat tao, lahat ay nagbibigayan at mararamdaman mo ang sigla sa bawat isa. Kaya naman halos nabigla ako noong nagtrabaho na ako dito sa Saudi, ibang iba at malayong malayo sa nakagisnan ko noong bata pa.


Nagpapatugtog din ako ng mga kantang pamasko sa aking kwarto, medyo madalas nga nakakadagdag sa aking pangungulila at pagkalungkot ang mga naririnig ko. Sa tuwing nakikita ko naman ang mga kasamahang kong umuuwi para magbakasyon at magpasko sa Pilipinas, hindi ko maiwasang maiingit. Pero agad ko namang inaalis yun at muli pinapasaya ang sarili. Maging sa araw ng Pasko noon, halos walang bumati sa akin ng” Maligayang Pasko”, maliban sa mga Pilipinong kasama ko sa trabaho. Hindi ko naman masisisi ang iba sapagkat iba ang relihiyon nila kaysa sa atin, at iba ang kanilang pinaniniwalaan.


Iba ang pakiramdam ko sa tuwing sasapit ang Pasko dito sa Saudi, may halong pangungulila at lungkot din.Subalit naisip ko, bakit nga ba ako malulungkot hindi ba si Hesus ang dahilan kung bakit may Pasko at siya rin ang sentro ng mahalagang araw na ito. Kaya dapat hindi nasentro din ang pagtingin ko sa Pasko sa mga handa, mga regalo, kasiyahan at kung ano ano pa. Dapat nakasentro ako sa bida ng araw na iyun, iyon ay ang ating Panginoong Hesus. Hindi naman ako o ang pamilya ko ang pinakamahalaga ng araw na yun eh, kundi ang atin Panginoong Hesukristo.

Totoong malungkot sapagkat wala ang mga mahal mo sa buhay na kasamang ipagdiriwang ang araw na ito. Malungkot sapagkat walang Christmas Party ang bawat kumpanya dito, wala ring mga hamon, litson, morcon, bibingka, puto bungbong at kung ano ano pa. Nakaka miss ang mga pagkakataong nakikita mo ang mahahalagang tao sa buhay mo, pero napag-isip isip ko rin na hindi pala dapat ako malungkot kasi kasama ko naman ang Panginoon,kasama ko ang “Birthday Celebrant” , hindi ba espeyal ang pakiramdam noon?Siguro, sa tuwing mararamdam ko ang pangungulila dapat isipin ko na kasama ko naman ang Panginoon at alam ko din na hindi nya tayo pababayaan.


Nagpapasalamat ako sa Panginoon, na ginamit nya akong instrumento para sa aking pamilya. Alam kong hindi man nila ako kasama sa araw ng Pasko, baon ko naman ang mga panalangin nila at taos pusong pasasalamat sa mga naibahagi ko sa kanila.


Alam kong araw araw dapat maging Pasko, at alam ko rin na hindi limitado ang pagdidriwang ng Pasko sa mismo araw nito. Maganda panahanin natin sa ating mga puso ang totoong diwa at halaga ng Pasko. Gawing buhay ang pag-ibig ng Dyos sa ating mga sarili, at ibahagi rin ito sa iba.

Alam kong marami rin sa ating ang nagungulila sa ating pamilya, nawa ang sulatin na ito ay makatulong din sa kapwa ko OFW , na maibsan ang kalungkutan sa araw na ito. Marami pa namang araw ng Pasko , mayroon pa tayong 365 na araw sa loob ng isang taon para gawing Pasko ito sa ating mga buhay.


Muli binabati ko ang bawat isa ng Maligayang Pasko, sana maipagdiwang natin ito kasama ang Panginoon.


Iyun lamang po at maraming Salamat.


Sa Dyos ang Kadakilaan,

Sabado, Disyembre 20, 2008

Baguhin natin ang Mukha ng Mundo



Nakakaalarma na ang nangyayari sa mundo ngayon. Maraming tao na rin ang tila naging kumportable na sa pagkakasala at paggawa ng masama. Habang patuloy na lumalago ang ating teknolihiya, at tumatalino ng tao patuloy ding lumalayo ang loob ng tao sa Dyos.


Sa Mexico, isang malaswang babasahin (Playboy) ang naging sentro ng batikos ngayon sapagkat kanilang inilagay sa "Cover" nito ang hubad napagla larawan sa ating Mahal na Ina. Isa itong malaking kalapastanganan sa ating Mahal na Birhen. Nakakalungkot isipin na nagawa nila iyon para lamang makabenta sila ng mga ganitong babasahin. Ang Mexico ay kinikilang isang Katolikong Bansa na kung saan sila ay may labis na debosyon sa ating Mahal na Ina (Birhen ng Guadalupe) subalit nakakalungkot na nagawa nila ang mga bagay na iyon. Isang malaking interpretasyon na talagang wala ng pakundangan ang tao sa paglaspatangan sa Dyos.


Dumadami na ang mga bilang ng mga ateyista (atheist) sa mundo. Sila ang mga taong hindi naniniwala sa Dyos. Marami na rin akong naging karanasan sa mga katulad nila, pilit na binabaluktot ang mga katotohanan tungkol sa Dyos.Kanilang binigyan ng masamang pakahulugan ang bawat bahagi ng ating paniniwala at pananampalataya. Nakakalungkot isipin na may maririnig at makikitang ganitong mga tao, subalit alam kong mas kailangan nila ng panalangin kesa makipag debate sa kanilang mga pinaniniwalaan.


Patuloy din ang paglaki ng bilang ng mga mag-asawang naghihiwalay, kanilang binabali ang kautusan ng ating Panginoon. Bumababa naman ang bilang ng mga nagpapakasal, mas pinili pa nilang magsama ng walang basbas ng sakramento ng kasal.Nakakalungkot lang na nawawalang halaga na ngayon ang kakasagraduhan at kahalagahan ng kasal.


Maging ang aborsyon ay tila bumalik na muli sa ating lipunan, at may malaking usap usapan sa Amerika na may isang batas na inaprubahan na isagawa ang aborsyon ng mga duktor kung kinakailangan. Kung atin ring makikita at maririnig sa balita maging ang Pilipinas na isang katolikong bansa ay maraming kaso na ng pagpapatay sa sanggol ang naiiulat. Mukhang nawawala na ang takot nila sa Dyos.


Maging sa mga pelikula ay tila isang "TREND" ang may temang sex. Ito ang kanilang malaking pambenta at panghatak ng manonood. Sabihin man nating ito ang salamin ng ating lipunan, subalit alam natin na ito'y makadudulot lang ng pagtanggap natin sa pagkakasala. Isipin na dahil itoy karaniwang nangyayari sa ating lipunan, ito ay maari ng tanggapin kahit mali at masama.
Mukhang pasama ng pasama ang mundong ginagalawan natin, patuloy ang paggawa ng kasalanan ng tao. Naging parte na ng kanilang buhay ang kasalanan. Maging tayo rin ay hindi rin naliligtas sa pangil at kuko ng demonyong umaaligid aligid sa ating lipunan.


Kayat sana ay patuloy nating ipanalangin ang mundong ito, ipanalangin natin ang isat isa at ipanalangin din ang iba pa na makilala nila ang Dyos. Sana isama din natin sa ating mga panalangin na sana'y gawin tayong instrumento ng Panginoon para makahikayat ng mga kaluluwang uhaw sa pagmamahal ng Dyos.


Nawa tayo rin ay maging mapanuri sa mga nababasa at napapanood natin. Gwardyahan natin ang ating mga sarili sa mga bagay na maaaring makakasira ng ating kaisipan at pananampalataya. Hingin din natin ang awa ng Panginoon na tulungan tayong baguhin ang mukha ng mundo.


Iyon lamang po at maraming salamat


Sa Dyos ang Kadakilaan

Sabado, Disyembre 13, 2008

Tunay na Pagsunod sa Plano ng Dyos



Tumugon si Maria: Ako'y alipin ng Panginoon, maganap naway sa akin ayon sa wika mo- Lukas 1:38


Ito ang linya ni Maria noong binati siya ng Anghel noong panahong sya ang nakatakdang magdalang tao sa ating Tagapagligtas. Kung siguro lalaliman pa ang ating pagkakaunawa sa mga sinabi ni Maria, mas lalo pa nating syang hahangaan sa kanyang pagiging mabuting tagasunod ng Dyos.


Noong unang panahon, ang pagiging baog o kaya pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga ay tinuturing ng lahat na isang mabigat na sumpa ng Dyos. Para sa mga hudyo noon, ang sino mang magdalang tao sa pagkadalaga ay itinuturing na isang mababa at maduming nilalang, kaya madalas sila ay pinapatay o di kaya pinandidirihan ng lahat. Subalit ang Mahal na Ina ay hindi man lamang nagdalawang isip na sumagot ng OO sa kagustuhan at plano ng Dyos. Hindi sya nagbigay ng kundisyon o di kaya humingi ng kapalit sa mabigat na gampanin na inaatang sa kanya ng ating Dyos, bagkus siya ay labis na nagpakumbaba at tinanggap ng maluwag sa kanyang kalooban ang kagustuhan ng Dyos. Hindi nya iniisip kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap bagkus buong puso sya nagtiwala sa Dyos. Kaya naman ganun na lang ang paghanga ko sa ating Mahal na Ina na isang magandang halimbawa sa pagsunod sa kagustuhan ng Dyos.


Nitong mga nakaraang mga araw medyo madalas akong mag-isip. Meron kasi akong hinihiling sa Panginoon na nais kong matupad,mga kagustuhan kong gusto kong mangyari sa buhay.Dumating sa punto na idinidikta ko na sa Panginoon ang aking mga kagustuhan. Ngunit, hindi naging maliwanag sa akin kung matutupad ang mga hinihiling ko sa Panginoon. Naiwan akong nag-iintay na lamang kung manyayari ba ang mga kagustuhan ko o hindi. Nagduda ako sa kapangyarihan ng Panginoon noon, at iniisip ko na mas maganda pa ba ang plano ng Dyos kesa sa kagustuhan ko ,kung tutuusin yung kagustuhan ko na yun ay sapat na para sa kin, kaya baka pwede yun na lang kasi di naman ako naghahangad ng MAS maganda pa.


Madalas nag-iisip ako, ano ba talaga ang plano sa aking ng Panginoon? Bakit ayaw nyang ibigay sa akin ang hinihiling ko pero kung tuusin naman makakabuti sa akin yun at makakatulong pa ako sa iba. Ayaw nya ba akong mapabuti? Minsan pa nga halos suhulan ko na ang Panginoon para ibigay lang sa akin ang mga hinihiling ko,sinasabi ko na kung sakaling ibibigay sa akin yun ng Panginoon, tutulungan ko ang mga mahihirap o hindi kaya mas pagbubutihan ko ang "SERVICE" ko sa Panginoon.


Madalas din, pag humihingi ako ng payo sa iba, sinasabi nila na "May magandang plano sa iyo ang Panginoon". Kaya naman pag nagdarasal ako sinasabi ko na sana yung magandang plano Nya ay malapit na. Minsan sinasabi ko "Sige Lord susundin ko po ang kagustuhan nyo, pero baka pwede yung gusto ko ay yun na lang ang plano nyo sa akin" o di kaya "Sige Lord naniniwala ako sa Plano nyo,", pero makalipas ang ilang minuto bigla na lang akong mag-iisip ng malalim at manghihinayang.


Aaminin ko, mahirap palang sundin ang isang bagay kung mas malakas ang sigaw ng mga kagustuhan mo. Madaling sabihin na "may magandang plano ang Dyos" pero ang pumapasok naman lagi sa utak mo ay ang mga kahilingan mo at gustong mangyari sa buhay mo. Kahit na sabihin natin susundin natin ang kagustuhan ng Dyos, parang bang may bigat sa mga puso natin, para bang may pumipigil sa atin.


Pero pinauunawa sa akin ang lahat ng Panginoon, nakakatuwa lang na sa pagbabasa ko ng Salita ng Dyos, natutunan kong isuko sa Kanya ang mga kagustuhan ko.Sa bawat gabi na nagdadaan para bang lumuwag ang dibdib ko at natututo ko ng tanggapin ang plano sa akin ng Panginoon. At mas lalo ko pang natatanggap lahat noong mabasa ko ang VERSE na nasa itaas kagabi, at mas lalo ko pang hinanggan ang ating Mahal na Ina. Sa pamamagitan ng pagtanggap ni Maria sa plano ng Dyos, para bang may bumulong sa akin na kung talagang tagasunod ako ng Panginoon, magtiwala ako sa Kanya.


Natuto kong isuko at magtiwala sa Panginoon. Hinayaan ko Syang gumawa sa aking buhay. Sinunod ko ang plano ng Dyos hindi dahil may mas magandang plano Sya sa akin, o mas may maganda pang manyayari sa akin, kundi dahil kailangan kong ibigay ang buong tiwala ko sa Kanya at isuko ng lahat sa ating Panginoon ng hindi naghihintay ng kapalit.


Ngayon, tanggap ko na ang plano ng Dyos sa akin, maaring wala Syang ibigay o ipalit na mas maganda sa aking kagustuhan pero ang matutunan ko magtiwala sa Kanya,para sa akin isa itong pagpapatunay na naging mabuting tagasunod ako ng Dyos, at sundin ang anumang naisin o plano sa akin ng Panginoon na hindi nag-aantay ng anumang kapalit.


Iyon lamang po at maraming salamat.
Sa Dyos ang Kadakilaan,

Huwebes, Disyembre 4, 2008

Ngayon, Sino sa Kanila?


Marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa at ayaw ng mabuhay dahil punong puno ng paghihirap at pighati ang nararamdaman nila. Pinagtatangkaang tapusin ang buhay, iniisip na kitilin ang sariling buhay.


Sana maisip din natin na marami rin sa atin na kahit may taning na ang kanilang mga buhay ay hindi pa rin nawalan ng pag-asa. Tiniis ang paghihirap at pighati madugtungan pa ang nalalabing araw nila sa mundo ito. Patuloy na gumagawa ng paraan para makasama pa ang mahal nila sa buhay. Inuubos ang lahat ng kanilang yaman sa mundo para lamang madugtungan kahit ilang araw ang kanilang buhay.


Ngayon, sino sa kanila ang mas kaawa awa?


Marami sa atin ang nagsasawa na sa trabaho, naiinis na sa magagaliting boss, napapagod na sa paulit ulit na takbo ng buhay at maliit na kinikita nila. Madalas napangungunahan tayo ng ating paghahangad para sa mas malalaki pang mga bagay


Pero sana maisip din natin na marami rin sa atin ang hindi alam kung paano makakita ng trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya. Sila ang mga taong handang mapagod at mahirapan may mapakain lamang sa kanilang mga pamilya. Sila na hindi iniisip ang kikitain kundi kung paano makaraos sa araw araw. Sila na hindi iniisip kung sila ay nasa kapahamakan maitaguyod lamang ang kanilang mahal sa buhay.


Ngayon, sino sa kanila ang mas karapat dapat pang maghangad?


Marami sa atin ang gulong gulo sa mga bagong gadget, cellphone, laptop o digital camera. Pakiramdam nila na hindi sila mabubuhay ang mga bagay na yun. Alisin mo ang mga bagay na ito sa kanilang mga buhay animoy inalisan na rin sila ng hangin para mabuhay. Hindi makatulog kapag hindi nabibili ang bagong labas na sapatos, bag at damit, halos ubusin ang pera para sa mga materyal na mga bagay


Pero sana maisip din natin marami rin sa atin ang hindi man lamang nakakatungtong sa eskuwelahan, at nagtyatyagang namumulot ng basura para lamang mabuhay. Sila na wala man lamang maayos na tirahan at masisilungan. Namamalimos sa lansangan, nagbebenta ng basahan, nagbibilad sa ilalim ng araw para kahit paano ay kumita ng konting pera. Sila na nakatira sa ilalim ng tulay, sila na nasa tabi ng gabundok ng basura at sila na nakatira sa lansangan. Sila na halos gutay gutay ang damit at wala man lang maayos na panyapak, wala man lamang silang panlaban sa sobrang init at lamig ng panahon.


Ngayon, sino sa kanila ang pinakanahihirapan sa buhay?


Marami sa atin ang halos hindi na kumakain para magkaroon ng magandang pigura. Ginugutom ang sarili para lamang makuha ang magandang hubog ng katawan. Marami rin sa atin ang walang pakialam sa mga nasasayang na pagkain, tinatapon na lang kung saan saan, winawalang bahala ang mga pagkain sapagkat hindi sila nasasarapan o hindi gusto ang nasa hapag kainan.

Pero sana maisip din natin na marami sa atin ang hindi na nakakain 3 beses sa isang araw. Gustuhin man nilang kumain pero wala silang pagkain sa kanilang mga mesa. Tinitiis na matulog ng gutom, kinakain ang mga basura, at pinapawi ang gutom sa pamamgitan ng pag-inom ng tubig. Sila na hindi iniisip ang hubog ng katawan pero mas iniisip ang laman ng sikmura. Marami rin sa atin ang nasa banig ng karamdaman, mga walang gana at lakas para kumain. Nasa kanila man ang pinakamasasarap na pagkain sa mundo pero kung wala kang panlasa, itoy wala ring saysay para matikman ito


Ngayon sino ang nangangailangan ng pagkain?


Sabi nila hindi mo mararamdaman ang kahalagahan ng isang bagay kapag nawala na lamang sa iyo ito. Subalit aantayin pa ba nating mawala ito bago natin bigyan ito ng importansya. Bakit hindi nating simulang bilangin ang ating mga biyaya at ipagpasalamat ang mga ito. Minsan hanap tayo ng hanap ng mga bagay na wala sa atin. Kinakalimutan ang mga bagay na pinagkaloob ng Panginoon sapagkat napapangungunahan tayo ng ating pansariling kaguustuhan at kahiligan .
Sabi nga nila aanhin mo ang pinakamagarang sasakyan o bahay kung nabubuhay kang namang mag-isa.


Aanhin mo ang tagumpay kung wala ka namang pag-aalayan nito at hindi mo man lang maibahagi ang kasiyahan o karangalan mo.


Aanhin mo ang yaman ng mundo kung lahat naman ng tao ay ayaw sa iyo


At aanhin mo ang talino kung ginagamit mo ito para makasira ng buhay ng ibang tao.


Maraming bagay na dapat natin ipagpasalamat sa Dyos, maraming bagay ang pinagkaloob nya sa atin. Sana huwag tayong panghinaan ng loob kung sakali mang may mabigat tayong suliranin sa buhay sapagkat hindi naman tayo pababayaan ng Dyos. Sabi nga sa bibliya kahit ang mga ibon sa langit ay hindi nya pinababayaan, tayo pa kayang anak nya na pinakamamahal at pinakaiibig nya. Tyak hindi tayo nawawaglit sa puso ng ating Amang nasa Langit. Hindi tayo kailanman pababayaan ng Dyos, ang kailangan lang natin ay manalig sa Kanyang mga plano, at manampalataya sa Kanya.


Gawin nating bukas ang ating isip at puso sa mga biyaya ng Dyos sa atin. Marahil kung sakaling makita natin ito,mas lalo pa nating pahalagahan ang buhay natin dito sa mundo.
Iyun lamang po at maraming salamat.

SA DYOS ANG KADAKILAAN

Lunes, Disyembre 1, 2008

PAANO TAYO MABE-BLESS NG MABUTING BALITA NG PANGINOON?


Sa dami ng mga problema natin sa buhay. Sa dami ng mga alalahaninnatin, minsan naghahanap tayo ng kausap na uunawa sa atin atmgbibigay sa atin ng payo. Minsan hanap pa tayo ng hanap ngbestfriend, yun pala'y kasama na pala natin sya mula ng tayo ayisilang sa mundong ito


.PAANO TAYO MABE-BLESS NG MABUTING BALITA NG PANGINOON?


Sa tuwing magsisimula tayo ng pagbabasa ng bibliya, kausapin natinang Panginoon. Isipin natin na Sya ang matalik natin kaibigan.Ipikit natin ang ating mga mata at isipin natin na ang kausap langnatin ay si "Lord Bestfriend". Pagkatapos ay ikuwento mo sa Kanyakung ano ang nagawa mong mabuti sa kapwa mo, kung paano Sya kumilos sa buhay mo. Magkwento ka sa Kanya, kasi alam kong sabik na sabik nasya sa mga kwento mo. Makipagkwentuhan ka, at buksan mo ang puso mosa Kanya. Sabihin mo ang lahat ng kalungkutan mo, kasiyahan,pangamba o di kaya kalituhan na nararamdaman mo sa araw na iyon.


Alam nyo, madalas pag nakikipagkwentuhan ako sa Kanya detelyado angmga kwento ko. Lahat ng bagay ay sinasabi ko sa kanya. Kung ano angginawa ko, kung ano ang mga naramdaman ko sa araw na yun. Lahat -lahat sinasabi ko, at nagugulat na lang ako kasi kinakausap Nya ako.As in literal na nagsasalita Sya sa akin. Minsan pasasayahin nyaako, minsan magpapayo sa akin, at madalas pinaparamdam Nya talagasa akin na nandyan lang Sya para sa akin.


Kaibigan, sa tuwing sisimulan mong basahin ang "MabutingBalita" para sa araw na ito, sabihin mo sa Panginoon angnararamdaman mo. Kumbaga, sabihin mo sa kanya, kung natatakot ka basa isang desisyon na gagawin mo, kung meron ka bang problemanghinaharap ngayon, kung may pressure ka ba sa trabaho, kungnahihirapan ka ba sa buhay, kung masyado kang bang Masaya ngayon,kung may tanong ka na gusto mong malaman ang sagot. Sabihin mo saKanya ng buong buo. Sabihin mo sa kanya ang nararamdaman mo,magkuwento ka sa Kanya. IKuwento mo ito bago mo basahin ang MabutingBalita. At magugulat na lang kayo na magsasalita Sya sa iyo sapamamagitan ng Mabuting Balita o ng reflection sa araw na iyon.


Maraming beses na akong nablebless ng Gospel, minsan nakakatuwangisipin na sa lahat ng problema, alalahanin at kalungkutan ko ,sinasagot nya ako sa pamamagitang ng Mabuting Balita, pinapayuhannya ako, inaalis Nya ang pangamba ko at pagkatapos bibigyan nya akong kapayapaan.Alam nyo mga titos at titas, iyon ang gusto kong maramdaman nyo rin.Kung paano ako nabebless ng Mabuting Balita, gusto ko kayo rin. Kungpaano ako kausapin ng Panginoon. Kung paano Sya makikipagcommunicatesa akin. Gusto ko na ganun din ang maranasan nyo. At maniwala kayopagkatapos nyong makipag-usap sa ating Panginoon. Makararamdam kang kapayapaan sa loob at sa puso mo.Kapayapaan na parang biglangnawala ang lahat ng problema at alalahanin mo sa buhay. Napakasarap na pakiramdam.Ito'y milagro ng Panginoon."Lumapit ka sa Panginoon, kayong mga naguguluhan at nabibigatan, atbibigyan ka Nya ng kapahingahan."


Ipalaganap natin ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Yun lamang po at maraming salamat


Sa Dyos ang Kadakilaan,

Sabado, Nobyembre 29, 2008

Teka Nagdasal na ba ako kanina?


"Teka nakapagdasal ba ako kanina, pagkagising ko"

Ito ang madalas kong tanong sa sarili, pag sisimulan ko na ang almusal o tanghalian ko. Hindi ko minsan matandaan kung nakapagpasalamat ba ako sa Dyos sa bagong buhay na ibinigay nya sa akin. Madalas kasi dahil siguro sa puyat at sa bagong gising eh nakakalimutan ko minsan. Kumbaga para akong isang zombie pagkagising ko, hindi ko alam na kumikilos ang katawan ko ayon sa routine na ginagawa ko araw araw. Minsan nakakaguilty kasi nakalimutan kong magdasal lalo pa't ito ang pinakaimportanteng dasal (para sa akin) spagkat dito ko ipinagpapasalamat ang bagong buhay na meron ako, dito ako hihingi ng lakas para sa buong araw ko sa trabaho at syempre dito ko babatiin ang ating Panginoon ng "Good Morning" pwede rin ang "Buenas Diaz, Lord".

Kaya siguro binigyan ako ng wisdom ng Panginoon kung paano hindi ko makakalimutan ang pagdarasal sa umaga. At sana gayahin nyo rin yung gagawin ko para naman di natin makalimutan ang pagdarasal sa umaga. Una, kailangang alamin mo kung ano ang una at pangalawa mong ginagawa pagkagising mo. Sa kaso ko, ang una kong ginagawa ay pagbubukas ng ilaw, sunod ay ang pagkuha ko ng aking tuwalya pampaligo. Pagkatapos, gumawa ka ng isang signage na may nakasulat " PRAY FOR THE NEW DAY" o "NAGDASAL KA NA BA?", o kahit anong salita na makaalala kang magdasal at ilagay mo yun malapit dun sa mga una mong ginagawa. Sa kaso ko, inilagay ko yun malapit sa switch ng ilaw para pagbukas ko ay may magpapaalala sa akin.

Sunod, syempre medyo minsan kahit naalala na natin ay nakakalimutan pa rin natin (ganyan tayo ka pasaway). Kaya maglagay tayo ng ikalawang paalala. Sa akin, inilagay ko yun sa ilalim ng lagayan ko ng tuwalya, kaya paghila ko ng tuwalya ko may makikita akong " ANO NAGDASAL KA NA BA?". Kaya kahit nakalimutan ko yung unang paalala may reserba pa ako. Kung talagang makakalimutin ka pa rin, eh tadtarin mo ng mga signage ang kuwarto mo para hindi mo makalimutan ang magdasal. Pwede rin sa takip ng toilet bowl ay maglagay ka ng " BAGO KA UMUPO SA TRONO, MAGDASAL KA MUNA", kaya pagbukas mo nun, maalala mo na.

Mukhang effective hindi ba? Sa akin kasi effective yan eh, kaya hindi na ako nakakalimot. Naishare ko lamang sa inyo kasi alam kong makakatulong ito sa iba.

Tandaan natin na kailangan nating pasalamatan ang Panginoon sa bawat oras ng ating buhay, sapagkat ipinahiram lang nya sa atin ito. Hindi ba't matutuwa ang Panginoon sa atin sapagkat lubos natin pinahahalagahan at pinasasalamatan ang pinakamagandang regalong binigay sa atin ng Panginoon. ….iyon ay ang BUHAY.

Kaya gawin na natin ito, pagpasalamatan at batiin natin ang Panginoon.

Yun lamang at maraming Salamat

Sa Dyos ang Kadakilaan,

Miyerkules, Nobyembre 26, 2008

Biyaya ng Panginoon



Minsan ba naitanong natin sa ating mga sarili na, bakit kung sino pa yung mga hindi naniniwala sa Dyos ay sila pa ang mga mayayaman, samantalang tayong mga tagasunod nya ay kalimitang nakakaramdam ng mga paghihirap o kalungkutan?


Kaibigan, sana makatulong ang kwentong ito:


Si Tonio at Mario ay magkababata at magkapit bahay, halos sabay silang nag-aral, nagtapos ng kolehiyo,nag-asawa at nagkaanak. Subalit nagkaiba sila ng kanilang kapalaran. Dahil sa pagiging tuso at mautak ni Tonio, madali syang yumaman at nagkaroon ng magagarang bahay at sasakyan. Samantalang si Mario ay isa lamang simpleng empleyado sa munisipyo ng kanilang bayan, at masasabing hindi sapat ang kinikita nya para buhayin ang kanyang pamilya.


Sa kanilang pag-uugali ay magkaibang magkaiba rin ang magkaibigan. Si Tonio ay masyadong mapangmataas at maramot sa mga taong lumalapit sa kanya. Madalas hindi nya pinagbubuksan ang kanilang malaking gate sa mga humihingi ng tulong. Samantalang ang munting tahanan naman ni Mario ay laging bukas sa mga nangangailangan ng tulong. Madalas wala ring maibigay na pinansyal na tulong si Mario, dahil na rin sa kakapusan sa pera, subalit hindi naman nya hinahayaang walang dala ang huhumihingi sa kanila, kaya madalas bigas ang binigay niya sa kanila.


Nang minsan nagkausap ang magkaibigan.


"Pare, masyado ka na atang mabait nyan, baka maging santo ka na! Aba wala na nga kayong makain ng pamilya mo eh, panay pa ang tulong mo. Tingnan mo ako heto pa-easy easy na lang hinayaan kong ang pera ang lumapit sa akin,hahaha" sabay halakhak na may halong pangungutya.


"Eh, medyo hirap nga kami ni misis ngayon, kaso alam ko namang mas mapalad kami kumpara sa mga kalagayan nila, at kahit medyo hirap kami, sa munting paraan man lang ay makatulong kami sa kanila." Pakumbabang sagot ni Mario


"Ganun ba pare, Good luck sa pagiging santo mo, hahahaha!!! Oo nga pala pare bukas ay birthday ng anak ko, punta kayo ng pamilya mo para makatikim tikim man lamang kayo ng masasarap na pagkain" pang-iimbita nya kay Mario


"Sige pare punta kami dyan sama ko yung mga bata" tungon nya sa kaibigan


Ganyan ang karaniwang pag-uusap ng dalawa, madalas may pagmamayabang ang bawat salita ni Tonio. Kinukutya nya ang kaibigan nya sa kanyang ginagawang pagtulong. Pakiramdam nya mas pinagpapala sya ng Panginooon kaysa kay Mario.


Subalit isang malaking sakuna ang nangyari. Hagupit ng kalikasan ang bumalot sa kanilang munting bayan. Sumabog ang bulkang malapit lamang sa kanilang bayan, na sinabayan pa ng matitinding pag-ulan kaya naman ginuho ng lahar ang lahat ng bahay at ari-arian sa kanilang bayan. Mabuti na lamang at nakalikas ang lahat ng residente sa kalapit na bayan na kung saan ay hindi aabutin ng lahar.


Makalipas ang ilang lingo, humupa na rin ang bagyo at ang lahar, nagsibalikan na ang mga residente sa kanilang bayan, kabilang ang mag-anak nina Mario at Tonio. Sa kanilang pagbabalik, nakita nilang parehong natabunan ang kanilang bahay. Puro mga bubong lamang ang natira, pati ang magara at malaking bahay ni Tonio ay naglahong parang bula, tangi lamang nasalba ay kanilang damit na suot suot. Halos gumuho ang mundo ni Tonio, sapagkat nawala na ang pinaghirapang bahay nya, ngayon ay babalik muli sya sa simula. Kaya ganun na lamang ang hinagpis at lungkot ni Tonio.


Bagamat si Mario, ay nalulungkot din, tinanggap na lang nila ang masaklap na pangyayari. Kanya ring pinapalakas ang loob ng kanilang pamilya na patuloy na sumampalataya sa Dyos. Alam nyang hindi sya pababayaan ng Panginoon.


Habang parehong nagdadalamhati ang dalawa, biglang nagsalita si Tonio:
"O nasan na yung mga tinulungan mo, nasan na??, ngayong ikaw ang nangangailangan nasan na yung mga sinasabi mong kapatid mo sa Panginoon?" sigaw nya sa kaibigan.


Hindi umimik si Mario, hindi na lamang pinansin ang kaibigan. Ayaw nyang intindihin ang sinabi ni Tonio, kanyang inunan ang paghanap sa mga gamit na pwede pang pakinabangan.


Subalit makalipas ang ilang minuto, nagsidatingan ang mga kaibigan at mga natulungan ni Mario. Bawat isa ay may dalang mga kahoy, mga plywood, yero at kung ano ano pa para tulungang buuin ang bahay ng pamilya ni Mario. Bagamat pareho pareho silang nawalan ng tirahan, nagtulungan sila para magawa muli ang bahay ni Mario, sapagkat alam nilang nasa kagipitan ito at paghihirap. At katulad ng pagtulong ni Mario sa kanila, tinulungan din naman nila ang tinuturing nilang kaibigang si Mario. Hanggang sa makagawa sila ng simple at pansamantalang tirahan para sa pamilya nya.


Samantala, nakatingin lamang sa kanila si Tonio, marahil nalulungkot sya sa kanyang sinapit sapagkat wala ni isang taong gustong tumulong sa kanya. Nagsisisi sya at nahabag sa kanyang sarili, tangi lamang nagawa ay yumuko at lumuha. Alam nyang wala ng tutulong sa kanya, sapagkat wala naman syang tinulungan sa kanila, madalas pa nga nyang tinaboy ang mga taong ito. Ngayon alam nya na mag-isa nyang itatayo ang kanyang bahay at hindi nya alam kung paano sisimulan ito.


Habang nakayuko at patuloy na umaagos ang luha ni Tonio, isang tapik ang umagaw ng kanyang atensyon. At pagbukas nya ng mata nakita nya ang kanyang kaibigang si Mario kasama ang mga iba pang gustong tumulong sa kanila, pawang mga nakangiti at wala ang galit sa dating nagtataboy sa kanila.


Isang tinig ang bumasag sa katahimikan.


"Pare, tama na yan, halika itayo natin muli ang bahay mo" marahang sabi ni Mario.


Hindi maipaliwanag ni Tonio ang kanyang nararamdaman, tuwang tuwa sya sa kanyang narinig. Panay hingi sya ng paumanhin at patawad sa lahat ng tao roon. Nahihiya sya sa kanyang mga nagawa sa kanila, subalit natutuwa sya sapagkat may mga taong gustong tumulong sa kanya sa panahon ng kagipitan. At simula noon, nagbago na rin ang pananaw nya tungkol sa pakikipagkapwa tao. Nagbago na rin ang pagkatao ni Tonio.


"Ano mga pare simulan na nating itayo ang buhay ni Pareng Tonio" tanong ni Mario


"SIGEE, TARA NA" sabay sigaw ng lahat.



-----------END---------------




Kaibigan, madalas iniisip natin na hindi patas ang Dyos,o hindi kaya iniisip na hindi tayo gaanong kamahal ng Panginoon sapagkat may mga taong mayayaman kahit hindi naman nanamapalataya sa Dyos. Pero ang katotohanan nyan ay mahal tayo ng Dyos at patas ang binibigay nyang biyaya sa bawat isa. Ang biyaya ng Dyos ay hindi lamang nasusukat sa mga pinansyal na pagpapala lamang. Katulad ni Mario, bagamat hindi sya mapalad sa pinansyal na aspeto, mapalad naman sya sa mga taong malalapit sa kanya. Biniyayaan sya ng maraming kaibigan at taong malalapitan sa panahon ng kagipitan.


Marami sa atin na ang pagkakaunawa ng biyaya ay pera o materyal na bagay, subalit ang biyaya ng Dyos ay mas malawak at mahalaga pa kaysa sa pera. Maari ito'y pamilya, trabaho, kaibigan, kapanatagang loob at kung ano ano pa. Kayat hindi natin maaring masukat o tawaran ang pagpapala ng Dyos sa atin.


Kaibigan, naitanong na ba natin sa ating mga sarili , kung anu- ano ang mga biyayang binigay ng Dyos sa atin. Napahalagahan na ba natin ito o napasalamatan na ba natin ang Dyos sa mga ito? O baka tayo ay nabubulagan sa maling depinisyon natin ng biyaya?


Tandaan natin na kung hindi man tayo maginhawa o mayaman sa buhay natin dito sa lupa, alalahanin natin na di hamak na mas maginhawa, mayaman , at maganda ang buhay natin sa kabilang buhay kasama ng Panginoon, basta patuloy lamang tayo sumunod sa kanya. Ang buhay sa lupa ay hindi permente subalit ang buhay sa langit ay mapasawalang hanggan at walang katapusan.


Hindi ba mas dapat nating pagsumikapan ang buhay sa Langit kasama ng Panginoon?


Sana nakatulong po ang kwentong ito.


SA DYOS ANG KADAKILAAN

Linggo, Nobyembre 9, 2008

Tindahan ni Aling Maring

Pahiran mo muna ang puwing ng mata mo bago mo pahiran ang iba. Maaring palasak o lagi na nating naririnig ang mga katagang ito, pero ano nga ba ang ibig sabihin nito. Kaibigan, nawa ang kwentong ito ay makatulong sa atin.

TINDAHAN NI ALING MARING



Sa Aling Maring ay palasimba at palagiang nagdarasal ng rosaryo araw araw. Siya ay nasa edad na limapung taong gulang (50), at mababanaagan mo na rin ang kanyang edad. Nagmamay-ari sya ng isang maliit na tindahan sa kanilang baryo.


Tuwing alas kwatro ng madaling araw gumigising na sya, naghahanda at nag-aayos sa kanyang pagsisimba. Araw araw sya kung magsimba, suot ang kanyang puting belo at pulang medalyon (na tipikal natin makikita sa mga deboto). Palaging siyang namumuno sa nobena bago ang misa at sya rin ay parati ring nasa unahang bahagi ng simbahan. Masasabi napakaaktibo nyang myembro ng simbahan subalit aktibo rin sya sa chismisan sa loob ng simbahan.


Kalagitnaan noon ng misa ng biglang kinalabit ni Aling Maring ang kanyang katabi.


"Hoy mare, kilala mo ba yung babaeng nasa kabilang upuan……. si Ana- yung anak ni Nena, aba alam mo bang buntis yan sa pagkadalaga. Eh kala mo noon hindi makabasag pinggan yun pala…….hmmmppp……Hindi na nahiya, nagsisimba pa dito, hay naku…." Bulong nya sa kanyang katabi


Muling ginala ang mata ni Aling Maring pagkalipas nyang mangamunyon at sa kanyang pagmamasasid may nakita ulit sya.


"Mare, alam mo ba yung lalaking yun, yung anak ni Mariong kapitbahay mo- si Rolando, alam mo bang kalalaya lang yan mula sa bilangguan, naku…. Magnanakaw daw yan. Aba kita mo naman eh nakuha pang mangamunyon, dapat hindi na binigyan yan kasi makasalan sya……" bulong nya ulit


Maraming nakikita si Aling Maring sa kanyang pagsisimba, parang bahagi na ito ng misa para sa kanya. Halos lahat ng nagsisimba ay kilala na nya at alam nya ang buhay nito.
Pagkatapos ng misa agad sayang lumapit sa pari at nakipagkwentuhan ng mga kalahating oras pagkalaunay umuwi na rin si Aling Maring sa kanilang bahay na ilang metro lang ang distansya mula sa simbahan


Pagkauwi galing sa misa dali dali ginising ang anak na dalaga, kanyang inutusang buksan ang kanilang maliit na tindahan.


"Hoy Tina, aba nakahiga ka pa dyan sa kama, tanghali na, bumangon ka na……… hoy, Nalagyan mo ng tubig yung galon ng suka para dumami"


"Opo nanay" papungas pungas na sagot ni Tina


"Eh yung tinda nating bigas lagyan mo ng buhangin para bumigat., naku mahal pa man din ang bigas ngayon. .


"Opooooo" inis na sagot ni Tina


"Hoy Tina, Aba kumilos kilos ka na dyan, umaga na, dalian mo at buksan mo na yung tindahan. Eh, Yung asukal na kinikilo mo kagabi tapos na ba,aba baka naman sinakto mo ng timbang yun, dapat medyo bawasan mo ng mga isang guhit, eh hindi naman mahahalata yun. "


"Opo, tapos na po….." padabog na sagot ng kanyang anak


"Teka nasan na ba ang tatay mo."


" Naku Nay tinanong nyo pa, tyak kasama na naman ni Mang Berting sa sabungan, at nakikipagpustahan na naman po.


"Hay lintek, Baka naman inubos na naman ang pera na kinita nya sa pagjuejueteng"


"Hala sige buksan mo na yung tindahan at tanghali na….dali kilosssss..!!!


"OPO" pabalang na sagot ni Tina.
___________________________________________________________________________________
Minsan ganyan tayo madalas nakikita natin yung mali at kasalanan ng iba kaysa sa sarili nating kasalanan. Madalas nakikita natin ang pagkakamali at pagkukulang ng iba kaysa sa sarili nating kamalian at pagkukulang. Hindi ba madaling pumuna at humusga sa isang tao at mahirap naman na aminin o tanggapin ang ating mga kasalanan. Mas bukas at malinaw ang mata natin sa ibang tao kaysa sa sarili natin.


Nakakalungkot isipin na minsan katulad din natin sa Aling Maring, sa ating pakiwari na mas mabuti at malinis tayo kaysa sa iba kaya madalas kinukutya o hinuhusgahan agad natin sila. Kung tutuusin lahat naman tayo ay makasalanan, kaya walang maaring magmalinis at kumutya ng iba.


Sabi nga ng ating Panginoon "Kung sino ang walang kasalanan sya ang unang bumato". Lahat tayo ay nagkakasala, walang malinis sa mata ng Panginoon, kaya ang mas mabuting gawin ay ipanalangin na lang ang isat isa at lumapit tayo sa Panginoon.


Huwag sana tayong maging katulad ni Aling Maring, bagkus maging mabuting kristyano tayo na sumusunod sa kagustuhan ng Panginoon, talikuran ang ating mga kasalanan, at akayin naman ang iba sa kaliwanagan. Sabi rin nga an gating Panginoon " Kung ano ang ginamit mong sukatan sa iyong kapwa ay iyon ding gagawing sukatan sa iyo"


Isa pa, tandaan din natin na hindi kailanman matumtumbasan o mawawalang sala ang kasalanan natin ng ating mabubuting gawa. Makukuha lamang natin ang kapatawaran mula sa ating Panginoon kung tayo ay magsisisi at ating tatalikdan ang ating mga kasalanan.

Naway ang kwento ni Aling Maring ay makatulong sa atin para tayo ay lumago sa pananampalataya at maging isang mabuting Kristyano.

Sa Dyos Ang Kadakilaan.

Sabado, Nobyembre 8, 2008

Paano lalabanan ang tukso (Lesson 101 tungkol kay Taning)



Sa totoo lang mahirap labanan ang tukso, hindi ko alam parang si Madam Auring yan si Taning kasi alam na alam nya ang mga kahinaan natin. Alam nya kung san nya tayo dadalihin at kung san tayo aatakihin. Akala ko kaya kong labanan pero talagang ang hirap pala. Para itong isang bomba na pagsinindihan ay tuloy tuloy ng sasabog.


Kanina lang eh habang nagsusurf ako sa internet, maraming mga bagay ang talaga namang tumawag sa aking pansin. Medyo nakaka-pollute talaga ng utak pero ewan ko ba parang may bumulong sa akin "Sige tingnan mo na, sandali lang naman eh papatawarin ka naman ni Lord", yun ang bumulong sa akin (sa may bandag kaliwa ko). Eh alam nyo na kung saan galing yun syempre kay Taning.


Mahirap labanan iyon kasi nag-eenjoy ako kapapanood eh, pero parang may malakas na pwersa din ang nagsabi sa akin na mali ang mga nakikita . Pero yun ang taktika ni Taning ibibigay sa iyo ang hilig ng katawan mo at kung saan ka nag-eenjoy, at papaniwalain ka na KJ (Kill Joy) yang si Lord.


Eh sa totoo lang sino bang ayaw mag-enjoy, pero minsan kasi yung pagpapakasiya at pagiging kumportable natin sa isang bagay ang naglalayo naman sa atin sa Dyos. Hindi ba pag nasa iyo na ang lahat, maalala mo pa ba kaya si Lord.? Minsan nman ginagawa nating parang Ginie si Lord. Feeling natin lahat ng i-wish natin sa kanya matutupad, at pag hindi ibinigay aba galit pa tayo. Kaya dun tayo inaatake ni Taning, ibibigay nya sa atin ang luho, hilig ng katawan at pagiging kumportable sa isang bagay para makuha nila tayo at sumama sa kanya.


Mahirap labanan ang tukso lalo na kung hindi ka equip o wala kang panlaban, mas maganda siguro na iwasan na lang natin kaysa harapin. Dati, naisip ko na harapin na lang ang tukso kasi para malabanan ko sya. Pakiramdam ko na handang handa na ako, parang si Superman ba. Pero pag dating ko dun, hayun bulagta si Superman kasi nakaisip ng taktika ang kalaban. Ganun pala yun,kung pakiramdam natin na kaya na nating labanan si Taning eh saka naman iisip ng mas malakas na taktika para patumbahin ka. Kaya noong mga panahon na yun umuwi akong lugo lugo kasi talo ako.Matagal din ako bago makarecover pero natutunan ko dapat labanan si Taning, kasi tyak matatalo ako. Iiwasan ko na lang sya.


Ang pag-iwas sa tukso ay isang paraan para labanan sila. Kung sakaling ang mga kaibigan natin ang magdadala sa iyo sa kapahamakan at pagkakasala, eh wag na tayong sumama sa kanila, mas sumama tayo sa magdadala sa atin sa Panginoon. Eh para kasing sakit yan eh, kung sakaling malusog tayo at sumama sa may sakit tyak magkakasakit tayo, o kaya kung sakaling gumaling tayo mula sa sakit tyak pagsumama uli tayo sa kanila, hayun matetepok na talaga tayo. Ang sakit natin ay ang mga masasamang gawi natin kaya pag sumama pa tayo sa mga taong may masasamang gawi din, tyak babalik at babalik tayo sa pagkakasala.


Isa pa sa taktika ni Taning ay sasabihin sa iyo na IN ito at marami ang nakikiuso. Dahil sa kalat na ito sa mundo babaluktutin nya ang mali para gawing tama. Ganito po paliwanag ko, kung maraming gumagawa nito kahit mali, sasabihin ni Taning sa atin na okay lang kasi marami namang ang gumagawa nya. Heto ang example, legal sa Amsterdam ang prostitution, at dahil legal- tanggap ito sa lipunan, at kahit gawin mo ito hindi ka ikukulong at okay lang kasi marami namang gumagawa nito. Pero alam naman natin na MALI ito, kaya kahit legal at tanggap ng nakakararami dapat huwag nating gawin kasi labag ito sa kautusan ng Dyos (teka masyado bang mabigat, hehehhe) Heto pa, hindi ba na tanggap sa lipunan nating mga Pilipino na ang mga mister ay laging may kabit o kaya may ikalawang asawa, tanda ito ng pagiging MACHO bilang lalaki. At dahil dagdag pogi points yun, hayun tinatanggap na lang natin kahit MALI. Ganyan si Taning malakas ang impluwensya, ipapaniwala sa iyo na okay lang kasi marami naman ang gumagawa nito . Pero syempre nasa atin na lang kung susundin natin ang nakakarami kahit Mali o susundin natin ang TAMA.


Isa pa, marami sa atin na ang pagkakakilala natin kay Taning ay demonyong may malalaking sungay o di kaya isang maligno, multo, aswang, tyanak at kung ano ano pang nakakatakot na mukha. Iyan ang ang pagkakakilala natin kay Taning mula noong bata pa tayo. Kaya hindi ba pag nakakita tayo ng Pangit, pakiramdam natin ay si Taning na yun. Heheheh!!! Joke lang!


Pero kasi nagbago na rin ng mukha si Taning ngayon eh, nagpapa BELO na sya. Nice!! Kumbaga binago na nya ang mukha nya. Ginagawa nyang kaakit akit at maganda sa paningin mo. Si Taning ay maaring isa sa kaibigan mo na mangyayaya sa iyo sa pagkakasala, maaring maging boss mo na iinisin ka at gagalitin ka, maaaring isang magandang babae o matipunong lalaki na magdadala sa iyo sa kahalayan at tawag ng laman. Maraming mukha si Taning, kaya mahirap malaman kung nasan sya at paano sya lalabanan. Pero dapat maging mapanuri tayo, lapatan natin ng dasal. Teka baka naman pag kinagagalitan ka ng boss mo bigla mo na lang sabihin na "LUMAYAS KA DEMONYO SA KATAWAN NG BOSS KO", naku tyak batok ang aabutin mo sa kanya. Wag ganun!! Basta maging mapanuri lang tayo at wag tayong magkakasala. Isipin natin kung dadalhin ba tayo ng taong ito sa kabutihan o kasamaan. Kung dadalhin ba tayo sa tama o aakayin lang tayo sa pagkakasala. Maging maingat tayo, maaring nasa paligid lang natin si Taning.


Isa pa sa laging taktika ni Taning, ay papaniwalain ka na papatawarin ka rin ni Lord. Kumbaga sasabihin sa iyo na okay lang yan, mabait naman si Lord eh, tyak papatwarin ka Nya. Kumbaga humingi ka lang ng tawad sa kanya eh siguradong ACQUITTED ka na raw!! Ito ay isang napalaking pang UUTO sa atin nyang si Taning. Oo, alam natin mabait ng Panginoon, pero wag naman nating gawing PASSES ito (parang sa sinehan) para magawa natin ang kasalanan. Wag nating lokohin ang Panginoon, kasi alam Nya ang lahat ng nasa puso at isip natin. So hindi ibig sabihin nun na acquitted ka na at back to zero ang lahat. Papatwarin ka lang ni Lord, kung iiwasan mo na at di mo na gawin muli ang pagkakasala na yun.


Marami pang taktika yang si Taning at tyak alam na rin natin ito isa-isa.Mahirap magsalita kung paano labanan ang tukso kasi maging ako ay laging may tukso umaaligid sa akin. Parang isang labanan ito, at hindi natin alam kung saan ako kakampi sa kabutihan ba o sa kasamaan. Minsan kahit alam nating mali ang gagawin natin pero napapadaig pa rin tayo kay Taning. Pero nasa atin din kung mapapagapi tayo sa tukso o mananalo tayo sa tukso. Manalangin tayo at manampalataya sa Dyos. Humingi tayo ng tulong sa Dyos, at wag nating iisipin na talunan tayo kung sakaling nagapi tayo ng kalaban. Ang Dyos ang parang magiging agimat natin para talunin ang kampon ni Taning.


Sa buhay na ito, lagi tayong nakikipaglaban sa tukso, ipamuhay lang natin ang Salita ng Dyos at manalig tayo sa Kanya. Sya ang malakas nating kakampi at hindi nya tayo iiwanan sa labanan. Kung minsan nanghihina tayo, lumapit lang tayo sa Kanya at bibigyan ka nya ng walang hanggang kapanyarihan parang si Superman.


Alam nyo kaya ko nasasabi ito kasi nagtalo rin ako ng tukso ngayon, at lahat ng sinabi ko ay pinagdaanan ko rin lahat. Pinagsisihan ko na yun at siguro ito rin ang nais ng Panginoon ang ishare ang mga bagay na ito sa inyo. Magtulungan tayo para mamuhay tayo ayon sa kagustuhan ng Panginoon. At sana patuloy tayong panampalataya at manatili sa kanya kahit umaaligid aligid sa atin si Taning. Kaya natin ito. AJA!!


SA DYOS ANG KADAKILAAN,

Miyerkules, Nobyembre 5, 2008

Paglilingkod kasama ng Panginoon



Noong isang araw napanood ko yung isang talk sa isang website ni Bo Sanchez ang Preacher in Blue Jeans At ang dami kong natutunan about serving (WITH) the Lord. Natutunan ko na ang serbisyo natin sa Dyos ay hindi nasusukat kung gaano kabigat, kalaki o kaganda ang serbisyo mo, ito ay ang kagustuhan mong laging sumagot ng "OO" o pag-sang-ayon sa lahat ng kagustuhan nya. Maliit man ito sa paningin ng iba pero malaki ito sa paningin ng Panginoon. Ang serbisyo natin ay hindi para makakuha ka ng mga papuri o paghanga mula sa ibang tao, kundi ito ay pag-aalay mo ng oras, panahon, lakas, talino sa serbisyo ng ibang tao para sa ikakasiya ng Panginoon.May makuha ka man o wala kailangan patuloy na maglilingkod sa Dyos. Hindi rin makikita ito sa dami ng serbisyo mo para sa Dyos kundi ito ay kung gaano karami ang pagmamahal mo para sa Kapwa at para sa Dyos. Walang oras, araw, okasyon o pagkakataon ang paglilingkod kundi ang pagigiging handa bawat minuto at pagbibigay ng 100% natin kahit malaki o maliit man na okasyon ito ay kalulugdan na ng Panginoon.


Share ko lang po yung isang experience ko po about "SERVICE". Noong nakaraang CLP (Christian Life Program) , naatasan kaming maging Service Team, at ako ay naging isa sa mga Facilitator. Matagal ko ng hinihiling sa Panginoon na bigyan nya ako ng isang SERVICE at ipinangako sa kanya na pagbubutihan ko ito . Noong kinausap kami tungkol sa mga responsibilidad namin bilang Facilaitor, natuwa ako kasi alam kong isa itong mabigat at malaking responsibilidad at naiisip ko nun, ito na siguro ang hinihiling ko sa Panginoon.


Dumating ang araw ng Byernes, araw ng CLP, maaga na akong maghanda kasi excited na ako para maging isang Facilitator, halos tuwang tuwa ako noong panahon na yun, marahil iniisip ko noon na ito na siguro yung pinakaiintay kong pagkakataon. Pagdating sa venue, nagsimulang magmeeting ang buong Service Team, lahat kami ay binigyan ng Task para sa araw na yun. Nag-iintay ako na sabihin sa akin kung ano ang magiging papel ko sa CLP, pero nagulat ako kasi halos walang binigay sa akin. Di ako nagsasalita noon, kasi nag-iintay ako na baka may iutos sa akin ang Team Leader, pero talagang wala. Tanging naging papel ko ay karelyebo o substitute para sa pagdarasal ng rosaryo na kung saan lahat naman ay kasali dito. Nagmukha akong isang "Participant" noong araw na yun kasi halos wala naman akong ginawa at halos lahat ay may task at ako wala. Iba yung pakiramdam ko noon, sobrang lungkot kasi pakiramdam ko wala naman akong naitulong noong mga panahon na iyon.


Di ko maitindihan ang pakiramdam, parang ang lahat ng anticipations at excitement ko, parang nawala lang lahat. Di ko maintindihan, nagdasal lang ako at nasabi ko sa kanya na marahil hindi ito para sa akin.Hanggang sa matapos ang CLP halos ganun lang din ang naging papel ko.
Pagakatapos ng CLP, nagdasal ako sa Kanya, at parang may boses na nagbulong sa akin na "MASAYA AKO SA GINAWA MO", bigla na lang akong naluha noong panahon na yun, at parang naisip ko na lahat. Naunawaan ko na kahit wala akong mabigat na tungkulin noong CLP, ang presence ko noong mga panahon nayun ay sapat na para sa Dyos. Ang oras na binibigay ko ay isang malaking serbisyo na para sa Panginoon. Ang ipagdasal ang lahat ng participants at ang CLP ay isang napalaking paglilingkod na para sa Dyos. Pinakita lang sa akin ng Panginoon, na hindi ko na kailangan magkaroon pa ng malaking papel at responsibilidad para lang matuwa sa atin ang Dyos. Naparamdam nya sa akin na hindi nasusukat ang serbisyo mo sa Dyos sa laki at dami ng paglilingkod mo para sa Kanya kundi ang kagustuhan ko at pigging handa para sa Kanya ay sapat na para sa Dyos.


Pagkatapos kong magdasal, nangiti lang ako. Kasi alam kong naging makabuluhan ang paglilingkod ko sa Kanya. Di man mabigat o malaki ito sa paningin ko, pero ito naman ay napakalaki at napabigat para sa Dyos. Ang dami kong natuklasan at ang daming kong natutunan dahil sa experience nayun.


Kaibigan lagi nating isipin " NAGLILINGKOD TAYO KASAMA NG PANGINOON", pag lagi nating iniisip na sa lahat ng paglilingkod natin may mga kamay ang Panginoon para tulungan ka, may "WISDOM" ang Panginoon na ibibigay sa panahon kailangan mo, at nandyan ang pag-iingat ay GRACE ng Panginoon, kahit kailanman ay hindi tayo makakaramdam ng pagod at hirap.
Alam nyo habang sinusulat ko ito naalala ko yung kanta natin sa SFC yung "LOVE ONE ANOTHER" heto yung chorus:


"I give you a new commandment, love one another
As I have loved you, you must also love one another
This is how they will know that you are My disciples
If you love one another."


Alam ko ang serbisyo sa Panginoon ay ang serbisyo rin natin sa ating kapwa. Sa maliiit na paraan makakapaglingkod tayo sa Panginoon.Ang mahalin, paglingkuran, at tulungan natin ang kapwa natin ay isang malaking serbisyo na para sa Dyos. Doon nila malalaman na isa tayong tagapaglingkod ng Panginoon

Sana patuloy tayong gamitin bilang instrumento ng Panginoon,nakikita ko sa bawat isa, na nasa atin ang Panginoon. Marahil sa ganitong paraan makakapaglingkod tayo sa Kanya, para itong isang kayamanan idedeposito natin sa bangko ng Panginoon. Alam ko ang kayamanan na ito ay tutubo sa pamamagitan ng mga blessings na binibigay sa atin ng Panginoon, pero sa huli makukuha rin natin ang premyo o kayamanan natin, ito ang makasama ang Panginoon kasama sa langit.



SA DYOS ANG KADAKILAAN

Mahal ba ako ng Dyos?





Madalas ba tayong nagtatanong sa Dyos, minsan ba na hindi natin makita o malaman yung sagot sa mga taong natin sa Dyos. Kaibigan , sana makatulong ang mga ito.

Mahal ba ako ng Panginoon?Kung mahal Nya ako, bakit binigyan Nya ako ng maraming problema.


Anak mahal na mahal kita, minsan kahit yung problema mo ay dahil sa pagkakasala at pagkakamali mo, nandito pa rin ako para tulungan ka at ituwid ang mga pagkakamali na iyon. Minsan, kahit ayaw mong lumapit sa akin para humingi ng tulong dahil iniisip mo na binigay ko sa iyo yun, pero pinipilit ko pa ring solusyunan yun at gumamit ng ibang tao para tulungan ka. Madalas wala man akong nakukuhang pasasalamat mula sa iyo, pero di pa rin nawawala o nababawasan ang pagmamahal ko sa iyo. Di ako nawawala sa piling mo, umalis ka man sa tabi ko, susundan pa rin kita kasi ayaw kitang mapahamak.

Nandito ako para maging solusyon sa problema mo. Madalas ito ang paraan ng aking mga kaaway,dahil sa kagustuhang kunin ka nila sa akin, sinasabi sa iyo na galing sa akin lahat ng paghihirap mo. Pero ang totoo sa sobrang pagmamahal ko sa iyo, ayaw kong makitang kang nahihirapan. Lumapit ka lang sa akin at sosolusyan Nating dalawa ang mga problema mo. Magtiwala ka lang sa Akin, Anak ko dahil mahal na mahal kita.

Ganyan kita kamahal anak, pero ako ba anak mahal mo ba ako?

Mahal ba ako ng Dyos, bakit naghihirap ako, yung iba mayaman, hindi sya patas.

Anak, mahal na mahal kita at patas ang pagmamahal ko sa inyo. Wala akong pinipili sa pagbibigyan ko ng biyaya, marami sa inyo, pinagyayaman ang biyaya ko kaya sila yumayaman, marami rin sa inyo ang winawalang halaga ang lahat ng biyaya ko. Madalas kasi nila tinitingnan ang mga bagay na wala sa kanila, pero ang mga bagay na binigay ko sa kanila hindi nila nakikita. Minsan may mga bagay na hindi ko naman iyo ibinigay at itoy galing sa aking kaaway para makuha kayo at ilayo kayo sa akin. Binubulag sila ng kanilang kasakiman at pagkagahaman sa mga kayamanan nila sa lupa.

Anak kung hindi ka man masagana sa buhay mo ngayon,makakakaasa ka na malaki ang kayamanan mo dito sa Langit. Pinagpapatayo na kita ng pinakamagarang mansion dito basta manatili ka lang sa paglilingkod at maging tapat ka sa akin. Ito ang kayamanan na kailan man ay di sa iyo maagaw at di ka mauubusan.
Pero Anak labis akong natutuwa sa mga anak ko na ibinabahagi nila sa iba ang biyaya nila. Nagiging instrument sila ng mga pagpapala ko. Pero labis naman akong nagdadamdam dahil minsan ang mga biyayang binibigay ko sa kanila, ay kanilang sinasarili at pinagkakait sa iba. Pero kahit ganun ang ginagawa nila, di pa rin ako nawawalan ng pag-asa na isang araw matutunan din nilang magbigay at magbahagi sa kanilang mga kapatid.

Tandaan mo anak na mas tinitingnan ko ang pagmamahal mo sa akin, at hindi ang tagumpay, katanyagan o kayamanan mo sa buhay. Maniwala ka at sumampalataya ka sa akin, at ibubukas ko ang mga mata mo sa mga biyaya ko na hindi mo noon nakikita. Mararamdaman mo ang aking pagmamahal sa iyo.

Ganyan kita kamahal anak, pero ako ba anak, mahal mo ba ako?

Mahal ba ako ng Dyos, bakit nya kinukuha ang mga mahal ko sa buhay? Mahalaga sya sa akin, bakit Nya inilalayo sa akin?

Anak mahal na mahal kita, kinuha ko man sa iyo ang mga mahal mo sa buhay,ito ay para maunawaan mo na hindi permanante ang lahat dito sa mundong ito. May magandang buhay ang naghihintay sa kanila sa langit. Alam kong mas Masaya sila doon kesa nandyan sa lupa. Sana maunawaan mo na ipinahiram ko lamang ang buhay na ito, at tulad ng buhay mo pinahiram ko lang din ito sa iyo. Sana gamitin ito para makatulong ka sa iba. Sa pagbibigay ko sa iyo ng buhay , binigyan kita ng pagkakataon na magsisisi at sumunod sa akin, dahil gusto kitang makabilang sa mga pinaghaharian ko dito sa langit. Di ako nawawalan sa iyo ng pag-asa, kaya patuloy kitang binigyan pa ng buhay. Sana maunawaan mo na hindi ko sya inalalayo sa iyo, gusto ko lang syang mas mapalapit sa akin, at ikaw din ay mapalapit din sa akin. Hindi ko pinagkakait sa iyo ang mahal mo sa buhay, kundi gusto ko lang silang mapabuti, mailayo pa sa kasalanan at paghihirap sa mundo, at makasama ko na uli sila. Sana maunawaan mo iyon Anak ko.

Ganyan kita kamahal anak, pero ako ba anak,mahal mo ba ako?

Mahal ba ako ng Dyos, bakit naging matapat naman akong tagapaglingkod sa Kanya, pero lagi pa rin nya akong binibigyan ng mabibigat ng pagsubok?

Anak mahal na mahal kita, kung sinusubok ko man ang pananampalataya mo, iyon ay para di ka lumayo sa akin, kundi para mas mapalapit ka pa sa akin. Kung nalampasan mo man ang mga pagsubok na ito, ikaw ay aking pagpapalain pang lalo, at kung sakaling mabigo ka sa pagsubok na ito, hindi kita iiwanan kundi ikaw ay aking pang lalong tutulungan at pagpapalain. Kahit kailan man sa pagsubok na binigay ko walang nanalo at natatalo, para sa akin lahat kayo ay panalo sa akin basta kayo ay mananatiling tapat sa akin. Kung sakaling mabigo man kayo, pag-aalabin ko pa ang kanilang pagmamahal sa akin, at kung kayo naman ay nagtagumpay, ako ay tuwang tuwa sa inyo. Ganyan ko kayo kamahal kasi lahat kayo ay mga Champion para sa akin.

Tandaan mo Anak hinding hindi kita iiwanan, kung sinubok man kita iyon ay dahil naniniwala ako na kayang kaya mo ang lahat ng iyon.

Ganyan kita kamahal anak, pero ako ba anak, mahal mo ba ako?

Sana kaibigan, maramdaman natin ang pagmamahal ng Dyos. Madalas nawawalan tayo ng pag-asa pero tandaan natin ang Dyos di nawawalan ng pag-asa sa atin. Madalas nagrereklamo na tayo sa buhay at paghihirap, pero ang pinakamamahal nyang Anak na si Hesus kahit kailanman man ay di nagreklamo sa paghihirap na ginawa natin sa Kanya. Kasi naging matapat Sya ating Ama. Madalas nagtatampo tayo sa kanya kasi kinuha nya ang mahal natin sa buhay, pero ang pinakamamahal nyang Anak ay binigay pa nya sa atin para iligtas lamang tayo.
Gaano kaya kasakit iyon sa atin Dyos ang makitang nahihirapan ang Kanyang bugtong na Anak, pinahiihirapan at sinasaktan Sya ng mga taong ililigtas Nya dahil sa malaking pagmamahal ng Dyos sa atin? Mas masakit pa ba yun sa mga paghihirap at kabigatan natin sa buhay.

Mahal na mahal tayo ng Dyos, hindi masusukat ang pagmamahal Nya sa atin. Pero tanungin natin ang sarili natin tayo kaya gaano natin kamahal ang Dyos?

Iyun lamang po at Maraming Salamat po.

SA DYOS ANG KADAKILAAN

Martes, Oktubre 14, 2008

Ang Tunay na Kagandahan


“Uyyy!! Ang ganda naman nung babaeng yun!!! Uyy teka sino yun, seksi seksi ahh!! Wow!!! “Ito ang madalas kong marinig pag may isang seksing babaeng nagdaan sa aming mga paningin!! Subalit nung minsang may nagdaang hindi kagandahang babae ganito naman ang aking narinig !”


Sino yun, whahahaha akala ko ba ang tao ay galing sa unngoy bakit sya mukhang kabayo!!! Whahahahah!!! Nice pamatay sa katawan parang coke!!! Coke in can!!! Diretso!!Whahahahah!!!” Mga malulutong na tawa ang maririnig ko mula sa grupo ng mga kalalakihan sa LRT station!!! Nakakatawa di ba!! Marahil nangingiti ka rin ng konti sa mga binitiwan nilang mga salita!!! Pero nakakatawa nga ba talaga???


Oo nga pla mga kaibigan may ikukuwento ako sa inyo, sana may mapulot kayong aral mula sa kwento!!!:


Sa isang sikat na unibesidad sa Maynila may tatlong babae na matatalik na magkaibigan. Pawang maganda silang lahat, mahahaba at makikintab ang mga buhok!!! Mapupula ang mga labi, bilugan ang mga mata at balingkinitan ang kanilang mga katawan. Ang buong klase sa pinapasukang unibersidad ay humahanga sa kanilang kagandahan!! Kinaiingitan sila ng mga kababaihan at hinahanggan ng mga kalalakihan!!! Lahat ay gustong silang maging kaibigan. Ngunit isang araw nagulat lang ang buong klase, mula sa pinto ng kanilang silid aralan may pumasok na tatlong babaeng walang buhok, mga mukhang nababalutan ng pulbos at make up at mga katawang balot na balo ng mahahabang kasuotan kahit sa kainitan ng panahon at alinsangan ng paligid!!! Agad nilang inalam kung sino ang tatlong babaeng pumasok sa kanilang silid. At pagkadaka isang malulutong at malalakas na tawanan ang umalingawngaw sa silid!!! Isang lalaki ang nagsasabi “ Eh sila Theresa, Maria, at May ito eh, whahahahah”. At nooy din nalaman ng buong klase na sila pala ang tatlong sikat na babae sa kanilang silid. Wala na ang dating makakapal at makikintab na buhok pawang mga kalbo ang tatlong dalaga, wala na ang mapupulang mga labi, mga mapupungay na mga mata , itoy napalitan na isang makapal na make-up at pulbos!!! Ang mga balingkinitang mga katawan ay nabalutan ng mahahaba at maiinit na mga damit!!! Hagalpakan ang buong klase sa tawa!! Lahat ay nanunukso, nanlalait at nambubuska sa tatlong dalagang kalbo at di kagagandahang mga hitsura. Nawala na sa paningin nila ang mga babaeng kinaiingitan nila at hinhanggan nila noon!!! Bagkus napalitan ng mga ibat ibang mga katawagan at pangalan!!! Nandyan silang tawaging babaeng espasol, bokal, manang at kung ano ano pang masasakit na katawagan at bansag!! Walang gustong lumapit at makipagkaibigan sa kanila!!! Pakiwari nilay magiging katawa tawa sila pag sumama sila sa tatlo!!! Ang mga naiingit na mga babae noon ay pawang mga nagbubulong bulungan sa tuwing dadaan ang tatlong babae. Mga matang matatalas, titingnan mula ulo hanggang paa at saka tatawa ng pagkalakas lakas!! Ang mga lalaking humahanga sa kanila na ginagalang sila noon ngayun ay puros tawanan at panlalait,” Jologs,Bembol” at kung ano ano pang mga bansag ang maririnig mo sa kanila, sabay ang malalakas na halakhakan at palakpakan animoy nakakita ng mga taong mapaglalaruan ng kanilang mga mapanghusgang mga mata!!Sa araw araw na kanilang pagpasok halos lahat ay pinagtatawanan sila sa katawa tawang hitsura nila!!! Lahat ay pawang masayang masaya sa mga panlalait na ginagawa nila sa tatlong babaeng kamag-aral!!! Mga matang mapanghusga at mapanlalit ang ginaganti nila sa bawat yukod at iwas na tingin ng tatlong kaawa awing mga dalaga!!!


Subalit hindi ito ininda nila Theresa, Maria at May, sila ay pawang mga tahimik lamang, pilit na wag aalalahanin at intindihin ang lahat ng panunukso at panlalait . Wala silang iniisip kundi ang mag-aaral ng mabuti at makatapos!!! Magkasama palagi anong mang oras at lugar!!! Ayaw nilang iwan ang isat isa. Minsan may isang kaklase nila ang nagtangka magtanong pilit na inaalam kung ano ang dahilan kung bakit nila ginawa ang mag bagay nay un!! Kung ano ang kanilang naisip kung bakit nila ginawa yun!! Pagtatanong na may kasamang panlalait at paghuhusga!!! Subalit pawang mga malulungkot na mga mata ang sumagot sa kanilang mga katanungan!!!Wala ni isang salita ang lumabas sa kanilang mga labi kundi isang pagyuko ang kanilang isinagot sa kanilang mga kaklaseng nangungutya sa kanila!!.


Makalipas ang isang buwan. Nagulat ang buong klase sapagkat di na nila madalas nakikita si Theresa sa klase at madalas naman nilang nakikitang umiiyak sina Maria at May sa isang sulok ng kwarto. Walang nagtangkang magtanong sa dalawang umiiyak na dalaga, at walang dumamay kahit isa sa kanila.


Isang araw pumasok sina Maria at May sa klase , maayos na ang kanilang pananamit at hitsura at bagamat kalbo pa rin sila. Naging normal uli sila sa paningin ng kanilang mga kaklase. Bagamat patuloy pa ring nagtatawa at nangungutya , marahil siguro nakasanayan na nila na gawing tampulan ng tukso at panlalait ang mga dalaga!! Marami ang nagtataka sa buong klase sapagkat ilang araw na ring di pumasok si Theresa sa klase nila. Marami sa kanila ang nag-isip na baka lumipat na ng unibersidad sapagkat di na nya kaya ang panlalait sa kanya!! Pero marami pa rin ang nagtatawa na nagsasabing siguro bumalik na raw sya sa kumbento, sa tribo nya o sa circus!!! Pilit nilang gingala ang mga matang mapaghanap!! Lahat ay nagtatanong kung nasan na si Theresa. Nuoy din lumapit sila kina Maria at May!! Tinanong nila ang dalawang dalaga kung nasan ang isa pa nilang kaibigan, subalit pagkabanggit ng pangalan ni Theresa isang luha ang dumaloy sa kanilang mga mata!!! Isang hikbi ang sinagot nila!!! At isang balita ang sinabi nila sa buong klase!!! Balitang dumagundong ng malakas at nadaig ang malalakas at malulutong na halakhakan!! At duoy din sinabi nila na si Theresa ay patay na!! Lahat ay nagulat!! Biglang tumahimik ang buong klase!! Binasag ng katahimikan ang kanina lamang malalakas na tawanan sa loob ng kanilang silid aralan!! Tinanong ng ilan kung ano ang tunay na nangyari!!! Ano ang kanyang kinamatay!!! At duon din kinuwento nila ang buong pangyayari!!! Sinabi nila na bago sila pumasok sa klase na may katatawa tawang hitsura!!! Pinagtapat sa kanila ni Theresa na may KANSER siya. May leukemia si Theresa!! Ang sabi nila!! Kanilang inamin sa buong klase na nagchechemotherapy ang kanilang kaibigan noong panahon na yun!!! Kinakailangang alisin ang maganda niyang buhok para sa therapy. Naglagay sila ng makapal na make up at mahahabang damit ay para matakpan ang mga pantal sa katawan dulot ng sakit ni Theresa !!!! At marami ang nagtataka kung bakit pati silang dalawa ay nagpakalbo at gawin ang ginawa ni Theresa. Noon din ay inamin ng dalawa na ginawa nila yun para tulungan at damayan si Theresa. Alam nila na pagtatawan sya ng buong klase at kukutsayin!!! Ayaw ipasabi ng kanilang kaibigan sa kanilang mga kaklase ang nangyari sa kanya, natatakot syang kaawaan sya ng mga ito subalit hindi awa ang nakuha nya kundi malakas na tawanan at masasakit na panlalait . Di nila iniisip ang kanilang magiging hitusa ngunit ang kanilang nasa puso at isipan ay ang tulungan at damayan ang kaibigan sa paghihirap kahit man lang sa maliit na paraan nay un!!! Batid nila na sa ganoong paraan hindi lang si Theresa ang kukutsain kundi pati na rin sila at sama sama nilang haharapin ang lahat ng huhumusga sa sa kanila. Ito ay para hindi lalo kaawaan ni Theresa ang kanyang sarili bagkus malaman nya na sila (Maria at May) ay handang maging iba para damayan sya at sama sama nilang harapan ang lahat. Kung susumahin hitsura lang naman nila ang nagbago hindi ang kanilang pagkatao, subalit hindi iyon ang nakita ng kanilang mga kaklase kundi ang may mapaglaruan at may mapagtawanan.


Nagulat ang lahat at nahiya sila sa knilang mga sarili. Di na sila muling makatawa at makapangutsya!! Di na sila makaimik dulot sa pagkahabag hindi kay Theresa kundi sa kanilang sarili. Batid nila na hindi sila nakatulong sa kanilang kaklase ngunit mas lalo pa silang nakadagdag sa nararamdaman ni Theresa. Nagyun gusto man nila dumamay at tumulong wala na ang kanilang kaklase. Kung tutuusin hindi na nila kailangang malaman na may sakit si Theresa para igalang sya bilang tao at damayan!!! Kung ating lilimiin dapat ay pangunawa at pagtanggap na lang ang kinilang iginanti kahit hindi nila batid ang totoong dahilan kung bakit iba sya kesa sa karamihan kaysa malulutong na halakhakan at kantyawan dahil sa knilang hitsura. Ngayon magsisisi man sila wala na!!!


Alam kong sa kabilang buhay ni Theresa, ay maranasan niya ang buhay na tahimik, walang sakit, walang pangungutya, at walang panlalait!! Alam kong magiging Masaya na sya sa kinalalagyan nya ngayon!! Marahil Masaya rin sya sa kanyang dalawang kaibigan na kahit kailan man ay di sya iniwan bagkus sya ay kanilang dinamayan. At napakadakila ng kanilang ginawa. Ngayun sino ang katawa katawa!!! Sino nagyun ang dapat mahiya!!!


Mga kaibign, minsan marami sa atin ay tumitingin sa pisikal na katangian ng isang tao. Marami sa atin ay nagiging panuntunan ang kagandahan at hitsura!! Kung minsan agad natin hinuhusahan ang isang tao dahil sa kanyang mukha at pangangatawan!!! Hindi ba pag may isang magandang babae o lalaki sa atin harapan at humingi sa atin ng tulong walang alinlangan natin tututulungan, subalit pa gang isang pulubi at palaboy sa lansangan ang lumapit sa tin hindi ba katakot takot na pandidiri at pangungutya ang ginaganti natin, madalas pa nga itinataboy natin sila palayo!!! Subalit isipin mo ngang mabuti sino sa dalawa ang talagang mas nangangailangan ng tulong mo!! Ang isang magandang babae/lalaki inuubos ang oras at pera sa pagpapaganda o ang isang kaawa awang pulubi na walang makain sa araw araw, walang tirahan , walang matutulugan at walang masisilungan. Kaibigan hindi siguro balakid sa isang tao ang kanyang hitsura para tulungan siya, para damayan sya at para intinidhin sya!!! Marahil pinagtatawanan na natin sila dahil sa katawa tawang hitsurang pinagkaloob sa kanya, pero isipin mo nga kapatid sino kaya ang mas katawa tawa sa inyong dalawa, sino kaya ang mas katanggap tanggap sa inyo sa paningin ng panginoon!!!


Kaibigan tandaan mo na ang kagandahan ay kumukupas, ang makinis at maputing balat ay kumukulubot at nangigitim, ang magandang mga mata ay manlalabo at matatakpan ng makakpal na salamin, ang magandang pangangatawan ay hihina subalit ang kagandahan ng loob ay kailan man ay di mawawala sa iyo at di ito kukupas!!!


Naway kung may Makita tayo sa ating plaigid na di kanais nais sa ating paningin dapat hindi tayo maghusga at mangutya!! Kung sakaling may humingi ng tulong sa inyo sana wag na nating tingnan ang histura ng isang tao para tutulungan sya .Sana sa tuwing titingin tayo sa isang tao ang kalooban nila ang ating makita hindi ang kaniyang mukha at histura!! Pang-unawa at pagtanggap ang kailnagn natin kaibigan!! Iintayin mo pa bang mahiya ka na lang sa sarili mo, spaagkat inuna mo pang pumuna bago umitindi. Gawin mo ang tama at mabuti sa kapwa yun ang mahalaga kaibigan!!


Maraming Salamat kaibigan!! Sana kahit papaano ay may naitulong ako sa inyo!! Salamat sa oras!!!!

AGIMAT NG TAGUMPAY

Kaibigan, madalas ba tayong sumusuko na sa ating mga problema. Minsan ba ay naiinip tayo sapagkat walang nangyayari sa buhay natin o di kaya halos hindi tayo makausad sa ating kalagayan. Sana makatulong ang kwento na ito sa lahat.


ANG AGIMAT NG TAGUMPAY


Si Mario at Lito ay matalik na magkaibigan, subalit kung tungkol sa estado ng buhay ng magkaibigan ang pag-uusapan ay malaki ang agwat nila sa isat isa.


Si Mario ay isang matagumpay na businessman samantalang si Lito ay isang simpleng mamayaman lamang kaya naman gustong gusto nyang maging katulad ang kanyang matalik na kaibigan.


Isang araw habang magkasama ang dalawa sa isang kapihan nagtanong itong si Lito sa kanyang Kaibigan:


“Pare, ano ba ang sikreto mo bakit successful ka” tanong ni Lito


“Wala naman,siguro dahil sa agimat na meron ako” Sagot ni Mario


“May agimat ka???” gilalas ni Lito


“Oo pare, gusto mo bigyan kita ng agimat ko”


“Aba syempre naman” dagling sagot nya.


“Ganito , bukas may ibibigay ako sa iyo, pupunta ako sa bahay nyo para malaman mo kung ano ang agimat na yun” sabi ni Mario


“Sige pare aasahan ko yan”


Kinabukasan, excited na excited si Lito kaya nga hindi sya mapakali kakaintay sa kaibigan. Iniisip nya na sa wakas ay magkakaroon na rin sya ng agimat para maging matagumpay sa buhay.


Makalipas ang ilang minuto dumating na si Mario,at nagulat sya sa kanyang nakita, may dala dalang kulungan sa likod ng sasakyan si Mario.Kaya nag-isip sya ng malalim


“Ano to pare? Tanong ni Lito


“Kulungan ng aso, kasama si Doggie, ang pinakamabangis na aso” sabay turo ni Mario sa kulungan.


Natakot si Lito dahil naglalaway ang aso habang nanlilisik ang mata nito sa kanya. Mabangis na mabangis ang aso.Ni ayaw nyang lapitan sapagkat pakiramdam nya ay lalapain sya ng buong buo.


“Pare nakita mo yung nakasabit sa leeg ng aso, Yung kwintas……nandun ang agimat para magtagumpay ka, tandaan mo ang kailangan mo lang ay paamuin ang aso para makuha ito. Pag sinubukan mong puwersahing para makuha yun ,mawawalan ito ng bisa.” Paalala ni Mario
“Ganun ba?sige pare susubukan ko”sagot nya.


Pagkaalis ni Mario, hindi alam ni Lito kung paano nya makukuha yung kwintas na sa leeg ng aso, basta ang naiisip nya na nandun ang agimat na sinasabi ng kaibigan nya. Pakiwari nya isa itong agimat na maaring sikreto sa pagyaman nya. Pero hindi nya alam kung paano nya ito makukuha.
Sa tuwing lalapit sya sa aso, panay ang ngitnit at tahol ng aso, pakiramdam nya ay lalapain sya ng buhay ng napakalaking asong yun. Hindi naman nya magamitan ng pwersa o kaya gamitan ng kemikal pampaamo sapagkat baka mawala ang bisa nito, kaya nag-isip sya kung paano ito mapapaamo.


Tuwing umuga pinupuntahan nya ito,at sa tuwing papakainin nya ang aso gumagamit sya ng malaking patpat para mailagay ito sa kulungan nya. At dumistansya sya ng mga dalawang metro at mula sa malayo ay tinatanaw nya ito at kinakausap na parang isang tao.


“Doggie, alam kong mabait kang aso, kamusta ka na? Kamusta ang tulog mo?”


Sa bawat labas ng salita sa bibig ni Lito, galit na galit ang aso sa kanya, naglalaway ang aso at lumalabas ang mga pangil na malalaki na gusto gusto syang lapain at pagkakagatin.
“Sorry doggie sige kain ka na”amo ni Lito


Tuwing gabi naman, pinupuntahan rin ito ni Lito, halos binabantayan nya ang aso at tinitingnan sa malayo.Kinakantantahan pa na parang bata, at binebentiladoran para di mainitan, kaya halos mapuyat sya mapaamo lang aso


.Ngunit sa pagdaan ng ilang araw pakiwari nya hindi nya na ito mapapaamo, gusto na nyang sumuko at ibalik na lang ang aso sa kaibigan nya, subalit naisip nya na kung sakaling makuha nya ang agimat na yun magtatagumpay sya, kaya naman pinapalakas nya ang kanyang loob at iniisip na lang nya na makukuha rin nya ang agimat


Sa araw araw, lumalapit sya sa aso ng mga ilang pulgada,pinapakain lagi lagi, pinapainom at pinaliliguan din at sa gabi naman ay halos napupuyat sya dito para kausapin at kantahan. Ang iniisip nya at kung lagi syang makikita ng aso ay magiging palagay din at aamo din ang aso sa kanya.


Hanggang sa hindi nya namalayan na papalapit na ng papalapit na sya sa aso. Hindi na gaanong nangangalit o nagagalit ang aso, marahil dahil sa lagi nyang nakikita si Lito na syang nagbibigay ng pagkain at inumin sa kanya. Unti unti na itong tumatahimik at nawawala na ang mga tahol.
Makalipas ang anim na buwan ng pagtatyaga at paghihintay sa wakas ay naging maamo na rin ang aso sa kanya. Hindi sya makapaniwala sa kanyang nakita at naramdaman sapagkat parang isang napakabait na aso ang nahahawakan nya ngayon , na noon ay halos hindi man lang nya matingnan ito na hindi tumatahol o nagagalit. Dali dali nyang kinuha ang kwintas sa leeg ng aso. Para makuha ang agimat.At sa kanyang pagsisiyasat ,nagulat sya na ang kwintas ay isa lamang pagkaraniwan na kwintas, isa lamang itong ordinaryong kwintas na nafe-free lamang sa mga kending pambata, at sa tabi ng kwintas ay may isang maliit na plastic case ,sa loob nito ay may nakabilot na papel sa loob.


Inisip nya na maaring nandito ang dasal para magkabisa ang kwintas kaya dagli dagli nya itong binuklat at kanya itong binasa . Pagkabasa bigla syang nainis, nagulat at nabigla.


Ngunit kalaunay ay ngumiti din sapagkat ang nakasulat ay:


“Pare, naisahan kita….heheheh, di ko alam uto uto ka rin pala.
KAYA PARE YARI KA…….”

Niloloko lang pala sya ng kaibigan nyang si Mario, pero kalaunay napag-isip isip nya na ang sikreto ng tagumpay pala ay ang pagiging matyaga, pasensyoso, at masikap. Marahil naloko sya ng kaibigan nya subalit marami naman syang natutunan sa pangyayaring yun. Marahil gusto lang din syang turuan ng kanyang kaibigan. Nalaman nya na ang agimat ay nasa kanyang sarili lang pala at wala sa kwintas. Kaya gagamitin nya ang kanyang natutunan sa totoong hamon ng buhay at gagawin nyang daan tungo sa tagumpay. Nasabi lang nya sa kanyang sarili “Salamat pare”.


Sa buhay natin minsan pakiramdam natin na hindi na tayo magtatagumpay pa kaya sa una pa lamang pagsubok sumusuko na tayo agad. Minsan ayaw nating mahirapan kaya kung nakakaranas tayo ng kahirapan, agad susuko na din tayo.Tandaan sana natin na walang madaliang paraan sa pagtatagumpay ito ay nangangailangan ng tyaga, pasensya at pagsisikap.Wag tayong matakot sa tagal ng panahon para makuha ang isang bagay tandaan natin na hindi ito makukuha ng sapilitan sapagkat ito ay nagngailangan ng paghihirap at sakrispisyo. Nasa atin ang susi ng tagumpay at nasa atin ding mga kamay ang ating kapalaran. Huwag tayong susuko sa buhay.


Sana itoy maging inspirasyon sa lahat

Lunes, Oktubre 6, 2008




Ang Oktobre ay buwan ng Rosaryo, kaya ang lahat ay inaayayahan na magdasal ng mabisang panalangin na ito. Maraming beses na na napatunayan na napakabisa ng panalangin na ito. Ilang mga patotoo na rin ang naisulat at nailathala tungkol dito.


Para sa akin ang Rosaryo ang isa sa pinakamabisang at kumpletong panalangin para sa akin. Naipapanalangin natin ang bawat isa, ang mga kaluluwa sa purgatory, mga makasalanan, at atin pang nababalikan ang buhay at pagliligtas sa tin ng Panginoon. Maraming beses ko ng napatunayan ang bisa ng Rosaryo, totoo ang linyang “The Family that prays together, stays together”.


Natatandaan ko noon sa noong nasa edad 12-15 ako noon sa tuwing magdarasal na kami ng Rosaryo noon, pupunta na ako sa kwarto at nagtutulog tulugan. O di kaya ang Rosaryo ang pampatulog ko noon, kasi nga paulit ulit at para sa akin boring. Madalas ito rin ang oras na tumatakbo ang utak ko kung saan saan. Ang mga nanay at tatay ko lang talaga ang talagang matyagang magdasal at aayain kami sa pagdadarasal ng Rosaryo, hanga ako sa kanila dahil kahit nasa kaliliman na ng tulog o kaya pagod ang tatay at nanay ko sa trabaho ay magdarasal sila ng Rosaryo, at sa madaling araw naman talagang gigising pa sila para magrosaryo at kalauna’y magsisimba., araw araw at gagabi yun.


Kaya siguro hindi kami pinabayaan ng Panginoon hanggang ngayon, hindi ko lubos maisip kung paanong ang isang magsasaka at isang simpleng may bahay ay makapagpapatapos na ng walong anak sa kolehiyo. Kung paaanong kahit marami kami ay hindi namin naranasan ang magutom o di kaya pumasok na walang baon sa klase. Na kahit sobrang hirap ng buhay ay nagawa naming makaraos araw araw.


Hindi kami mayaman, nakikita ko rin minsan ang kahirapan ng magulang ko , marami ring kaming problema lalo na pangpinansyal pero kahit kailanman hindi kami pinabayaan ng Dyos. At marami pang mga hindi ko mapaniwalaang mga biyaya ang pinakita sa akin ng Panginoon (pati ang pagkakapunta ko sa bansang Saudi Arabia)


Pati ang samahan naming pamilya ay talaga namang napakatibay, lahat kaming mga anak ay naging masunurin at mabait sa magulang. Walang sinuman sa amin ang naligaw ng landas, walang sinuman sa amin ang palaalis o mabarkada, madalas kami kami sa loob ng bahay ang nagkakasiyahan at nagkakantahan. Ayaw kong sabihin na perpekto ang pamilya naming, pero masasabi kong dahil sa Panginoon, naging maayos ang samahan naming. At hanggang nagyon ganun pa rin ang turingan naming at ganun pa rin ang samahan namin. Alam ko dahil ang Dyos ang naging sentro ng pamilya namin at Sya ang nagbuklod buklod sa amin. Alam kong tinutulungan kami ng ating Mahal na Birhen. At alam ko na ang pagdarasal ng Rosaryo ang naging daan para sa amin para kami ay magbuklod buklod kahit kami ay magkakalayo
Kaya inaanyahan ang lahat na magdasal ng Rosaryo, at magugulat kayo sa mga mangyayari sa buhay nyo at sa pamilya nyo. Ipanalangin natin ang isat isa.

Maraming Salamat po


Sa Dyos ang Kadakilaan,

Sabado, Oktubre 4, 2008

Panalangin ni Rose Ann



Marami ka bang bagay na hinihiling ngayon sa Panginoon? Madalas ba tayong nanalangin sa mga bagay na gusto natin makamit? Madalas ba tayong humihiling sa Panginoon? Madalas bang may "sana" sa ating panalangin


Kaibigan, pakinggan nyo yung panalangin ni Rose Ann, pitong taong gulang na nakatira sa isang squatter's area sa Payatas. Ito ang panalangin ng munting anghel;


"Papa Jesus, magandang gabi po,Kamusta na po kayo dyan sa heaven?


Papa Jesus maraming salamat po sa bigay nyo pong pagkain sa amin, masarap po yung pansit na uwi ni tatay kasi nakabenta daw po ng maraming plastic at dyaryo si tatay kanina. Naubos ko nga po yung isang plato eh.


Papa Jesus maraming salamat po kasi binigyan ako ni nanay ng piso kanina,pambili ko raw po ng kendi. Sobrang sarap po ng kendi Papa Jesus binigyan ko nga po si Itoy yung bunso ko pong kapatid. Sarap na sarap din daw po sya.At tenk u din daw po.
Papa Jesus, tenk u din po kasi nakakapag-aral po ako, kahit po medyo sira na po yung sapatos at bag ko, okay lang po iyun, kasi nakakapasok pa po ako sa skul, kasi po si Angela, napahinto po sya sa pag-aaral eh, wala na raw pong pera si Aling Sonia yung nanay nya, kaya tumutulong na lang po sya sa paggawa ng basahan. Papa Jesus tulungan nyo po sila, lalo na po si Angela yung bespren ko na kapagaral po uli please Papa Jesus…..


Pero Papa Jesus, pagkagaling ko naman po sa skul,itinituro ko po lahat yun kay Angela para alam din nya po ang pinag-aaralan namin, nasa Multiplication na nga po kami eh.


Papa Jesus madami madaming tenk u po, kasi lagi nyo po kaming tinutulungan, sana po Papa Jesus bukas po masarap po uli ang ulam namin, pero kung hindi po, okay lang po yun.


Oo nga po pala Papa Jesus,ikamusta nyo rin po ako kay Lola dyan sa Heaven, sabihin nyo po kay Lola miss na miss ko na po sya!


Sige po Papa Jesus tulog na po ako, si Itoy kasi tinulugan ako, sabi ko sa kanya pray kami sa inyo tapos natulog na. Sige po Papa Jesus. Lab u po.

AMEN"

Nakakatuwa si Rose ann, bagamat salat at mahirap ang pamilya nya, nagpapasalamat pa rin sya sa Panginoon. Ang inosente nyang mga panalangin ng pasasalamat ay tila isang magandang tinig para sa ating Panginon.


Minsan nakakalimutan natin ang malilit na bagay na bigay sa atin ng Panginoon, kasi nabubulagan tayo ng paghahangad natin para sa mas malaking pang mga bagay. Hindi natin napapasalamatan ang mga bagay na meron tayo bagkus mas lalo natin iiniisip ang mga bagay na wala tayo. Masasabi ko ring "Guilty" ako sa mga ganitong bagay, pero pinipilit kong pasalamatan ang Panginoon araw araw sa mga bagay na ibinigay nya sa akin. Mula sa pagbukas ng aking mga mata, sa pagsikat ng araw, sa hanging aking nilalanghap pinapasalamatan ko ang ating Panginoon.


Pipilitin kong maging katulad ni Rose Ann, bagama't may kahilingan ako sa Panginoon, pero mas magpapasalamat ako sa lahat ng biyaya Nya sa akin. Sabi nga nila, alam ng Diyos ang lahat ng atin kahilingan at kagustuhan. Naiisip palang natin ito ay batid na ito ng Dyos. Kaya alam kong didriringgin Nya ang ating kahilingan, ngunit alam ko rin na magiging Masaya ang Panginoon kung tayo ay mananalangin ng may pasasalamat sa Kanya.


Iyon lamang po at maraming salamat

BUKANG LIWAYWAY




Kamusta mga kaibigan,binigyan kami ng apat na araw na bakasyon ng aming kumpanya at sa apat na araw naito masasabi kong isang makabuluhan at magandang bakasyon ang nangyari sa akin, , maraming bagay ang nabuksan sa akin. Bukod sa pambawing tulog na nakuha ko sa loob ng 2 araw ay nabigyan ako ng pagkakataong makapunta sa Jubail, Al Khobar at Qatif (mga bayan sa Saudi Arabia) sa loob ng dalawa pang araw .At dito ko mas lalong napahalagahan ang kagandahan ng buhay.


Minsan yung pagiging abala natin sa ating mga trabaho ang nagiging dahilan kung kaya nakakalimutan natin ang mga simpleng bagay. Mga bagay na dapat nating maipapagpapasalamat ng malaki sa Panginoon. Hindi ba madalas, pagkagising natin o di kaya bago tayo matulog sasabihin natin sa ating mga sarili na halos paulit ulit ang buhay natin, o di kaya problema ang sasalubong sa atin sa umaga. Kaya madalas maraming mga bagay ang nakakaligtaan natin
Alas singko ng madaling araw nagpunta ang grupo naming sa gilid ng dagat sa Al Khobar, para mamasyal, lasapin ang sariwang hangin at magpuri sa Panginoon. Madilim pa noon, ng dumating kami sa baybayin ng dagat. Makalipas ang ilang minuto, unti unting sumikat ang araw sa dulo ng dagat. Isang magandang tanawin ang aming nakita noon. Kamangha mangha senaryo ang nakita namin-ang pagsikat ng araw na unti unting nagbigay ng liwanag sa bughaw na dagat. Kaya ng maranasan ko yun, nagpasalamat ako sa Panginoon,nagpasalamat ako dahil sa buhay na binigay nya at dahil doon ay nakita ko ang kagandahan ng kanyang nilikha. Parang isang bagong buhay ang simbolo ng bagong araw na yaon. Parang isang pag-asa ang nagbukas sa akin, na nagsasabi sa bawat dilim ng buhay natin biglang may araw at liwanag na sisikat at unti unting babalutin tayo ng kaliwanagan. Kaya ang gaan ng pakiramdam ko noon, ibang kasiyahan ang nasa puso ko noong panahon na yon. Naisip ko ang ganda pala ng buhay, ang ganda pala ng nilikha Nya, at mas lalo kong naramdaman ang pagmamahal ng Panginoon.


Marami sa atin ang minsan iniisip ang mga mangyayari bukas- kung ano ang gagawin nya bukas,kung ano ang isusuot nya bukas, kung ano ang kakainin nya bukas,at kung ano ano pang bagay ang pumasok sa utak natin, mga bagay na nagdadala sa atin ng pag-aalala at pangamba. Subalit nakalimutan natin na dapat pala magpasalamat tayo sa Panginoon dahil binigyan tayo ng BUKAS-isang bagong araw, isang bagong BUHAY at isang pagkakataon pa na muli na talikdan ang ating kasalanan at sumunod sa Kanya


Nagpapasalamat ako sa Dyos sa karanasan na yon na nagbigay sa akin ng inspirasyon at pag-asa. Mas lalo kong napahalagahan ang buhay ko, kasi alam kong marami pang regalo at biyaya ang ibibigay sa akin ang Panginoon. Ang kailangan lang pala ay buksan ko ang mga mata, alisin ang harang na nagiging hadlang sa akin. Mga kagustuhan, takot, lungkot, pag-alalala at kaabalahanan ko sa buhay ang siyang naging hadlang sa akin para di ko makita ang ganda ng mundo at kadakilaan ng Panginoon.


Ngayon, di ko na iniisip ang ibang mga bagay pagkagising ko umaga, ang inuuna ko ay magpasalamat sapagkat panibagong buhay ang pinahiram nya uli nya sa akin. Ang bawat hanging nalanghap ko, ang sikat ng umaga na dumampi sa aking balat , ang bagong umaga at bagong pag-asa.


Salamat sa Panginoon dahil pinakita nya sa akin yon, at salamat sa Kanya sapagkat sinabi Nya sa akin na ibahagi naman ito sa inyo.


Maraming pong Salamat aming Dyos.


Sa Dyos ang Kadakilaan

Tingnan muna ang Sarili



Lucas 18:9-14 (Ang Salita ng Diyos)


Ang Talinghaga Patungkol sa Fariseo at Maniningil ng Buwis


9May ilang mga nagtiwala sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at hinamak nila ang iba. Sa kanila ay sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito. 10Dalawang lalaki ang umahon sa templo upang manalangin. Ang isa ay Fariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11Tumayo ang Fariseo at nanalangin siya sa kaniyang sarili ng ganito: Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako katulad ng ibang tao. Hindi ako katulad nila na mga mangingikil, mga hindi matuwid at mga mangangalunya. Hindi rin ako katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12Dalawang ulit akong nag-aayuno sa loob ng isang linggo. Nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng bagay na aking tinatangkilik. 13Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay hindi man lamang niya itinataas ang kaniyang paningin sa langit, sa halip ay kaniyang binabayo ang kaniyang dibdib. Sinabi niya: Diyos, pagkalooban mo ako ng iyong habag, ako na isang makasalanan. 14Sinasabi ko sa inyo: Ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinaging-matuwid at ang isa ay hindi. Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.


TINGNAN ANG SARILI





Sinasabi ko sa inyo: Ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinaging-matuwid at ang isa ay hindi. Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.- Lukas 18:14 Noong ako ay nasa kadaliman pa ng aking buhay, madalas akong manghusga ng tao.


Para sa akin ang bawat tao ay may kanya kayang sukatan. Sa akin sa isang tingin lamang sa isang tao alam ko na sa sarili ko kung anong klase syang tao. Naalala ko pa noong akoy nasa kolehiyo pa, mayroon akong nakitang isang babae, nakataas ang buhok na animo’y si Imelda Marcos, tingin ko’y isang bote ng spray net ang inilagay nya sa buhok nya para umalsa ng ganun.
Sa tuwing nagdadaan yung babaeng iyun. Tawa ako ng tawa, at madalas pang inaaya ko ang mga kaibigan ko na pagtawanan yung babae yun. Ang tawag namin sa kanya ay Imelda Manok. Sa tuwing napapadaan yung babaeng iyun hagalpakan kami sa kakatawa, ibat-ibang taguri ang binigay naming sa knya,tulad ng babaeng spray net, Imeda Marcos, o di kaya babaeng manok dahil mukhang palong ng manok ang buhok nya .


Sa lakas ng tawa naming halos dinig na dinig ang bawat halakhak at tawa naming sa apat na sulok ng aming campus. Nung minsan naglalakad yung babaeng iyun, umihip ang nakalakas na hangin, nahawi ang buhok ng babaeng pinagtatawanan namin . Nagulat kaming lahat at nahihiya sa aming sarili ng mahawi ang buhok nya, nakita naming ang napakalaking bukol sa kanyang ulo. Mayroon syang malaking tumor knyang ulo. At aming napagalaman na sya pala ay may sakit. Marahil isang kanser dahil sa laki ng kanyang tumor sa ulo.


Ang aming tawanan ay napalitan ng awa ,habag at hiya sa aming sarili Aming napagtanto na tinatakpan pala nya ng kanyang buhok ang kanyang bukol , kaya ito ay nakaalsa. Kaya pala nakaalsa ang kanya buhok ay hindi dahil sa spray net kundi dahil sa bukol sa kanyang ulo. Natigilan kami at napahiya sa aming sarili. Kami pala ang mas nakakatawa kumpara sa knya. Kami pala ang mas kaawa awa kumpara sa babaeng iyun.


Ngayun naisip namin na dapat pala hindi kami humusga base sa hitsura ng isang tao. Aming napag-isip isip na di hamak na mas mabuti syang tao kaysa sa amin.. Sa Mabuting balita nagyung araw na ito, maaring katulad kami ng mga Pariseo na agad na humusga, at nag-isip na mas nakakaangat kami kesa sa iba. Marahil kung pamimiliin ang ating Panginoon kung sino ang mas nakakatawa sa amin sa babaeng aming pinagtatawanan. Palagay ko kami. Tyak na kalulugdan nya ang babae kesa sa amin. Sya ang itataas ang kami naman ang ibaba. Ngayun ang laki na ng nagbago sa akin.


Sa tuwing nakakakita ako ng isang tao, di na agad ako humuhusga. Mas susuruin kong mabuti ang aking sarili at haharap sa salamin baka di hamak na mas marumi pa pala ako kesa sa kanya. Hahayaan ko na lang ang dyos ang humusga sa aming lahat sa huli. Sana lahat tayo ay matuto munang tingnan ang ating sarili kesa sa iba.


Sa Dyos ang Kadakilaan