Minsan ba naitanong natin sa ating mga sarili na, bakit kung sino pa yung mga hindi naniniwala sa Dyos ay sila pa ang mga mayayaman, samantalang tayong mga tagasunod nya ay kalimitang nakakaramdam ng mga paghihirap o kalungkutan?
Kaibigan, sana makatulong ang kwentong ito:
Si Tonio at Mario ay magkababata at magkapit bahay, halos sabay silang nag-aral, nagtapos ng kolehiyo,nag-asawa at nagkaanak. Subalit nagkaiba sila ng kanilang kapalaran. Dahil sa pagiging tuso at mautak ni Tonio, madali syang yumaman at nagkaroon ng magagarang bahay at sasakyan. Samantalang si Mario ay isa lamang simpleng empleyado sa munisipyo ng kanilang bayan, at masasabing hindi sapat ang kinikita nya para buhayin ang kanyang pamilya.
Sa kanilang pag-uugali ay magkaibang magkaiba rin ang magkaibigan. Si Tonio ay masyadong mapangmataas at maramot sa mga taong lumalapit sa kanya. Madalas hindi nya pinagbubuksan ang kanilang malaking gate sa mga humihingi ng tulong. Samantalang ang munting tahanan naman ni Mario ay laging bukas sa mga nangangailangan ng tulong. Madalas wala ring maibigay na pinansyal na tulong si Mario, dahil na rin sa kakapusan sa pera, subalit hindi naman nya hinahayaang walang dala ang huhumihingi sa kanila, kaya madalas bigas ang binigay niya sa kanila.
Nang minsan nagkausap ang magkaibigan.
"Pare, masyado ka na atang mabait nyan, baka maging santo ka na! Aba wala na nga kayong makain ng pamilya mo eh, panay pa ang tulong mo. Tingnan mo ako heto pa-easy easy na lang hinayaan kong ang pera ang lumapit sa akin,hahaha" sabay halakhak na may halong pangungutya.
"Eh, medyo hirap nga kami ni misis ngayon, kaso alam ko namang mas mapalad kami kumpara sa mga kalagayan nila, at kahit medyo hirap kami, sa munting paraan man lang ay makatulong kami sa kanila." Pakumbabang sagot ni Mario
"Ganun ba pare, Good luck sa pagiging santo mo, hahahaha!!! Oo nga pala pare bukas ay birthday ng anak ko, punta kayo ng pamilya mo para makatikim tikim man lamang kayo ng masasarap na pagkain" pang-iimbita nya kay Mario
"Sige pare punta kami dyan sama ko yung mga bata" tungon nya sa kaibigan
Ganyan ang karaniwang pag-uusap ng dalawa, madalas may pagmamayabang ang bawat salita ni Tonio. Kinukutya nya ang kaibigan nya sa kanyang ginagawang pagtulong. Pakiramdam nya mas pinagpapala sya ng Panginooon kaysa kay Mario.
Subalit isang malaking sakuna ang nangyari. Hagupit ng kalikasan ang bumalot sa kanilang munting bayan. Sumabog ang bulkang malapit lamang sa kanilang bayan, na sinabayan pa ng matitinding pag-ulan kaya naman ginuho ng lahar ang lahat ng bahay at ari-arian sa kanilang bayan. Mabuti na lamang at nakalikas ang lahat ng residente sa kalapit na bayan na kung saan ay hindi aabutin ng lahar.
Makalipas ang ilang lingo, humupa na rin ang bagyo at ang lahar, nagsibalikan na ang mga residente sa kanilang bayan, kabilang ang mag-anak nina Mario at Tonio. Sa kanilang pagbabalik, nakita nilang parehong natabunan ang kanilang bahay. Puro mga bubong lamang ang natira, pati ang magara at malaking bahay ni Tonio ay naglahong parang bula, tangi lamang nasalba ay kanilang damit na suot suot. Halos gumuho ang mundo ni Tonio, sapagkat nawala na ang pinaghirapang bahay nya, ngayon ay babalik muli sya sa simula. Kaya ganun na lamang ang hinagpis at lungkot ni Tonio.
Bagamat si Mario, ay nalulungkot din, tinanggap na lang nila ang masaklap na pangyayari. Kanya ring pinapalakas ang loob ng kanilang pamilya na patuloy na sumampalataya sa Dyos. Alam nyang hindi sya pababayaan ng Panginoon.
Habang parehong nagdadalamhati ang dalawa, biglang nagsalita si Tonio:
"O nasan na yung mga tinulungan mo, nasan na??, ngayong ikaw ang nangangailangan nasan na yung mga sinasabi mong kapatid mo sa Panginoon?" sigaw nya sa kaibigan.
Hindi umimik si Mario, hindi na lamang pinansin ang kaibigan. Ayaw nyang intindihin ang sinabi ni Tonio, kanyang inunan ang paghanap sa mga gamit na pwede pang pakinabangan.
Subalit makalipas ang ilang minuto, nagsidatingan ang mga kaibigan at mga natulungan ni Mario. Bawat isa ay may dalang mga kahoy, mga plywood, yero at kung ano ano pa para tulungang buuin ang bahay ng pamilya ni Mario. Bagamat pareho pareho silang nawalan ng tirahan, nagtulungan sila para magawa muli ang bahay ni Mario, sapagkat alam nilang nasa kagipitan ito at paghihirap. At katulad ng pagtulong ni Mario sa kanila, tinulungan din naman nila ang tinuturing nilang kaibigang si Mario. Hanggang sa makagawa sila ng simple at pansamantalang tirahan para sa pamilya nya.
Samantala, nakatingin lamang sa kanila si Tonio, marahil nalulungkot sya sa kanyang sinapit sapagkat wala ni isang taong gustong tumulong sa kanya. Nagsisisi sya at nahabag sa kanyang sarili, tangi lamang nagawa ay yumuko at lumuha. Alam nyang wala ng tutulong sa kanya, sapagkat wala naman syang tinulungan sa kanila, madalas pa nga nyang tinaboy ang mga taong ito. Ngayon alam nya na mag-isa nyang itatayo ang kanyang bahay at hindi nya alam kung paano sisimulan ito.
Habang nakayuko at patuloy na umaagos ang luha ni Tonio, isang tapik ang umagaw ng kanyang atensyon. At pagbukas nya ng mata nakita nya ang kanyang kaibigang si Mario kasama ang mga iba pang gustong tumulong sa kanila, pawang mga nakangiti at wala ang galit sa dating nagtataboy sa kanila.
Isang tinig ang bumasag sa katahimikan.
"Pare, tama na yan, halika itayo natin muli ang bahay mo" marahang sabi ni Mario.
Hindi maipaliwanag ni Tonio ang kanyang nararamdaman, tuwang tuwa sya sa kanyang narinig. Panay hingi sya ng paumanhin at patawad sa lahat ng tao roon. Nahihiya sya sa kanyang mga nagawa sa kanila, subalit natutuwa sya sapagkat may mga taong gustong tumulong sa kanya sa panahon ng kagipitan. At simula noon, nagbago na rin ang pananaw nya tungkol sa pakikipagkapwa tao. Nagbago na rin ang pagkatao ni Tonio.
"Ano mga pare simulan na nating itayo ang buhay ni Pareng Tonio" tanong ni Mario
"SIGEE, TARA NA" sabay sigaw ng lahat.
-----------END---------------
Kaibigan, madalas iniisip natin na hindi patas ang Dyos,o hindi kaya iniisip na hindi tayo gaanong kamahal ng Panginoon sapagkat may mga taong mayayaman kahit hindi naman nanamapalataya sa Dyos. Pero ang katotohanan nyan ay mahal tayo ng Dyos at patas ang binibigay nyang biyaya sa bawat isa. Ang biyaya ng Dyos ay hindi lamang nasusukat sa mga pinansyal na pagpapala lamang. Katulad ni Mario, bagamat hindi sya mapalad sa pinansyal na aspeto, mapalad naman sya sa mga taong malalapit sa kanya. Biniyayaan sya ng maraming kaibigan at taong malalapitan sa panahon ng kagipitan.
Marami sa atin na ang pagkakaunawa ng biyaya ay pera o materyal na bagay, subalit ang biyaya ng Dyos ay mas malawak at mahalaga pa kaysa sa pera. Maari ito'y pamilya, trabaho, kaibigan, kapanatagang loob at kung ano ano pa. Kayat hindi natin maaring masukat o tawaran ang pagpapala ng Dyos sa atin.
Kaibigan, naitanong na ba natin sa ating mga sarili , kung anu- ano ang mga biyayang binigay ng Dyos sa atin. Napahalagahan na ba natin ito o napasalamatan na ba natin ang Dyos sa mga ito? O baka tayo ay nabubulagan sa maling depinisyon natin ng biyaya?
Tandaan natin na kung hindi man tayo maginhawa o mayaman sa buhay natin dito sa lupa, alalahanin natin na di hamak na mas maginhawa, mayaman , at maganda ang buhay natin sa kabilang buhay kasama ng Panginoon, basta patuloy lamang tayo sumunod sa kanya. Ang buhay sa lupa ay hindi permente subalit ang buhay sa langit ay mapasawalang hanggan at walang katapusan.
Hindi ba mas dapat nating pagsumikapan ang buhay sa Langit kasama ng Panginoon?
Sana nakatulong po ang kwentong ito.
SA DYOS ANG KADAKILAAN
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento