Linggo, Nobyembre 9, 2008

Tindahan ni Aling Maring

Pahiran mo muna ang puwing ng mata mo bago mo pahiran ang iba. Maaring palasak o lagi na nating naririnig ang mga katagang ito, pero ano nga ba ang ibig sabihin nito. Kaibigan, nawa ang kwentong ito ay makatulong sa atin.

TINDAHAN NI ALING MARING



Sa Aling Maring ay palasimba at palagiang nagdarasal ng rosaryo araw araw. Siya ay nasa edad na limapung taong gulang (50), at mababanaagan mo na rin ang kanyang edad. Nagmamay-ari sya ng isang maliit na tindahan sa kanilang baryo.


Tuwing alas kwatro ng madaling araw gumigising na sya, naghahanda at nag-aayos sa kanyang pagsisimba. Araw araw sya kung magsimba, suot ang kanyang puting belo at pulang medalyon (na tipikal natin makikita sa mga deboto). Palaging siyang namumuno sa nobena bago ang misa at sya rin ay parati ring nasa unahang bahagi ng simbahan. Masasabi napakaaktibo nyang myembro ng simbahan subalit aktibo rin sya sa chismisan sa loob ng simbahan.


Kalagitnaan noon ng misa ng biglang kinalabit ni Aling Maring ang kanyang katabi.


"Hoy mare, kilala mo ba yung babaeng nasa kabilang upuan……. si Ana- yung anak ni Nena, aba alam mo bang buntis yan sa pagkadalaga. Eh kala mo noon hindi makabasag pinggan yun pala…….hmmmppp……Hindi na nahiya, nagsisimba pa dito, hay naku…." Bulong nya sa kanyang katabi


Muling ginala ang mata ni Aling Maring pagkalipas nyang mangamunyon at sa kanyang pagmamasasid may nakita ulit sya.


"Mare, alam mo ba yung lalaking yun, yung anak ni Mariong kapitbahay mo- si Rolando, alam mo bang kalalaya lang yan mula sa bilangguan, naku…. Magnanakaw daw yan. Aba kita mo naman eh nakuha pang mangamunyon, dapat hindi na binigyan yan kasi makasalan sya……" bulong nya ulit


Maraming nakikita si Aling Maring sa kanyang pagsisimba, parang bahagi na ito ng misa para sa kanya. Halos lahat ng nagsisimba ay kilala na nya at alam nya ang buhay nito.
Pagkatapos ng misa agad sayang lumapit sa pari at nakipagkwentuhan ng mga kalahating oras pagkalaunay umuwi na rin si Aling Maring sa kanilang bahay na ilang metro lang ang distansya mula sa simbahan


Pagkauwi galing sa misa dali dali ginising ang anak na dalaga, kanyang inutusang buksan ang kanilang maliit na tindahan.


"Hoy Tina, aba nakahiga ka pa dyan sa kama, tanghali na, bumangon ka na……… hoy, Nalagyan mo ng tubig yung galon ng suka para dumami"


"Opo nanay" papungas pungas na sagot ni Tina


"Eh yung tinda nating bigas lagyan mo ng buhangin para bumigat., naku mahal pa man din ang bigas ngayon. .


"Opooooo" inis na sagot ni Tina


"Hoy Tina, Aba kumilos kilos ka na dyan, umaga na, dalian mo at buksan mo na yung tindahan. Eh, Yung asukal na kinikilo mo kagabi tapos na ba,aba baka naman sinakto mo ng timbang yun, dapat medyo bawasan mo ng mga isang guhit, eh hindi naman mahahalata yun. "


"Opo, tapos na po….." padabog na sagot ng kanyang anak


"Teka nasan na ba ang tatay mo."


" Naku Nay tinanong nyo pa, tyak kasama na naman ni Mang Berting sa sabungan, at nakikipagpustahan na naman po.


"Hay lintek, Baka naman inubos na naman ang pera na kinita nya sa pagjuejueteng"


"Hala sige buksan mo na yung tindahan at tanghali na….dali kilosssss..!!!


"OPO" pabalang na sagot ni Tina.
___________________________________________________________________________________
Minsan ganyan tayo madalas nakikita natin yung mali at kasalanan ng iba kaysa sa sarili nating kasalanan. Madalas nakikita natin ang pagkakamali at pagkukulang ng iba kaysa sa sarili nating kamalian at pagkukulang. Hindi ba madaling pumuna at humusga sa isang tao at mahirap naman na aminin o tanggapin ang ating mga kasalanan. Mas bukas at malinaw ang mata natin sa ibang tao kaysa sa sarili natin.


Nakakalungkot isipin na minsan katulad din natin sa Aling Maring, sa ating pakiwari na mas mabuti at malinis tayo kaysa sa iba kaya madalas kinukutya o hinuhusgahan agad natin sila. Kung tutuusin lahat naman tayo ay makasalanan, kaya walang maaring magmalinis at kumutya ng iba.


Sabi nga ng ating Panginoon "Kung sino ang walang kasalanan sya ang unang bumato". Lahat tayo ay nagkakasala, walang malinis sa mata ng Panginoon, kaya ang mas mabuting gawin ay ipanalangin na lang ang isat isa at lumapit tayo sa Panginoon.


Huwag sana tayong maging katulad ni Aling Maring, bagkus maging mabuting kristyano tayo na sumusunod sa kagustuhan ng Panginoon, talikuran ang ating mga kasalanan, at akayin naman ang iba sa kaliwanagan. Sabi rin nga an gating Panginoon " Kung ano ang ginamit mong sukatan sa iyong kapwa ay iyon ding gagawing sukatan sa iyo"


Isa pa, tandaan din natin na hindi kailanman matumtumbasan o mawawalang sala ang kasalanan natin ng ating mabubuting gawa. Makukuha lamang natin ang kapatawaran mula sa ating Panginoon kung tayo ay magsisisi at ating tatalikdan ang ating mga kasalanan.

Naway ang kwento ni Aling Maring ay makatulong sa atin para tayo ay lumago sa pananampalataya at maging isang mabuting Kristyano.

Sa Dyos Ang Kadakilaan.

Walang komento: