Sabado, Disyembre 13, 2008

Tunay na Pagsunod sa Plano ng Dyos



Tumugon si Maria: Ako'y alipin ng Panginoon, maganap naway sa akin ayon sa wika mo- Lukas 1:38


Ito ang linya ni Maria noong binati siya ng Anghel noong panahong sya ang nakatakdang magdalang tao sa ating Tagapagligtas. Kung siguro lalaliman pa ang ating pagkakaunawa sa mga sinabi ni Maria, mas lalo pa nating syang hahangaan sa kanyang pagiging mabuting tagasunod ng Dyos.


Noong unang panahon, ang pagiging baog o kaya pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga ay tinuturing ng lahat na isang mabigat na sumpa ng Dyos. Para sa mga hudyo noon, ang sino mang magdalang tao sa pagkadalaga ay itinuturing na isang mababa at maduming nilalang, kaya madalas sila ay pinapatay o di kaya pinandidirihan ng lahat. Subalit ang Mahal na Ina ay hindi man lamang nagdalawang isip na sumagot ng OO sa kagustuhan at plano ng Dyos. Hindi sya nagbigay ng kundisyon o di kaya humingi ng kapalit sa mabigat na gampanin na inaatang sa kanya ng ating Dyos, bagkus siya ay labis na nagpakumbaba at tinanggap ng maluwag sa kanyang kalooban ang kagustuhan ng Dyos. Hindi nya iniisip kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap bagkus buong puso sya nagtiwala sa Dyos. Kaya naman ganun na lang ang paghanga ko sa ating Mahal na Ina na isang magandang halimbawa sa pagsunod sa kagustuhan ng Dyos.


Nitong mga nakaraang mga araw medyo madalas akong mag-isip. Meron kasi akong hinihiling sa Panginoon na nais kong matupad,mga kagustuhan kong gusto kong mangyari sa buhay.Dumating sa punto na idinidikta ko na sa Panginoon ang aking mga kagustuhan. Ngunit, hindi naging maliwanag sa akin kung matutupad ang mga hinihiling ko sa Panginoon. Naiwan akong nag-iintay na lamang kung manyayari ba ang mga kagustuhan ko o hindi. Nagduda ako sa kapangyarihan ng Panginoon noon, at iniisip ko na mas maganda pa ba ang plano ng Dyos kesa sa kagustuhan ko ,kung tutuusin yung kagustuhan ko na yun ay sapat na para sa kin, kaya baka pwede yun na lang kasi di naman ako naghahangad ng MAS maganda pa.


Madalas nag-iisip ako, ano ba talaga ang plano sa aking ng Panginoon? Bakit ayaw nyang ibigay sa akin ang hinihiling ko pero kung tuusin naman makakabuti sa akin yun at makakatulong pa ako sa iba. Ayaw nya ba akong mapabuti? Minsan pa nga halos suhulan ko na ang Panginoon para ibigay lang sa akin ang mga hinihiling ko,sinasabi ko na kung sakaling ibibigay sa akin yun ng Panginoon, tutulungan ko ang mga mahihirap o hindi kaya mas pagbubutihan ko ang "SERVICE" ko sa Panginoon.


Madalas din, pag humihingi ako ng payo sa iba, sinasabi nila na "May magandang plano sa iyo ang Panginoon". Kaya naman pag nagdarasal ako sinasabi ko na sana yung magandang plano Nya ay malapit na. Minsan sinasabi ko "Sige Lord susundin ko po ang kagustuhan nyo, pero baka pwede yung gusto ko ay yun na lang ang plano nyo sa akin" o di kaya "Sige Lord naniniwala ako sa Plano nyo,", pero makalipas ang ilang minuto bigla na lang akong mag-iisip ng malalim at manghihinayang.


Aaminin ko, mahirap palang sundin ang isang bagay kung mas malakas ang sigaw ng mga kagustuhan mo. Madaling sabihin na "may magandang plano ang Dyos" pero ang pumapasok naman lagi sa utak mo ay ang mga kahilingan mo at gustong mangyari sa buhay mo. Kahit na sabihin natin susundin natin ang kagustuhan ng Dyos, parang bang may bigat sa mga puso natin, para bang may pumipigil sa atin.


Pero pinauunawa sa akin ang lahat ng Panginoon, nakakatuwa lang na sa pagbabasa ko ng Salita ng Dyos, natutunan kong isuko sa Kanya ang mga kagustuhan ko.Sa bawat gabi na nagdadaan para bang lumuwag ang dibdib ko at natututo ko ng tanggapin ang plano sa akin ng Panginoon. At mas lalo ko pang natatanggap lahat noong mabasa ko ang VERSE na nasa itaas kagabi, at mas lalo ko pang hinanggan ang ating Mahal na Ina. Sa pamamagitan ng pagtanggap ni Maria sa plano ng Dyos, para bang may bumulong sa akin na kung talagang tagasunod ako ng Panginoon, magtiwala ako sa Kanya.


Natuto kong isuko at magtiwala sa Panginoon. Hinayaan ko Syang gumawa sa aking buhay. Sinunod ko ang plano ng Dyos hindi dahil may mas magandang plano Sya sa akin, o mas may maganda pang manyayari sa akin, kundi dahil kailangan kong ibigay ang buong tiwala ko sa Kanya at isuko ng lahat sa ating Panginoon ng hindi naghihintay ng kapalit.


Ngayon, tanggap ko na ang plano ng Dyos sa akin, maaring wala Syang ibigay o ipalit na mas maganda sa aking kagustuhan pero ang matutunan ko magtiwala sa Kanya,para sa akin isa itong pagpapatunay na naging mabuting tagasunod ako ng Dyos, at sundin ang anumang naisin o plano sa akin ng Panginoon na hindi nag-aantay ng anumang kapalit.


Iyon lamang po at maraming salamat.
Sa Dyos ang Kadakilaan,

1 komento:

Jethro ayon kay ...

Teka teka mukang dahil sa mga entries mo parang nanunumbalik ang pagiging relihiyoso ko. Dahil nitong mga nagdaang linggo eh hindi na ko nakakapagsimba. Ang palaging rason busy. Pero paano kung naging busy na sa akin ang Panginoon at hindi na ko bigyan pa ng oras. Naku mukang kawawa naman ako. Dapat suklian ko kung anuman ang meron ako ngayon. Inspirasyon talaga ang mga entry mo. Saludo ako sayo. Ipa-follow kita. ^_^