Sabado, Nobyembre 8, 2008

Paano lalabanan ang tukso (Lesson 101 tungkol kay Taning)



Sa totoo lang mahirap labanan ang tukso, hindi ko alam parang si Madam Auring yan si Taning kasi alam na alam nya ang mga kahinaan natin. Alam nya kung san nya tayo dadalihin at kung san tayo aatakihin. Akala ko kaya kong labanan pero talagang ang hirap pala. Para itong isang bomba na pagsinindihan ay tuloy tuloy ng sasabog.


Kanina lang eh habang nagsusurf ako sa internet, maraming mga bagay ang talaga namang tumawag sa aking pansin. Medyo nakaka-pollute talaga ng utak pero ewan ko ba parang may bumulong sa akin "Sige tingnan mo na, sandali lang naman eh papatawarin ka naman ni Lord", yun ang bumulong sa akin (sa may bandag kaliwa ko). Eh alam nyo na kung saan galing yun syempre kay Taning.


Mahirap labanan iyon kasi nag-eenjoy ako kapapanood eh, pero parang may malakas na pwersa din ang nagsabi sa akin na mali ang mga nakikita . Pero yun ang taktika ni Taning ibibigay sa iyo ang hilig ng katawan mo at kung saan ka nag-eenjoy, at papaniwalain ka na KJ (Kill Joy) yang si Lord.


Eh sa totoo lang sino bang ayaw mag-enjoy, pero minsan kasi yung pagpapakasiya at pagiging kumportable natin sa isang bagay ang naglalayo naman sa atin sa Dyos. Hindi ba pag nasa iyo na ang lahat, maalala mo pa ba kaya si Lord.? Minsan nman ginagawa nating parang Ginie si Lord. Feeling natin lahat ng i-wish natin sa kanya matutupad, at pag hindi ibinigay aba galit pa tayo. Kaya dun tayo inaatake ni Taning, ibibigay nya sa atin ang luho, hilig ng katawan at pagiging kumportable sa isang bagay para makuha nila tayo at sumama sa kanya.


Mahirap labanan ang tukso lalo na kung hindi ka equip o wala kang panlaban, mas maganda siguro na iwasan na lang natin kaysa harapin. Dati, naisip ko na harapin na lang ang tukso kasi para malabanan ko sya. Pakiramdam ko na handang handa na ako, parang si Superman ba. Pero pag dating ko dun, hayun bulagta si Superman kasi nakaisip ng taktika ang kalaban. Ganun pala yun,kung pakiramdam natin na kaya na nating labanan si Taning eh saka naman iisip ng mas malakas na taktika para patumbahin ka. Kaya noong mga panahon na yun umuwi akong lugo lugo kasi talo ako.Matagal din ako bago makarecover pero natutunan ko dapat labanan si Taning, kasi tyak matatalo ako. Iiwasan ko na lang sya.


Ang pag-iwas sa tukso ay isang paraan para labanan sila. Kung sakaling ang mga kaibigan natin ang magdadala sa iyo sa kapahamakan at pagkakasala, eh wag na tayong sumama sa kanila, mas sumama tayo sa magdadala sa atin sa Panginoon. Eh para kasing sakit yan eh, kung sakaling malusog tayo at sumama sa may sakit tyak magkakasakit tayo, o kaya kung sakaling gumaling tayo mula sa sakit tyak pagsumama uli tayo sa kanila, hayun matetepok na talaga tayo. Ang sakit natin ay ang mga masasamang gawi natin kaya pag sumama pa tayo sa mga taong may masasamang gawi din, tyak babalik at babalik tayo sa pagkakasala.


Isa pa sa taktika ni Taning ay sasabihin sa iyo na IN ito at marami ang nakikiuso. Dahil sa kalat na ito sa mundo babaluktutin nya ang mali para gawing tama. Ganito po paliwanag ko, kung maraming gumagawa nito kahit mali, sasabihin ni Taning sa atin na okay lang kasi marami namang ang gumagawa nya. Heto ang example, legal sa Amsterdam ang prostitution, at dahil legal- tanggap ito sa lipunan, at kahit gawin mo ito hindi ka ikukulong at okay lang kasi marami namang gumagawa nito. Pero alam naman natin na MALI ito, kaya kahit legal at tanggap ng nakakararami dapat huwag nating gawin kasi labag ito sa kautusan ng Dyos (teka masyado bang mabigat, hehehhe) Heto pa, hindi ba na tanggap sa lipunan nating mga Pilipino na ang mga mister ay laging may kabit o kaya may ikalawang asawa, tanda ito ng pagiging MACHO bilang lalaki. At dahil dagdag pogi points yun, hayun tinatanggap na lang natin kahit MALI. Ganyan si Taning malakas ang impluwensya, ipapaniwala sa iyo na okay lang kasi marami naman ang gumagawa nito . Pero syempre nasa atin na lang kung susundin natin ang nakakarami kahit Mali o susundin natin ang TAMA.


Isa pa, marami sa atin na ang pagkakakilala natin kay Taning ay demonyong may malalaking sungay o di kaya isang maligno, multo, aswang, tyanak at kung ano ano pang nakakatakot na mukha. Iyan ang ang pagkakakilala natin kay Taning mula noong bata pa tayo. Kaya hindi ba pag nakakita tayo ng Pangit, pakiramdam natin ay si Taning na yun. Heheheh!!! Joke lang!


Pero kasi nagbago na rin ng mukha si Taning ngayon eh, nagpapa BELO na sya. Nice!! Kumbaga binago na nya ang mukha nya. Ginagawa nyang kaakit akit at maganda sa paningin mo. Si Taning ay maaring isa sa kaibigan mo na mangyayaya sa iyo sa pagkakasala, maaring maging boss mo na iinisin ka at gagalitin ka, maaaring isang magandang babae o matipunong lalaki na magdadala sa iyo sa kahalayan at tawag ng laman. Maraming mukha si Taning, kaya mahirap malaman kung nasan sya at paano sya lalabanan. Pero dapat maging mapanuri tayo, lapatan natin ng dasal. Teka baka naman pag kinagagalitan ka ng boss mo bigla mo na lang sabihin na "LUMAYAS KA DEMONYO SA KATAWAN NG BOSS KO", naku tyak batok ang aabutin mo sa kanya. Wag ganun!! Basta maging mapanuri lang tayo at wag tayong magkakasala. Isipin natin kung dadalhin ba tayo ng taong ito sa kabutihan o kasamaan. Kung dadalhin ba tayo sa tama o aakayin lang tayo sa pagkakasala. Maging maingat tayo, maaring nasa paligid lang natin si Taning.


Isa pa sa laging taktika ni Taning, ay papaniwalain ka na papatawarin ka rin ni Lord. Kumbaga sasabihin sa iyo na okay lang yan, mabait naman si Lord eh, tyak papatwarin ka Nya. Kumbaga humingi ka lang ng tawad sa kanya eh siguradong ACQUITTED ka na raw!! Ito ay isang napalaking pang UUTO sa atin nyang si Taning. Oo, alam natin mabait ng Panginoon, pero wag naman nating gawing PASSES ito (parang sa sinehan) para magawa natin ang kasalanan. Wag nating lokohin ang Panginoon, kasi alam Nya ang lahat ng nasa puso at isip natin. So hindi ibig sabihin nun na acquitted ka na at back to zero ang lahat. Papatwarin ka lang ni Lord, kung iiwasan mo na at di mo na gawin muli ang pagkakasala na yun.


Marami pang taktika yang si Taning at tyak alam na rin natin ito isa-isa.Mahirap magsalita kung paano labanan ang tukso kasi maging ako ay laging may tukso umaaligid sa akin. Parang isang labanan ito, at hindi natin alam kung saan ako kakampi sa kabutihan ba o sa kasamaan. Minsan kahit alam nating mali ang gagawin natin pero napapadaig pa rin tayo kay Taning. Pero nasa atin din kung mapapagapi tayo sa tukso o mananalo tayo sa tukso. Manalangin tayo at manampalataya sa Dyos. Humingi tayo ng tulong sa Dyos, at wag nating iisipin na talunan tayo kung sakaling nagapi tayo ng kalaban. Ang Dyos ang parang magiging agimat natin para talunin ang kampon ni Taning.


Sa buhay na ito, lagi tayong nakikipaglaban sa tukso, ipamuhay lang natin ang Salita ng Dyos at manalig tayo sa Kanya. Sya ang malakas nating kakampi at hindi nya tayo iiwanan sa labanan. Kung minsan nanghihina tayo, lumapit lang tayo sa Kanya at bibigyan ka nya ng walang hanggang kapanyarihan parang si Superman.


Alam nyo kaya ko nasasabi ito kasi nagtalo rin ako ng tukso ngayon, at lahat ng sinabi ko ay pinagdaanan ko rin lahat. Pinagsisihan ko na yun at siguro ito rin ang nais ng Panginoon ang ishare ang mga bagay na ito sa inyo. Magtulungan tayo para mamuhay tayo ayon sa kagustuhan ng Panginoon. At sana patuloy tayong panampalataya at manatili sa kanya kahit umaaligid aligid sa atin si Taning. Kaya natin ito. AJA!!


SA DYOS ANG KADAKILAAN,

Walang komento: