Sabado, Oktubre 4, 2008

BUKANG LIWAYWAY




Kamusta mga kaibigan,binigyan kami ng apat na araw na bakasyon ng aming kumpanya at sa apat na araw naito masasabi kong isang makabuluhan at magandang bakasyon ang nangyari sa akin, , maraming bagay ang nabuksan sa akin. Bukod sa pambawing tulog na nakuha ko sa loob ng 2 araw ay nabigyan ako ng pagkakataong makapunta sa Jubail, Al Khobar at Qatif (mga bayan sa Saudi Arabia) sa loob ng dalawa pang araw .At dito ko mas lalong napahalagahan ang kagandahan ng buhay.


Minsan yung pagiging abala natin sa ating mga trabaho ang nagiging dahilan kung kaya nakakalimutan natin ang mga simpleng bagay. Mga bagay na dapat nating maipapagpapasalamat ng malaki sa Panginoon. Hindi ba madalas, pagkagising natin o di kaya bago tayo matulog sasabihin natin sa ating mga sarili na halos paulit ulit ang buhay natin, o di kaya problema ang sasalubong sa atin sa umaga. Kaya madalas maraming mga bagay ang nakakaligtaan natin
Alas singko ng madaling araw nagpunta ang grupo naming sa gilid ng dagat sa Al Khobar, para mamasyal, lasapin ang sariwang hangin at magpuri sa Panginoon. Madilim pa noon, ng dumating kami sa baybayin ng dagat. Makalipas ang ilang minuto, unti unting sumikat ang araw sa dulo ng dagat. Isang magandang tanawin ang aming nakita noon. Kamangha mangha senaryo ang nakita namin-ang pagsikat ng araw na unti unting nagbigay ng liwanag sa bughaw na dagat. Kaya ng maranasan ko yun, nagpasalamat ako sa Panginoon,nagpasalamat ako dahil sa buhay na binigay nya at dahil doon ay nakita ko ang kagandahan ng kanyang nilikha. Parang isang bagong buhay ang simbolo ng bagong araw na yaon. Parang isang pag-asa ang nagbukas sa akin, na nagsasabi sa bawat dilim ng buhay natin biglang may araw at liwanag na sisikat at unti unting babalutin tayo ng kaliwanagan. Kaya ang gaan ng pakiramdam ko noon, ibang kasiyahan ang nasa puso ko noong panahon na yon. Naisip ko ang ganda pala ng buhay, ang ganda pala ng nilikha Nya, at mas lalo kong naramdaman ang pagmamahal ng Panginoon.


Marami sa atin ang minsan iniisip ang mga mangyayari bukas- kung ano ang gagawin nya bukas,kung ano ang isusuot nya bukas, kung ano ang kakainin nya bukas,at kung ano ano pang bagay ang pumasok sa utak natin, mga bagay na nagdadala sa atin ng pag-aalala at pangamba. Subalit nakalimutan natin na dapat pala magpasalamat tayo sa Panginoon dahil binigyan tayo ng BUKAS-isang bagong araw, isang bagong BUHAY at isang pagkakataon pa na muli na talikdan ang ating kasalanan at sumunod sa Kanya


Nagpapasalamat ako sa Dyos sa karanasan na yon na nagbigay sa akin ng inspirasyon at pag-asa. Mas lalo kong napahalagahan ang buhay ko, kasi alam kong marami pang regalo at biyaya ang ibibigay sa akin ang Panginoon. Ang kailangan lang pala ay buksan ko ang mga mata, alisin ang harang na nagiging hadlang sa akin. Mga kagustuhan, takot, lungkot, pag-alalala at kaabalahanan ko sa buhay ang siyang naging hadlang sa akin para di ko makita ang ganda ng mundo at kadakilaan ng Panginoon.


Ngayon, di ko na iniisip ang ibang mga bagay pagkagising ko umaga, ang inuuna ko ay magpasalamat sapagkat panibagong buhay ang pinahiram nya uli nya sa akin. Ang bawat hanging nalanghap ko, ang sikat ng umaga na dumampi sa aking balat , ang bagong umaga at bagong pag-asa.


Salamat sa Panginoon dahil pinakita nya sa akin yon, at salamat sa Kanya sapagkat sinabi Nya sa akin na ibahagi naman ito sa inyo.


Maraming pong Salamat aming Dyos.


Sa Dyos ang Kadakilaan

Walang komento: