Lucas 18:9-14 (Ang Salita ng Diyos)
Ang Talinghaga Patungkol sa Fariseo at Maniningil ng Buwis
9May ilang mga nagtiwala sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at hinamak nila ang iba. Sa kanila ay sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito. 10Dalawang lalaki ang umahon sa templo upang manalangin. Ang isa ay Fariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11Tumayo ang Fariseo at nanalangin siya sa kaniyang sarili ng ganito: Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako katulad ng ibang tao. Hindi ako katulad nila na mga mangingikil, mga hindi matuwid at mga mangangalunya. Hindi rin ako katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12Dalawang ulit akong nag-aayuno sa loob ng isang linggo. Nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng bagay na aking tinatangkilik. 13Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay hindi man lamang niya itinataas ang kaniyang paningin sa langit, sa halip ay kaniyang binabayo ang kaniyang dibdib. Sinabi niya: Diyos, pagkalooban mo ako ng iyong habag, ako na isang makasalanan. 14Sinasabi ko sa inyo: Ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinaging-matuwid at ang isa ay hindi. Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.
TINGNAN ANG SARILI
Sinasabi ko sa inyo: Ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinaging-matuwid at ang isa ay hindi. Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.- Lukas 18:14 Noong ako ay nasa kadaliman pa ng aking buhay, madalas akong manghusga ng tao.
Para sa akin ang bawat tao ay may kanya kayang sukatan. Sa akin sa isang tingin lamang sa isang tao alam ko na sa sarili ko kung anong klase syang tao. Naalala ko pa noong akoy nasa kolehiyo pa, mayroon akong nakitang isang babae, nakataas ang buhok na animo’y si Imelda Marcos, tingin ko’y isang bote ng spray net ang inilagay nya sa buhok nya para umalsa ng ganun.
Sa tuwing nagdadaan yung babaeng iyun. Tawa ako ng tawa, at madalas pang inaaya ko ang mga kaibigan ko na pagtawanan yung babae yun. Ang tawag namin sa kanya ay Imelda Manok. Sa tuwing napapadaan yung babaeng iyun hagalpakan kami sa kakatawa, ibat-ibang taguri ang binigay naming sa knya,tulad ng babaeng spray net, Imeda Marcos, o di kaya babaeng manok dahil mukhang palong ng manok ang buhok nya .
Sa lakas ng tawa naming halos dinig na dinig ang bawat halakhak at tawa naming sa apat na sulok ng aming campus. Nung minsan naglalakad yung babaeng iyun, umihip ang nakalakas na hangin, nahawi ang buhok ng babaeng pinagtatawanan namin . Nagulat kaming lahat at nahihiya sa aming sarili ng mahawi ang buhok nya, nakita naming ang napakalaking bukol sa kanyang ulo. Mayroon syang malaking tumor knyang ulo. At aming napagalaman na sya pala ay may sakit. Marahil isang kanser dahil sa laki ng kanyang tumor sa ulo.
Ang aming tawanan ay napalitan ng awa ,habag at hiya sa aming sarili Aming napagtanto na tinatakpan pala nya ng kanyang buhok ang kanyang bukol , kaya ito ay nakaalsa. Kaya pala nakaalsa ang kanya buhok ay hindi dahil sa spray net kundi dahil sa bukol sa kanyang ulo. Natigilan kami at napahiya sa aming sarili. Kami pala ang mas nakakatawa kumpara sa knya. Kami pala ang mas kaawa awa kumpara sa babaeng iyun.
Ngayun naisip namin na dapat pala hindi kami humusga base sa hitsura ng isang tao. Aming napag-isip isip na di hamak na mas mabuti syang tao kaysa sa amin.. Sa Mabuting balita nagyung araw na ito, maaring katulad kami ng mga Pariseo na agad na humusga, at nag-isip na mas nakakaangat kami kesa sa iba. Marahil kung pamimiliin ang ating Panginoon kung sino ang mas nakakatawa sa amin sa babaeng aming pinagtatawanan. Palagay ko kami. Tyak na kalulugdan nya ang babae kesa sa amin. Sya ang itataas ang kami naman ang ibaba. Ngayun ang laki na ng nagbago sa akin.
Sa tuwing nakakakita ako ng isang tao, di na agad ako humuhusga. Mas susuruin kong mabuti ang aking sarili at haharap sa salamin baka di hamak na mas marumi pa pala ako kesa sa kanya. Hahayaan ko na lang ang dyos ang humusga sa aming lahat sa huli. Sana lahat tayo ay matuto munang tingnan ang ating sarili kesa sa iba.
Sa Dyos ang Kadakilaan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento