Martes, Oktubre 14, 2008

AGIMAT NG TAGUMPAY

Kaibigan, madalas ba tayong sumusuko na sa ating mga problema. Minsan ba ay naiinip tayo sapagkat walang nangyayari sa buhay natin o di kaya halos hindi tayo makausad sa ating kalagayan. Sana makatulong ang kwento na ito sa lahat.


ANG AGIMAT NG TAGUMPAY


Si Mario at Lito ay matalik na magkaibigan, subalit kung tungkol sa estado ng buhay ng magkaibigan ang pag-uusapan ay malaki ang agwat nila sa isat isa.


Si Mario ay isang matagumpay na businessman samantalang si Lito ay isang simpleng mamayaman lamang kaya naman gustong gusto nyang maging katulad ang kanyang matalik na kaibigan.


Isang araw habang magkasama ang dalawa sa isang kapihan nagtanong itong si Lito sa kanyang Kaibigan:


“Pare, ano ba ang sikreto mo bakit successful ka” tanong ni Lito


“Wala naman,siguro dahil sa agimat na meron ako” Sagot ni Mario


“May agimat ka???” gilalas ni Lito


“Oo pare, gusto mo bigyan kita ng agimat ko”


“Aba syempre naman” dagling sagot nya.


“Ganito , bukas may ibibigay ako sa iyo, pupunta ako sa bahay nyo para malaman mo kung ano ang agimat na yun” sabi ni Mario


“Sige pare aasahan ko yan”


Kinabukasan, excited na excited si Lito kaya nga hindi sya mapakali kakaintay sa kaibigan. Iniisip nya na sa wakas ay magkakaroon na rin sya ng agimat para maging matagumpay sa buhay.


Makalipas ang ilang minuto dumating na si Mario,at nagulat sya sa kanyang nakita, may dala dalang kulungan sa likod ng sasakyan si Mario.Kaya nag-isip sya ng malalim


“Ano to pare? Tanong ni Lito


“Kulungan ng aso, kasama si Doggie, ang pinakamabangis na aso” sabay turo ni Mario sa kulungan.


Natakot si Lito dahil naglalaway ang aso habang nanlilisik ang mata nito sa kanya. Mabangis na mabangis ang aso.Ni ayaw nyang lapitan sapagkat pakiramdam nya ay lalapain sya ng buong buo.


“Pare nakita mo yung nakasabit sa leeg ng aso, Yung kwintas……nandun ang agimat para magtagumpay ka, tandaan mo ang kailangan mo lang ay paamuin ang aso para makuha ito. Pag sinubukan mong puwersahing para makuha yun ,mawawalan ito ng bisa.” Paalala ni Mario
“Ganun ba?sige pare susubukan ko”sagot nya.


Pagkaalis ni Mario, hindi alam ni Lito kung paano nya makukuha yung kwintas na sa leeg ng aso, basta ang naiisip nya na nandun ang agimat na sinasabi ng kaibigan nya. Pakiwari nya isa itong agimat na maaring sikreto sa pagyaman nya. Pero hindi nya alam kung paano nya ito makukuha.
Sa tuwing lalapit sya sa aso, panay ang ngitnit at tahol ng aso, pakiramdam nya ay lalapain sya ng buhay ng napakalaking asong yun. Hindi naman nya magamitan ng pwersa o kaya gamitan ng kemikal pampaamo sapagkat baka mawala ang bisa nito, kaya nag-isip sya kung paano ito mapapaamo.


Tuwing umuga pinupuntahan nya ito,at sa tuwing papakainin nya ang aso gumagamit sya ng malaking patpat para mailagay ito sa kulungan nya. At dumistansya sya ng mga dalawang metro at mula sa malayo ay tinatanaw nya ito at kinakausap na parang isang tao.


“Doggie, alam kong mabait kang aso, kamusta ka na? Kamusta ang tulog mo?”


Sa bawat labas ng salita sa bibig ni Lito, galit na galit ang aso sa kanya, naglalaway ang aso at lumalabas ang mga pangil na malalaki na gusto gusto syang lapain at pagkakagatin.
“Sorry doggie sige kain ka na”amo ni Lito


Tuwing gabi naman, pinupuntahan rin ito ni Lito, halos binabantayan nya ang aso at tinitingnan sa malayo.Kinakantantahan pa na parang bata, at binebentiladoran para di mainitan, kaya halos mapuyat sya mapaamo lang aso


.Ngunit sa pagdaan ng ilang araw pakiwari nya hindi nya na ito mapapaamo, gusto na nyang sumuko at ibalik na lang ang aso sa kaibigan nya, subalit naisip nya na kung sakaling makuha nya ang agimat na yun magtatagumpay sya, kaya naman pinapalakas nya ang kanyang loob at iniisip na lang nya na makukuha rin nya ang agimat


Sa araw araw, lumalapit sya sa aso ng mga ilang pulgada,pinapakain lagi lagi, pinapainom at pinaliliguan din at sa gabi naman ay halos napupuyat sya dito para kausapin at kantahan. Ang iniisip nya at kung lagi syang makikita ng aso ay magiging palagay din at aamo din ang aso sa kanya.


Hanggang sa hindi nya namalayan na papalapit na ng papalapit na sya sa aso. Hindi na gaanong nangangalit o nagagalit ang aso, marahil dahil sa lagi nyang nakikita si Lito na syang nagbibigay ng pagkain at inumin sa kanya. Unti unti na itong tumatahimik at nawawala na ang mga tahol.
Makalipas ang anim na buwan ng pagtatyaga at paghihintay sa wakas ay naging maamo na rin ang aso sa kanya. Hindi sya makapaniwala sa kanyang nakita at naramdaman sapagkat parang isang napakabait na aso ang nahahawakan nya ngayon , na noon ay halos hindi man lang nya matingnan ito na hindi tumatahol o nagagalit. Dali dali nyang kinuha ang kwintas sa leeg ng aso. Para makuha ang agimat.At sa kanyang pagsisiyasat ,nagulat sya na ang kwintas ay isa lamang pagkaraniwan na kwintas, isa lamang itong ordinaryong kwintas na nafe-free lamang sa mga kending pambata, at sa tabi ng kwintas ay may isang maliit na plastic case ,sa loob nito ay may nakabilot na papel sa loob.


Inisip nya na maaring nandito ang dasal para magkabisa ang kwintas kaya dagli dagli nya itong binuklat at kanya itong binasa . Pagkabasa bigla syang nainis, nagulat at nabigla.


Ngunit kalaunay ay ngumiti din sapagkat ang nakasulat ay:


“Pare, naisahan kita….heheheh, di ko alam uto uto ka rin pala.
KAYA PARE YARI KA…….”

Niloloko lang pala sya ng kaibigan nyang si Mario, pero kalaunay napag-isip isip nya na ang sikreto ng tagumpay pala ay ang pagiging matyaga, pasensyoso, at masikap. Marahil naloko sya ng kaibigan nya subalit marami naman syang natutunan sa pangyayaring yun. Marahil gusto lang din syang turuan ng kanyang kaibigan. Nalaman nya na ang agimat ay nasa kanyang sarili lang pala at wala sa kwintas. Kaya gagamitin nya ang kanyang natutunan sa totoong hamon ng buhay at gagawin nyang daan tungo sa tagumpay. Nasabi lang nya sa kanyang sarili “Salamat pare”.


Sa buhay natin minsan pakiramdam natin na hindi na tayo magtatagumpay pa kaya sa una pa lamang pagsubok sumusuko na tayo agad. Minsan ayaw nating mahirapan kaya kung nakakaranas tayo ng kahirapan, agad susuko na din tayo.Tandaan sana natin na walang madaliang paraan sa pagtatagumpay ito ay nangangailangan ng tyaga, pasensya at pagsisikap.Wag tayong matakot sa tagal ng panahon para makuha ang isang bagay tandaan natin na hindi ito makukuha ng sapilitan sapagkat ito ay nagngailangan ng paghihirap at sakrispisyo. Nasa atin ang susi ng tagumpay at nasa atin ding mga kamay ang ating kapalaran. Huwag tayong susuko sa buhay.


Sana itoy maging inspirasyon sa lahat

Walang komento: