Mayroon ka bang taong kinaiinisan ngayun? Mayroon bang kontrabida sa buhay mo na halos gusto mo ng tirisin na parang kuto? Mayroon bang tao sa buhay na parang ang bigat sa loob kung nakikita mo sya, kulang na lang ay hampasin mo ang mukha sa sobrang inis o di kaya pasabugin ang ulo nya para lang maibsan ang galit, inis at kabuwisitan sa taong iyun? Meron ka bang nararamdan na katulad nito, kaibigan?
Malamang lahat tayo aminado sa sitwasyong ito, maaring nararanasan mo ngayun o di kaya naranasan mo na nun pa o di kaya nagsisimula mo palang maranasan ito. Hindi ba sari saring mga taguri ang binibigay natin sa mga taong iyun. Madalas nating tinatawag na “ Prinsipe ng kadiliman, si Mr. and Mrs. Epal, o kaya Anak ng Dyablo”.
Siguro habang binasa mo ito, maaring natatawa ka sa sarili mo, o di kaya naalala mo yung taong kinaiinisan mo!! At sasabihin sa iyong sarili na “Oo nga ano!!!”
Pero ang tanong, paano mo magagawang mahalin ang taong mahirap mong mahalin. Paano kaya gagaan ang loob mo sa taong kinababagutan at kinaiinisan mo? Paano nga kaya?
Alam nyo kaibigan, meron akong Boss na kinaiinisan noon. Sa araw araw na ginawa ng Panginoon puros sermon ang inaabot ko sa kanya.Pakiwari ko’y galit na galit sya sa mundo, konting maling gagawin mo, puros sigaw ang nakukuha ko sa kanya. Tingin ko wala ng ibang tama kung di sya. Sya na ang tama, sya na ang dakila, samantalang ako mukhang wala nang ginawang tama kundi puro mali.
Noong mga panahon na yun ang bigat bigat ng loob ko sa tuwing papasok ako sa trabaho. Ang pakiramdam ko ay papasok na muli ako sa imperyo at makikita ko na uli si “ Mrs. Taning” (taguri ko sa kanya). Ayaw ko ng ihakbang pa ang paa ko patungo sa opisina sapagkat sa malayo pa lang naglalakasang mga sigaw na ang maririnig mo sa apat na sulok ng opisina. Kaya halos mamatay ako sa inis at galit sa kanya.
Subalit isang araw, nag-isip ako at naitanong ko sa aking sarili “ Ano kaya ang buhay na meron sya?”.Bakit kaya sya ganun? Bakit parang galit na galit sya sa mundo?.
Mula noon, sinubukan kong alamin kung anong buhay ang meron sya. Nais kong malaman kung ano ang nangyayari sa buhay nya ngayon. Pilit kung aalamin bakit parang wala syang puso para sa akin.
Isang araw habang akoy nasa opisina, may tumawag sa akin. Isa ito sa mga kasambahay ng aking Boss, at may tinatanong sa akin. At sa aking makikipag-usap sa kanya meron akong balitang aking kinagulat. Balitang nagpabago sa persepyon ko tungo sa Boss ko, mula noon ang aking inis ay napalitan ng simpatya at pagkaunawa.
Kanyang ibinalita na ang Boss ko ay may sakit, isang malubhang sakit. Ang Boss ko ay may KANSER. Nagulat ako sa balitang iyon at nag-isip. Naunawaan ko agad ang aking Boss, siguro kanyang pinapakita sa lahat na sya ay malakas, kahit alam nya sa sarili nya na parang nauupos na kandila ang buhay nya. Naisip ko rin na mahirap din magpatakbo ng isang Negosyo, lalong lalo na hindi lang negosyo ang inaalala nya kundi pati na rin ang buhay at kalusugan nya.. Alam kong nahihirapan din sya sa pressure ng kanyang Negosyo at sa hirap na nararamdaman nya dahil sa kanyang sakit.
Minsan nag-eemail sya sa akin ng 3:00 ng madaling araw at natatanggap ko lang ito pagpapasok ko sa aking opisina, madalas noo’y naiinis ako sapagkat ang email nya ang bubungad sa akin sa umaga na karamiha’y puros sermon lang ang laman. Ngayon naiisip ko mapalad pa pala ako sapagkat ako’y nakakatulog ng mahimbing habang ang aking Boss ay nag-iisip pa tungkol sa kanyang negosyo kahit alas 3:00 na ng madaling araw.
Sa hindi ko ring inaasahan pagkakataong na malaman ko rin na meron pala syang problemang pampamilya. At tyak ito rin ang gumugulo sa kanyang buhay. Kaya mula noon ay mas lalo ko syang naintindihan at naunawaan.
Naiisip ko rin na kailangan nya ng tulong ko. Alam kong nahihirapan ang isip nya dahil sa negosyo, nahihirap ang katawan nya dahil sa sakit at nahihirapan ang emosyon nya dahil sa problema nya sa pamilya.
Naiisip ko, Mapalad pa pala ako sapagkat nakakatulog ako ng mahimbing sa gabi, mapalad pala ako sapagkat malakas ako’t malusog, Mapalad pala ako sapagkat meron akong isang mapagmahal na pamilya.. Mapalad pa pala ako.
Maaring wala akong milyones sa aking bulsa subalit meron namang akong mga bagay na hindi mabibili ng pera. At alam kong ang mga bagay na iyon ay mas mahal pa kesa sa anumang halaga ng pera ngayun. Hindi ko siguro ipagpapalit iyun.
Kaibigan, hindi ko naman kinukumpara ang sarili ko sa kanya o para malaman na mas mapalad ako kesa sa kanya, subalit mas lalo kong naintindihan sya kung bakit sya may ganoong ugali. Mas lalo ko syang naunawaan kung bakit ganun na lang ang kanyang nararamdaman araw araw.
Alam nyo sa tulong din nun, nalaman ko rin na ang daming ko palang dapat ipagpasalamat sa Dyos. Nakakatuwang isipin na hindi lang pala pinakita sa aking ng Panginoon ang mga bagay na iyun para maunawaan ko ang boss ko kundi para ipakita din sa akin ang mga bagay na meron ako ngayun..
Mga kaibigan, bagamat di pa rin nabago ang ugali ng Boss ko at panay sermon pa rin ang inaabot ko sa kanya. Wala na yung inis sa puso ko ,mas nanaig ang pang-unawa sa kanya. Bagamat meron pa rin kung minsang inis pero agad kong inaalis yun kasi alam kong kailangan nya ng tulong ko!! Alam kong kailangan nya ako. Kung dati wala akong pakialam sa kanya ngayun gabi gabi ko pa syang pinagdarasal na sana’y maging malakas sya at malampasan nya ang mga pagsubok nya sa buhay.Alam kong natuto ko na rin syang mahalin.
Mga kaibigan. Hindi ba madalas nagagalit tayo sa mga taong kinaiinisan natin, pero naitanong ba natin sa sarili natin kung bakit kaya sya ganun sa iyo?
Hindi rin ba pumasok sa isip natin na na maaring may mga taong naiinis at nagagalit din sa atin. Maaaring may mga tao sa buhay natin na pakiwari sa atin ay mahirap din tayong mahalin.
Tandaan sana natin na iba iba ang tao, bawat tao ay may magkaibang pananaw sa buhay, may ibat ibang estilo at may ibat ibang paraan sa pakikipag-ugnayan sa tao. At hindi lahat ng tao ay kaya nating i-please. Tyak kung nakakaramdam ka ng inis sa kapwa mo, maari rin na katulad din ito sa nararamdaman nyang inis sa iyo.
Kaibigan , Kung sinusumpa mo ang taong kinaiinisan mo, maaari din na may sumusumpa sa iyo dahil sa inis sa iyo.Kung gusto mong pasabugin ang ulo ng kapwa mo dahil sa galit, maaari rin na may gustong pasabugin ang ulo mo dahil sa galit din sayo. Kaibigan magaan bang dalhin yun? Ano ang pakiramdam mo kaibigan? Naisip mo rin ba ito?
Alam nyo kaibigan, madalas ang ating pinapakinggan lang ay ating sarili, nagagalit tayo sapagkat ito ang sinsabi sa iyo ng emosyon mo. Naiinis tayo kasi ito ang dikta ng isip mo!!Pero sana lawakan pa natin ang ating pang-unawa sa iba.Kung may taong nagmamahal sa iyo, ay taong nagmamahal din sa kanila. Maaaring bang mahalin na lang din natin sya?
Kaibigan, hindi masama ang mainis, sapagkat tayo ay tao lang may emosyon at damdamin din pero magiging masama lang ito kung ito na ang kokontrol sa buhay mo!!!
Mga Kaibigan sana ilagay natin ang sarili natin sa iba, maaaring sa pag-unawa sa buhay ng isang tao, malalaman natin na di pala mahirap mahalin ang isang taong mahirap mahalin. Kung atin lang bubuksan ang isip at puso natin sa knya. Siguro matutunan na rin nating mahalin ang mga taong katulad nila. Sana magawa natin ito. Sana…………
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento