Marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa at ayaw ng mabuhay dahil punong puno ng paghihirap at pighati ang nararamdaman nila. Pinagtatangkaang tapusin ang buhay, iniisip na kitilin ang sariling buhay.
Sana maisip din natin na marami rin sa atin na kahit may taning na ang kanilang mga buhay ay hindi pa rin nawalan ng pag-asa. Tiniis ang paghihirap at pighati madugtungan pa ang nalalabing araw nila sa mundo ito. Patuloy na gumagawa ng paraan para makasama pa ang mahal nila sa buhay. Inuubos ang lahat ng kanilang yaman sa mundo para lamang madugtungan kahit ilang araw ang kanilang buhay.
Ngayon, sino sa kanila ang mas kaawa awa?
Marami sa atin ang nagsasawa na sa trabaho, naiinis na sa magagaliting boss, napapagod na sa paulit ulit na takbo ng buhay at maliit na kinikita nila. Madalas napangungunahan tayo ng ating paghahangad para sa mas malalaki pang mga bagay
Pero sana maisip din natin na marami rin sa atin ang hindi alam kung paano makakita ng trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya. Sila ang mga taong handang mapagod at mahirapan may mapakain lamang sa kanilang mga pamilya. Sila na hindi iniisip ang kikitain kundi kung paano makaraos sa araw araw. Sila na hindi iniisip kung sila ay nasa kapahamakan maitaguyod lamang ang kanilang mahal sa buhay.
Ngayon, sino sa kanila ang mas karapat dapat pang maghangad?
Marami sa atin ang gulong gulo sa mga bagong gadget, cellphone, laptop o digital camera. Pakiramdam nila na hindi sila mabubuhay ang mga bagay na yun. Alisin mo ang mga bagay na ito sa kanilang mga buhay animoy inalisan na rin sila ng hangin para mabuhay. Hindi makatulog kapag hindi nabibili ang bagong labas na sapatos, bag at damit, halos ubusin ang pera para sa mga materyal na mga bagay
Pero sana maisip din natin marami rin sa atin ang hindi man lamang nakakatungtong sa eskuwelahan, at nagtyatyagang namumulot ng basura para lamang mabuhay. Sila na wala man lamang maayos na tirahan at masisilungan. Namamalimos sa lansangan, nagbebenta ng basahan, nagbibilad sa ilalim ng araw para kahit paano ay kumita ng konting pera. Sila na nakatira sa ilalim ng tulay, sila na nasa tabi ng gabundok ng basura at sila na nakatira sa lansangan. Sila na halos gutay gutay ang damit at wala man lang maayos na panyapak, wala man lamang silang panlaban sa sobrang init at lamig ng panahon.
Ngayon, sino sa kanila ang pinakanahihirapan sa buhay?
Marami sa atin ang halos hindi na kumakain para magkaroon ng magandang pigura. Ginugutom ang sarili para lamang makuha ang magandang hubog ng katawan. Marami rin sa atin ang walang pakialam sa mga nasasayang na pagkain, tinatapon na lang kung saan saan, winawalang bahala ang mga pagkain sapagkat hindi sila nasasarapan o hindi gusto ang nasa hapag kainan.
Pero sana maisip din natin na marami sa atin ang hindi na nakakain 3 beses sa isang araw. Gustuhin man nilang kumain pero wala silang pagkain sa kanilang mga mesa. Tinitiis na matulog ng gutom, kinakain ang mga basura, at pinapawi ang gutom sa pamamgitan ng pag-inom ng tubig. Sila na hindi iniisip ang hubog ng katawan pero mas iniisip ang laman ng sikmura. Marami rin sa atin ang nasa banig ng karamdaman, mga walang gana at lakas para kumain. Nasa kanila man ang pinakamasasarap na pagkain sa mundo pero kung wala kang panlasa, itoy wala ring saysay para matikman ito
Ngayon sino ang nangangailangan ng pagkain?
Sabi nila hindi mo mararamdaman ang kahalagahan ng isang bagay kapag nawala na lamang sa iyo ito. Subalit aantayin pa ba nating mawala ito bago natin bigyan ito ng importansya. Bakit hindi nating simulang bilangin ang ating mga biyaya at ipagpasalamat ang mga ito. Minsan hanap tayo ng hanap ng mga bagay na wala sa atin. Kinakalimutan ang mga bagay na pinagkaloob ng Panginoon sapagkat napapangungunahan tayo ng ating pansariling kaguustuhan at kahiligan .
Sabi nga nila aanhin mo ang pinakamagarang sasakyan o bahay kung nabubuhay kang namang mag-isa.
Aanhin mo ang tagumpay kung wala ka namang pag-aalayan nito at hindi mo man lang maibahagi ang kasiyahan o karangalan mo.
Aanhin mo ang yaman ng mundo kung lahat naman ng tao ay ayaw sa iyo
At aanhin mo ang talino kung ginagamit mo ito para makasira ng buhay ng ibang tao.
Maraming bagay na dapat natin ipagpasalamat sa Dyos, maraming bagay ang pinagkaloob nya sa atin. Sana huwag tayong panghinaan ng loob kung sakali mang may mabigat tayong suliranin sa buhay sapagkat hindi naman tayo pababayaan ng Dyos. Sabi nga sa bibliya kahit ang mga ibon sa langit ay hindi nya pinababayaan, tayo pa kayang anak nya na pinakamamahal at pinakaiibig nya. Tyak hindi tayo nawawaglit sa puso ng ating Amang nasa Langit. Hindi tayo kailanman pababayaan ng Dyos, ang kailangan lang natin ay manalig sa Kanyang mga plano, at manampalataya sa Kanya.
Gawin nating bukas ang ating isip at puso sa mga biyaya ng Dyos sa atin. Marahil kung sakaling makita natin ito,mas lalo pa nating pahalagahan ang buhay natin dito sa mundo.
Iyun lamang po at maraming salamat.
SA DYOS ANG KADAKILAAN
1 komento:
Yup tama ka po! Kahit ako napag-isip isip ko na rin na ialay ng mas malaki ang oras sa mga mahal sa buhay dahil minsan lang mabuhay ang tao. Kaya dapat iparamdam mo na sa kanila na importante sila at mahal na mahal mo sya. Salamat po. ^^
Mag-post ng isang Komento