Linggo, Pebrero 22, 2009

Ang Bulong Kay Tonio

Dumating ba sa atin ang pagkakataon na sinubok ng Dyos ang ating pananampalataya sa mga simpleng mga bagay. Nangyari na ba sa atin ang tumugon o tumanggi tayo sa mga taong nangangailangan. Mga kaibigan nawa makatulong sa atin ang kwento na ito:



ANG BULONG KAY TONIO



Madalas magsimba tuwing Miyerkules si Tonio sa Quiapo. Pagkatapos nyang pumasok sa pinagtatrabahuhang Restaurant bilang Janitor, hindi nya nakakalimutang manalangin para magpasalamat at para na ring humingi ng biyaya mula sa Dyos. Kulang na kulang kasi ang kanyang kinikita para buhayin ang 2 nyang anak at asawa.

Tuwing nanalangin si Tonio sa Panginoon, pakiwari nya ay nakikipag-usap sya sa isang kaibigan.

“Lord, medyo tagilid ako ngayon eh.Kakasweldo ko palang kanina, pero halos naubos na rin yung sinweldo ko sa mga pinagkakautangan ko,. Lord pwede bang tulungan nyo naman ako dito. Medyo hirap na rin kasi si Misis kabubudget at medyo malakas na rin kumain yung dalawang chikiting ko” biro ni Tonio

Habang nasa kalagitnaan ng panalangin si Tonio, biglang may kumalabit sa likod nya.

“Kuya, pwede po bang makahingi lang po ng konting barya, sige na po gutom na gutom na po kasi kami ng kapatid ko” sabi ng bata

“Ha! eh naku Nene, wala rin nga akong pera eh”. Tugon ni Tonio

“Kuya sige na po parang awa nyo na”pagmamakaawa ng bata

Sa hitsura ng batang babae ay mukha talagang itong gutom na gutom, bukod sa payat at nanlilimahid, ang nanamlay na mukha ang tila nangungusap sa kanya.

“eh naku nene, wala talaga eh”

“Sige na po kuya, sige na po” pilit ng bata

Tila hindi na mapilit ng bata si Tonio, pero tila may biglang bumulong sa tenga niTonio. Tila binulungan sila ng Panginoon

“Tonio, ibigay mo na yung barya sa bulsa mo, tulungan mo sila para makakain na ang mga bata” tinig na bumulong sa kanyang tenga.

“Pero Lord, pamasahe ko yun eh” pabulong din nyang tugon

“Ibigay mo na Tonio, ibigay mo na sa kanila”. Malumanay na bulong kay Tonio

Dinukot ni Tonio ang barya sa kanyang bulsa at sinamahan ang mga bata para bumili ng lugaw sa tapat ng simbahan. Tila, nabuhayan ang mukha ng mga bata, halos sunod sunod ang subo nila dahil na rin sa labis na kagutuman. At makatapos kainin ang lugaw, lumapit ang batang babae kay Tonio para magpasalamat. Sa pagkakataong iyon ibang kasayahan ang naramdaman ni Tonio sa kanyang sarili, iba ang ligayang naidulot ng ngiti mula sa mga labi ng bata. Kalauna’y umalis na rin sya at pinagpatuloy ang paglalakad

Habang naglalakad si Tonio, biglang may umagaw sa kanyang atensyon. Isang matandang lalaki, ang hinang hina na at tila nahihirapang huminga. Nakahawak sa pader ang matanda para hindi mabuwal, at makikita sa kanyang manipis na katawan ang naramdaman nitong sakit. Agad nyang nilapitan ang matanda.

Tatang, okay lang po kayo? Tanong ni Tonio

“Ihooooo, pwede mo ba akong ibili ng gamot” paunti-unti sabi ng matanda

“Ah sige po, ano po ba ang gamot nyo?”

“Kuninnn mo puting papel sa wallet ko, iyun ang gamotttttt ko” hirap na sabi ng matanda

Agad kinuha ni Tonio ang wallet ng matanda, subalit nung tinitingnan niya ito wala syang nakitang pera kundi ang puting papel na may nakasulat na pangalan ng gamot. Bagama’t medyo nagdalawang isip si Tonio, agad syang pumunta sa pinakamalapit na botika.

“Miss, pabili nga po ng gamot na ito at pakidalian lang po please” pakiusap nya sa tinder

Agad binigay ng tindera ang gamot, subalit ng sinabi na ng tindera ang presyo ng gamot. Halos namutla si Tonio,

“Lord, ang tagal ko ng iniipit ito sa wallet ko, wala na akong pera. Di nyo naman ako binigyan kahit pisong sukli Lord, talagang sakto talaga, Lord paano ang gagawin ko” bulong ni Tonio
Biglang may tinig na bumulong muli kay Tonio “Bilhin mo na ang gamot Tonio, may nag-iintay ng tulong mo”

Agad binigay ni Tonio ang huli at pinakaiipit na pera para bayaran ang gamot at nagmadaling pinuntahan ang matanda. Pagkatapos ibigay ni Tonio ang gamot, tila nakaramdaman ng kaginhawahan ang matanda. Muling nanumbalik ang kulay sa mukha ng matanda, pagkaraay agad hinawakan ng matanda si Tonio at nagsabi “Maraming salamat sa iyo, Iho. Pagpalain ka nawa ng Panginoon”.

“Walang anuman po Tatang, kaya nyo na po bang umuwing mag-isa?”tanong nya

“Oo iho, kaya ko na dyan lang naman ang bahay ko”

“Sige po mauna na po”

“Salamat uli iho” tugon ng matanda

Agad lumakad si Tonio, kailangan na nyang makauwi sa bahay dahil mag-alas syete na rin ng gabi. Maglalakad pa sya ng mga 2 kilometro papunta sa kanyang bahay sapagkat naibigay na nya sa batang babae ang kanyang pamasahe. Habang naglalakad ay nag-iisip isip din sya kung paano makakapag-uuwi ng pagkain para sa kanyang mag-iina. Naibigay na nya sa matanda ang lahat ng perang natitira, kaya naman nag-aala na ng husto si Tonio. Muli biniro nya si Lord

“Lord paano na yan?ano ang iuuwi ko sa amin, eh ako nga itong nanghihingi sa iyo kanina eh, ngayon ako pa ang medyo tumagilid Lord, pangako ko pa man din sa 2 chikiting ko na mag-uuwi ako ng barbeque ngayong gabi” pabirong dalangin ni Tonio

“Pero sabagay okay lang po iyon Lord, alam kong mas kailangan nila yun kaysa sa kailangan naming mag-anak. Nagpapasalamat ako sa inyo Lord, sapagkat nakakain ng 3 beses ang mag-iina ko pati na rin sa pagbibigay sa amin ng magandang kalusugan. Marahil ngayon ko naunawaan na mapald pa rin kami. Pero yun nga lang Lord, ano kaya ang maiiuwi ko sa amin, tyak nag-iintay yun sa akin at sa pasalubong ko”, sabi ni Tonio

Pinakiramdaman ni Tonio kung may bubulong muli sa kanya, pero tila wala syang narinig mula sa kanyang tenga. Subalit may isang busina ang bumasag sa kanyang malalim na pag-iisip

POOOOOOOOOTTTTTTTTTT isang busina mula sa dyip

“Pareng Tonio, oh bakit ka naglalakad dyan. Aba malayo pa ang sa inyo ah, manong bang sumabay ka na sa Dyip ko at ihahatid na kita” sambit ng kumpare nyang si Kadyo

“Ah, sige salamat kung ganun” tila lumiwanag ang mukha ni Tonio, sabay sampa sa unahang bahagi ng dyip

Pagsakay ni Tonio sa dyip, dagli syang binati ni Kadyo at nagsabi

“Kamusta na Pareng Tonio? Oo nga pala pare, naalala mo ba nung nanghiram ako ng isang libo sa iyo noon dahil nagkasakit si Junior ko” tanong ni Kadyo

“Ah, pare nakalimutan ko na yun!! Saka hayaan mo na yun tulong ko na yun sa inaanak ko”tugon ni Tonio

“Hindi pare, talagang pinaglaanan ko yun. Pasensya ka na at ngayon lang din ako nakaluwag luwag. Oo nga pala dinagdagan ko na rin yan ng isang libo pa para sa tubo, maganda kasi ang naging byahe ko nitong buwan eh”

“Naku pare wag na, di naman ako naniningil eh. Saka bat may tubo pa”tanggi ni Tonio

“Pare hayaan mo na yun, para makabawi na rin ako. Saka kuhanin mo na ito alam kong medyo gipit ka rin eh”pagpupumilit ni Kadyo

Hindi na rin nakatanggi si Tonio, kayat kinuha na rin nya ang pera mula kay Kadyo. Tuwang tuwa sya sapagkat may maibibigay na sya kahit konti sa kanyang asawa. Makalipas ang labing limang minuto nakarating na rin sila sa tapat ng bahay ni Tonio.

“Oo nga pala pare, galing ako sa bertdeyan sa kabilang kanto, eh medyo madaming litson ang pinauwi sa akin ni Kumapreng Badong, kunin mo na yung isang supot dyan para sa mga bata” pahabol ni Kadyo

“Ganun ba pare, naku matutuwa ang dalawang chikiting ko na yan, maraming salamat sa iyo Pareng Kadyo at ingat ka pauwi” huling bati ni Tonio.

Masayang masaya sya sa nangyari, batid niya na ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng iyon. Natutuwa sya sapagkat dininig ng Dyos ang kanyang panalangin. Bagama’t may takot sya noong una subalit nagtiwala lamang sya sa kagustuhan ng Panginoon at binalik ng Dyo ang lahat ng ito na higit pa sa inaasahan nya. Kung tuusin meron lamang 10 pisong barya si Kadyo noon, at 200 piso lang ang laman ng wallet nya, subalit pinalitan ito ng higit pa sa doble o triple. Hindi lang yun pati ang barbeque na ibibigay nya sa kanyang mga anak ay naging litson. Tangi lamang nasambit ni Tonio ay “SALAMAT PO LORD”.

Minsan sa buhay nating ito, sinusubok tayo ng Panginoon. Tintingnan ang ating mga karakter, sinusubok ang pananampalataya natin sa Kanya at sinsubaybayan kung paano tayo makisalumuha sa kapwa natin. Ayon nga sa Bibliya, “Anuman ang iyong ginagawa sa pinakamaliit mong kapatid ay sya rin mong ginagawa sa AKIN”. Tayo ay nilikha na kalarawan ng Panginoon, at marahil makikita natin sa ating kapwa ang Panginoon. Kaya ang pagtulong natin sa kanila ay tanda ng pagmamahal natin sa Dyos.

Sana ang kwento ni Tonio ay maging inspirasyon sa lahat. Kailangan lang natin na magtiwala sa Dyos at tumulong sa ating kapwa. Ang Dyos ang bahala sa atin, hindi man nya ito ibalik sa iyo sa pamamagitan ng mga materyal na bagay, ihahanda naman nya ang mansion mo sa langit. Kung paano natin minamahal ang kapwa natin ay ganun din ang pagmamahal natin sa Dyos.

Mga kaibigan, iiwanan ko sa inyo ang bersikulo na ito sa bibliya;

Mateo 25:35-40 (Ang Salita ng Diyos)

35Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.

37Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?

40Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.

1 komento:

Jethro ayon kay ...

Ang ganda naman nito. Lalo tuloy akong nainspire sa mga kwento mo. Sana magpatuloy pa ang ganitong mga kwento at talagang may kapupulutang aral. ^_^