Miyerkules, Disyembre 24, 2008

Tuloy na Tuloy Pa Rin Ang Pasko


Tatlong taon na akong dito sa Saudi nagpapasko, natatandaan ko pa noong unang pasko ko dito medyo talagang mabigat sa pakiramdam, ito ang unang pagkakataon ko na tila balewala lang ang pinamahalagang araw na ito. Habang ang buong Pilipinas ay talagang abalang abala sa darating na kapaskuhan, tayo dito sa Saudi ay tila tipikal at ordinaryong araw lang.


Noong nasa Pilipinas pa ako, ako ang pinakanasasabik sa aming magkakapatid at iba ang pakiramdam ko tuwing Pasko. Tingin ko masayang masaya ang bawat tao, lahat ay nagbibigayan at mararamdaman mo ang sigla sa bawat isa. Kaya naman halos nabigla ako noong nagtrabaho na ako dito sa Saudi, ibang iba at malayong malayo sa nakagisnan ko noong bata pa.


Nagpapatugtog din ako ng mga kantang pamasko sa aking kwarto, medyo madalas nga nakakadagdag sa aking pangungulila at pagkalungkot ang mga naririnig ko. Sa tuwing nakikita ko naman ang mga kasamahang kong umuuwi para magbakasyon at magpasko sa Pilipinas, hindi ko maiwasang maiingit. Pero agad ko namang inaalis yun at muli pinapasaya ang sarili. Maging sa araw ng Pasko noon, halos walang bumati sa akin ng” Maligayang Pasko”, maliban sa mga Pilipinong kasama ko sa trabaho. Hindi ko naman masisisi ang iba sapagkat iba ang relihiyon nila kaysa sa atin, at iba ang kanilang pinaniniwalaan.


Iba ang pakiramdam ko sa tuwing sasapit ang Pasko dito sa Saudi, may halong pangungulila at lungkot din.Subalit naisip ko, bakit nga ba ako malulungkot hindi ba si Hesus ang dahilan kung bakit may Pasko at siya rin ang sentro ng mahalagang araw na ito. Kaya dapat hindi nasentro din ang pagtingin ko sa Pasko sa mga handa, mga regalo, kasiyahan at kung ano ano pa. Dapat nakasentro ako sa bida ng araw na iyun, iyon ay ang ating Panginoong Hesus. Hindi naman ako o ang pamilya ko ang pinakamahalaga ng araw na yun eh, kundi ang atin Panginoong Hesukristo.

Totoong malungkot sapagkat wala ang mga mahal mo sa buhay na kasamang ipagdiriwang ang araw na ito. Malungkot sapagkat walang Christmas Party ang bawat kumpanya dito, wala ring mga hamon, litson, morcon, bibingka, puto bungbong at kung ano ano pa. Nakaka miss ang mga pagkakataong nakikita mo ang mahahalagang tao sa buhay mo, pero napag-isip isip ko rin na hindi pala dapat ako malungkot kasi kasama ko naman ang Panginoon,kasama ko ang “Birthday Celebrant” , hindi ba espeyal ang pakiramdam noon?Siguro, sa tuwing mararamdam ko ang pangungulila dapat isipin ko na kasama ko naman ang Panginoon at alam ko din na hindi nya tayo pababayaan.


Nagpapasalamat ako sa Panginoon, na ginamit nya akong instrumento para sa aking pamilya. Alam kong hindi man nila ako kasama sa araw ng Pasko, baon ko naman ang mga panalangin nila at taos pusong pasasalamat sa mga naibahagi ko sa kanila.


Alam kong araw araw dapat maging Pasko, at alam ko rin na hindi limitado ang pagdidriwang ng Pasko sa mismo araw nito. Maganda panahanin natin sa ating mga puso ang totoong diwa at halaga ng Pasko. Gawing buhay ang pag-ibig ng Dyos sa ating mga sarili, at ibahagi rin ito sa iba.

Alam kong marami rin sa ating ang nagungulila sa ating pamilya, nawa ang sulatin na ito ay makatulong din sa kapwa ko OFW , na maibsan ang kalungkutan sa araw na ito. Marami pa namang araw ng Pasko , mayroon pa tayong 365 na araw sa loob ng isang taon para gawing Pasko ito sa ating mga buhay.


Muli binabati ko ang bawat isa ng Maligayang Pasko, sana maipagdiwang natin ito kasama ang Panginoon.


Iyun lamang po at maraming Salamat.


Sa Dyos ang Kadakilaan,

Sabado, Disyembre 20, 2008

Baguhin natin ang Mukha ng Mundo



Nakakaalarma na ang nangyayari sa mundo ngayon. Maraming tao na rin ang tila naging kumportable na sa pagkakasala at paggawa ng masama. Habang patuloy na lumalago ang ating teknolihiya, at tumatalino ng tao patuloy ding lumalayo ang loob ng tao sa Dyos.


Sa Mexico, isang malaswang babasahin (Playboy) ang naging sentro ng batikos ngayon sapagkat kanilang inilagay sa "Cover" nito ang hubad napagla larawan sa ating Mahal na Ina. Isa itong malaking kalapastanganan sa ating Mahal na Birhen. Nakakalungkot isipin na nagawa nila iyon para lamang makabenta sila ng mga ganitong babasahin. Ang Mexico ay kinikilang isang Katolikong Bansa na kung saan sila ay may labis na debosyon sa ating Mahal na Ina (Birhen ng Guadalupe) subalit nakakalungkot na nagawa nila ang mga bagay na iyon. Isang malaking interpretasyon na talagang wala ng pakundangan ang tao sa paglaspatangan sa Dyos.


Dumadami na ang mga bilang ng mga ateyista (atheist) sa mundo. Sila ang mga taong hindi naniniwala sa Dyos. Marami na rin akong naging karanasan sa mga katulad nila, pilit na binabaluktot ang mga katotohanan tungkol sa Dyos.Kanilang binigyan ng masamang pakahulugan ang bawat bahagi ng ating paniniwala at pananampalataya. Nakakalungkot isipin na may maririnig at makikitang ganitong mga tao, subalit alam kong mas kailangan nila ng panalangin kesa makipag debate sa kanilang mga pinaniniwalaan.


Patuloy din ang paglaki ng bilang ng mga mag-asawang naghihiwalay, kanilang binabali ang kautusan ng ating Panginoon. Bumababa naman ang bilang ng mga nagpapakasal, mas pinili pa nilang magsama ng walang basbas ng sakramento ng kasal.Nakakalungkot lang na nawawalang halaga na ngayon ang kakasagraduhan at kahalagahan ng kasal.


Maging ang aborsyon ay tila bumalik na muli sa ating lipunan, at may malaking usap usapan sa Amerika na may isang batas na inaprubahan na isagawa ang aborsyon ng mga duktor kung kinakailangan. Kung atin ring makikita at maririnig sa balita maging ang Pilipinas na isang katolikong bansa ay maraming kaso na ng pagpapatay sa sanggol ang naiiulat. Mukhang nawawala na ang takot nila sa Dyos.


Maging sa mga pelikula ay tila isang "TREND" ang may temang sex. Ito ang kanilang malaking pambenta at panghatak ng manonood. Sabihin man nating ito ang salamin ng ating lipunan, subalit alam natin na ito'y makadudulot lang ng pagtanggap natin sa pagkakasala. Isipin na dahil itoy karaniwang nangyayari sa ating lipunan, ito ay maari ng tanggapin kahit mali at masama.
Mukhang pasama ng pasama ang mundong ginagalawan natin, patuloy ang paggawa ng kasalanan ng tao. Naging parte na ng kanilang buhay ang kasalanan. Maging tayo rin ay hindi rin naliligtas sa pangil at kuko ng demonyong umaaligid aligid sa ating lipunan.


Kayat sana ay patuloy nating ipanalangin ang mundong ito, ipanalangin natin ang isat isa at ipanalangin din ang iba pa na makilala nila ang Dyos. Sana isama din natin sa ating mga panalangin na sana'y gawin tayong instrumento ng Panginoon para makahikayat ng mga kaluluwang uhaw sa pagmamahal ng Dyos.


Nawa tayo rin ay maging mapanuri sa mga nababasa at napapanood natin. Gwardyahan natin ang ating mga sarili sa mga bagay na maaaring makakasira ng ating kaisipan at pananampalataya. Hingin din natin ang awa ng Panginoon na tulungan tayong baguhin ang mukha ng mundo.


Iyon lamang po at maraming salamat


Sa Dyos ang Kadakilaan

Sabado, Disyembre 13, 2008

Tunay na Pagsunod sa Plano ng Dyos



Tumugon si Maria: Ako'y alipin ng Panginoon, maganap naway sa akin ayon sa wika mo- Lukas 1:38


Ito ang linya ni Maria noong binati siya ng Anghel noong panahong sya ang nakatakdang magdalang tao sa ating Tagapagligtas. Kung siguro lalaliman pa ang ating pagkakaunawa sa mga sinabi ni Maria, mas lalo pa nating syang hahangaan sa kanyang pagiging mabuting tagasunod ng Dyos.


Noong unang panahon, ang pagiging baog o kaya pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga ay tinuturing ng lahat na isang mabigat na sumpa ng Dyos. Para sa mga hudyo noon, ang sino mang magdalang tao sa pagkadalaga ay itinuturing na isang mababa at maduming nilalang, kaya madalas sila ay pinapatay o di kaya pinandidirihan ng lahat. Subalit ang Mahal na Ina ay hindi man lamang nagdalawang isip na sumagot ng OO sa kagustuhan at plano ng Dyos. Hindi sya nagbigay ng kundisyon o di kaya humingi ng kapalit sa mabigat na gampanin na inaatang sa kanya ng ating Dyos, bagkus siya ay labis na nagpakumbaba at tinanggap ng maluwag sa kanyang kalooban ang kagustuhan ng Dyos. Hindi nya iniisip kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap bagkus buong puso sya nagtiwala sa Dyos. Kaya naman ganun na lang ang paghanga ko sa ating Mahal na Ina na isang magandang halimbawa sa pagsunod sa kagustuhan ng Dyos.


Nitong mga nakaraang mga araw medyo madalas akong mag-isip. Meron kasi akong hinihiling sa Panginoon na nais kong matupad,mga kagustuhan kong gusto kong mangyari sa buhay.Dumating sa punto na idinidikta ko na sa Panginoon ang aking mga kagustuhan. Ngunit, hindi naging maliwanag sa akin kung matutupad ang mga hinihiling ko sa Panginoon. Naiwan akong nag-iintay na lamang kung manyayari ba ang mga kagustuhan ko o hindi. Nagduda ako sa kapangyarihan ng Panginoon noon, at iniisip ko na mas maganda pa ba ang plano ng Dyos kesa sa kagustuhan ko ,kung tutuusin yung kagustuhan ko na yun ay sapat na para sa kin, kaya baka pwede yun na lang kasi di naman ako naghahangad ng MAS maganda pa.


Madalas nag-iisip ako, ano ba talaga ang plano sa aking ng Panginoon? Bakit ayaw nyang ibigay sa akin ang hinihiling ko pero kung tuusin naman makakabuti sa akin yun at makakatulong pa ako sa iba. Ayaw nya ba akong mapabuti? Minsan pa nga halos suhulan ko na ang Panginoon para ibigay lang sa akin ang mga hinihiling ko,sinasabi ko na kung sakaling ibibigay sa akin yun ng Panginoon, tutulungan ko ang mga mahihirap o hindi kaya mas pagbubutihan ko ang "SERVICE" ko sa Panginoon.


Madalas din, pag humihingi ako ng payo sa iba, sinasabi nila na "May magandang plano sa iyo ang Panginoon". Kaya naman pag nagdarasal ako sinasabi ko na sana yung magandang plano Nya ay malapit na. Minsan sinasabi ko "Sige Lord susundin ko po ang kagustuhan nyo, pero baka pwede yung gusto ko ay yun na lang ang plano nyo sa akin" o di kaya "Sige Lord naniniwala ako sa Plano nyo,", pero makalipas ang ilang minuto bigla na lang akong mag-iisip ng malalim at manghihinayang.


Aaminin ko, mahirap palang sundin ang isang bagay kung mas malakas ang sigaw ng mga kagustuhan mo. Madaling sabihin na "may magandang plano ang Dyos" pero ang pumapasok naman lagi sa utak mo ay ang mga kahilingan mo at gustong mangyari sa buhay mo. Kahit na sabihin natin susundin natin ang kagustuhan ng Dyos, parang bang may bigat sa mga puso natin, para bang may pumipigil sa atin.


Pero pinauunawa sa akin ang lahat ng Panginoon, nakakatuwa lang na sa pagbabasa ko ng Salita ng Dyos, natutunan kong isuko sa Kanya ang mga kagustuhan ko.Sa bawat gabi na nagdadaan para bang lumuwag ang dibdib ko at natututo ko ng tanggapin ang plano sa akin ng Panginoon. At mas lalo ko pang natatanggap lahat noong mabasa ko ang VERSE na nasa itaas kagabi, at mas lalo ko pang hinanggan ang ating Mahal na Ina. Sa pamamagitan ng pagtanggap ni Maria sa plano ng Dyos, para bang may bumulong sa akin na kung talagang tagasunod ako ng Panginoon, magtiwala ako sa Kanya.


Natuto kong isuko at magtiwala sa Panginoon. Hinayaan ko Syang gumawa sa aking buhay. Sinunod ko ang plano ng Dyos hindi dahil may mas magandang plano Sya sa akin, o mas may maganda pang manyayari sa akin, kundi dahil kailangan kong ibigay ang buong tiwala ko sa Kanya at isuko ng lahat sa ating Panginoon ng hindi naghihintay ng kapalit.


Ngayon, tanggap ko na ang plano ng Dyos sa akin, maaring wala Syang ibigay o ipalit na mas maganda sa aking kagustuhan pero ang matutunan ko magtiwala sa Kanya,para sa akin isa itong pagpapatunay na naging mabuting tagasunod ako ng Dyos, at sundin ang anumang naisin o plano sa akin ng Panginoon na hindi nag-aantay ng anumang kapalit.


Iyon lamang po at maraming salamat.
Sa Dyos ang Kadakilaan,

Huwebes, Disyembre 4, 2008

Ngayon, Sino sa Kanila?


Marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa at ayaw ng mabuhay dahil punong puno ng paghihirap at pighati ang nararamdaman nila. Pinagtatangkaang tapusin ang buhay, iniisip na kitilin ang sariling buhay.


Sana maisip din natin na marami rin sa atin na kahit may taning na ang kanilang mga buhay ay hindi pa rin nawalan ng pag-asa. Tiniis ang paghihirap at pighati madugtungan pa ang nalalabing araw nila sa mundo ito. Patuloy na gumagawa ng paraan para makasama pa ang mahal nila sa buhay. Inuubos ang lahat ng kanilang yaman sa mundo para lamang madugtungan kahit ilang araw ang kanilang buhay.


Ngayon, sino sa kanila ang mas kaawa awa?


Marami sa atin ang nagsasawa na sa trabaho, naiinis na sa magagaliting boss, napapagod na sa paulit ulit na takbo ng buhay at maliit na kinikita nila. Madalas napangungunahan tayo ng ating paghahangad para sa mas malalaki pang mga bagay


Pero sana maisip din natin na marami rin sa atin ang hindi alam kung paano makakita ng trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya. Sila ang mga taong handang mapagod at mahirapan may mapakain lamang sa kanilang mga pamilya. Sila na hindi iniisip ang kikitain kundi kung paano makaraos sa araw araw. Sila na hindi iniisip kung sila ay nasa kapahamakan maitaguyod lamang ang kanilang mahal sa buhay.


Ngayon, sino sa kanila ang mas karapat dapat pang maghangad?


Marami sa atin ang gulong gulo sa mga bagong gadget, cellphone, laptop o digital camera. Pakiramdam nila na hindi sila mabubuhay ang mga bagay na yun. Alisin mo ang mga bagay na ito sa kanilang mga buhay animoy inalisan na rin sila ng hangin para mabuhay. Hindi makatulog kapag hindi nabibili ang bagong labas na sapatos, bag at damit, halos ubusin ang pera para sa mga materyal na mga bagay


Pero sana maisip din natin marami rin sa atin ang hindi man lamang nakakatungtong sa eskuwelahan, at nagtyatyagang namumulot ng basura para lamang mabuhay. Sila na wala man lamang maayos na tirahan at masisilungan. Namamalimos sa lansangan, nagbebenta ng basahan, nagbibilad sa ilalim ng araw para kahit paano ay kumita ng konting pera. Sila na nakatira sa ilalim ng tulay, sila na nasa tabi ng gabundok ng basura at sila na nakatira sa lansangan. Sila na halos gutay gutay ang damit at wala man lang maayos na panyapak, wala man lamang silang panlaban sa sobrang init at lamig ng panahon.


Ngayon, sino sa kanila ang pinakanahihirapan sa buhay?


Marami sa atin ang halos hindi na kumakain para magkaroon ng magandang pigura. Ginugutom ang sarili para lamang makuha ang magandang hubog ng katawan. Marami rin sa atin ang walang pakialam sa mga nasasayang na pagkain, tinatapon na lang kung saan saan, winawalang bahala ang mga pagkain sapagkat hindi sila nasasarapan o hindi gusto ang nasa hapag kainan.

Pero sana maisip din natin na marami sa atin ang hindi na nakakain 3 beses sa isang araw. Gustuhin man nilang kumain pero wala silang pagkain sa kanilang mga mesa. Tinitiis na matulog ng gutom, kinakain ang mga basura, at pinapawi ang gutom sa pamamgitan ng pag-inom ng tubig. Sila na hindi iniisip ang hubog ng katawan pero mas iniisip ang laman ng sikmura. Marami rin sa atin ang nasa banig ng karamdaman, mga walang gana at lakas para kumain. Nasa kanila man ang pinakamasasarap na pagkain sa mundo pero kung wala kang panlasa, itoy wala ring saysay para matikman ito


Ngayon sino ang nangangailangan ng pagkain?


Sabi nila hindi mo mararamdaman ang kahalagahan ng isang bagay kapag nawala na lamang sa iyo ito. Subalit aantayin pa ba nating mawala ito bago natin bigyan ito ng importansya. Bakit hindi nating simulang bilangin ang ating mga biyaya at ipagpasalamat ang mga ito. Minsan hanap tayo ng hanap ng mga bagay na wala sa atin. Kinakalimutan ang mga bagay na pinagkaloob ng Panginoon sapagkat napapangungunahan tayo ng ating pansariling kaguustuhan at kahiligan .
Sabi nga nila aanhin mo ang pinakamagarang sasakyan o bahay kung nabubuhay kang namang mag-isa.


Aanhin mo ang tagumpay kung wala ka namang pag-aalayan nito at hindi mo man lang maibahagi ang kasiyahan o karangalan mo.


Aanhin mo ang yaman ng mundo kung lahat naman ng tao ay ayaw sa iyo


At aanhin mo ang talino kung ginagamit mo ito para makasira ng buhay ng ibang tao.


Maraming bagay na dapat natin ipagpasalamat sa Dyos, maraming bagay ang pinagkaloob nya sa atin. Sana huwag tayong panghinaan ng loob kung sakali mang may mabigat tayong suliranin sa buhay sapagkat hindi naman tayo pababayaan ng Dyos. Sabi nga sa bibliya kahit ang mga ibon sa langit ay hindi nya pinababayaan, tayo pa kayang anak nya na pinakamamahal at pinakaiibig nya. Tyak hindi tayo nawawaglit sa puso ng ating Amang nasa Langit. Hindi tayo kailanman pababayaan ng Dyos, ang kailangan lang natin ay manalig sa Kanyang mga plano, at manampalataya sa Kanya.


Gawin nating bukas ang ating isip at puso sa mga biyaya ng Dyos sa atin. Marahil kung sakaling makita natin ito,mas lalo pa nating pahalagahan ang buhay natin dito sa mundo.
Iyun lamang po at maraming salamat.

SA DYOS ANG KADAKILAAN

Lunes, Disyembre 1, 2008

PAANO TAYO MABE-BLESS NG MABUTING BALITA NG PANGINOON?


Sa dami ng mga problema natin sa buhay. Sa dami ng mga alalahaninnatin, minsan naghahanap tayo ng kausap na uunawa sa atin atmgbibigay sa atin ng payo. Minsan hanap pa tayo ng hanap ngbestfriend, yun pala'y kasama na pala natin sya mula ng tayo ayisilang sa mundong ito


.PAANO TAYO MABE-BLESS NG MABUTING BALITA NG PANGINOON?


Sa tuwing magsisimula tayo ng pagbabasa ng bibliya, kausapin natinang Panginoon. Isipin natin na Sya ang matalik natin kaibigan.Ipikit natin ang ating mga mata at isipin natin na ang kausap langnatin ay si "Lord Bestfriend". Pagkatapos ay ikuwento mo sa Kanyakung ano ang nagawa mong mabuti sa kapwa mo, kung paano Sya kumilos sa buhay mo. Magkwento ka sa Kanya, kasi alam kong sabik na sabik nasya sa mga kwento mo. Makipagkwentuhan ka, at buksan mo ang puso mosa Kanya. Sabihin mo ang lahat ng kalungkutan mo, kasiyahan,pangamba o di kaya kalituhan na nararamdaman mo sa araw na iyon.


Alam nyo, madalas pag nakikipagkwentuhan ako sa Kanya detelyado angmga kwento ko. Lahat ng bagay ay sinasabi ko sa kanya. Kung ano angginawa ko, kung ano ang mga naramdaman ko sa araw na yun. Lahat -lahat sinasabi ko, at nagugulat na lang ako kasi kinakausap Nya ako.As in literal na nagsasalita Sya sa akin. Minsan pasasayahin nyaako, minsan magpapayo sa akin, at madalas pinaparamdam Nya talagasa akin na nandyan lang Sya para sa akin.


Kaibigan, sa tuwing sisimulan mong basahin ang "MabutingBalita" para sa araw na ito, sabihin mo sa Panginoon angnararamdaman mo. Kumbaga, sabihin mo sa kanya, kung natatakot ka basa isang desisyon na gagawin mo, kung meron ka bang problemanghinaharap ngayon, kung may pressure ka ba sa trabaho, kungnahihirapan ka ba sa buhay, kung masyado kang bang Masaya ngayon,kung may tanong ka na gusto mong malaman ang sagot. Sabihin mo saKanya ng buong buo. Sabihin mo sa kanya ang nararamdaman mo,magkuwento ka sa Kanya. IKuwento mo ito bago mo basahin ang MabutingBalita. At magugulat na lang kayo na magsasalita Sya sa iyo sapamamagitan ng Mabuting Balita o ng reflection sa araw na iyon.


Maraming beses na akong nablebless ng Gospel, minsan nakakatuwangisipin na sa lahat ng problema, alalahanin at kalungkutan ko ,sinasagot nya ako sa pamamagitang ng Mabuting Balita, pinapayuhannya ako, inaalis Nya ang pangamba ko at pagkatapos bibigyan nya akong kapayapaan.Alam nyo mga titos at titas, iyon ang gusto kong maramdaman nyo rin.Kung paano ako nabebless ng Mabuting Balita, gusto ko kayo rin. Kungpaano ako kausapin ng Panginoon. Kung paano Sya makikipagcommunicatesa akin. Gusto ko na ganun din ang maranasan nyo. At maniwala kayopagkatapos nyong makipag-usap sa ating Panginoon. Makararamdam kang kapayapaan sa loob at sa puso mo.Kapayapaan na parang biglangnawala ang lahat ng problema at alalahanin mo sa buhay. Napakasarap na pakiramdam.Ito'y milagro ng Panginoon."Lumapit ka sa Panginoon, kayong mga naguguluhan at nabibigatan, atbibigyan ka Nya ng kapahingahan."


Ipalaganap natin ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Yun lamang po at maraming salamat


Sa Dyos ang Kadakilaan,