Sabado, Abril 17, 2010

Ang Krus ni Melissa

May mabigat ba tayong pagsubok sa buhay na tila nahihirapan tayong solusyunan? Madalas din bang sumusuko tayo sa buhay dahil sa mga pagsubok na ito?

Kaibigan sana makatulong sa inyo ang kwentong ito

...........................................ANG KRUS NI MELISSA ..................................................


Si Melissa ay isang maganda, mabait, matalinong dalaga .Halos lahat ng tao sa kanyang paligid ay kinaiingitan sya dahil sa kanyang magagandang katangian. Si Melissa din ay isang mabuting tagasunod ng Panginoon, relihiyosa at may malaking takot sa Dyos. Lubos ang kanyang pananampalata at pananalig sa Dyos. Hindi nya nakakaligtaang magdasal ng rosaryo araw araw. Palagi rin syang dumaan sa simbahan para magsimba at manalangin. Makikita mong kumikilos sa kanyang buhay ang Panginoon . Alam mong mahal na mahal nya ang Panginoon.


Halos perpekto na si Melissa sa kanyang buhay. Subalit tila may isang mabigat na pagsubok ang kanyang mararanasan na susubok sa katatagan ni Melissa.


Isang araw,habang sya ay nag-aayos ng kanyang sarili, may napansin syang mga bukol at sugat na biglang sumulpot sa kanyang braso . Kinibit-balikat lamang nya ito noong una dahil pakiwari nya ay isa lamang itong simpleng gasgas at bukol na maghihilom din sa mga susunod na mga araw. Subalit sa pagdaan ng mga araw hindi gumaling ang kanyang sugat bagkus dumami pa ito at kumalat din ang mga bukol sa buo nyang katawan.


Natakot na sya sa kanyang mga nararanasan kaya dali dali syang pumunta sa ospital at nagpakunsulta. Noon din ay nagsagawa ng ilang pagsusuri ang mga duktor sa kanyang mga bukol at sugat nasa kanyang katawan. Sinabihan syang bumalik sa ospital para sa resulta ng mga eksaminasyon.


Makalipas angilang araw bumalik si Melissa sa ospital upang malaman ang resulta .Kinakabahan sya sa sasabihin ng kanyang duktor at dumadagundong ang kanyang puso sa takot at kaba


“Doc , ano po ba ang sakit ko?” tanong ni Melissa sa duktor

“Iha, kailan mo pa ito naranasanan” tugong ng duktor


“Nung isang buwan pa po doc, bakit po ba” sagot nya na may halong kaba at takot.


“Kinalulungkot ko iha, pero ang sugat at bukol mo sa katawan ay hindi simple” ani ng Duktor

“Doc bakit po ba ano po ba ang sakit ko” gitla nyan gtanong


“Kinalulungkot ko iha pero ,ikaw ay may LEPROSY”


Sa pagkakasabing ito ng kanyang duktor, tila may isang malakas na dagundong ang kanyang narinig mula sa kawalan. Tila gumuho ang kanyang mundo. Nagulat sya sa kanyang natuklasan, at dumaloy ang luha sa kanyang mga mata. Bigla syang nanghina sa kanyang natuklasan, at tila naglaho ng kanyang mga pangarap sa buhay.


Kumalat sa buong opisina ang kanyang naging sakit. Lahat sila ay pawang nandidiri sa kanya, walang nais makipag-usapa sa kanya. Walang sinuman ang nais na lumapit sa kanya. Ang lahat ng kanyang mga kaibigan sa kumpanya ay nandiri rin sa kalagayan nya. Nawala na ang mga taong humahanga sa kanya bagkus napalitan ito ng pandidiri at awa sa kanyang.

Kaya noong ding araw na iyon ay nagbitiw na sya sa trabaho at hindi na nagpakitang muli sa kanila. Muli mga patak ng luha ang naging karamay nya sa kanyang kalagayan. Impit na iyak ang kanyang nasambit sa kanila.

Batid nya na may may nakakahawangsyang sakit . Kaya bagamat alam nyang mahal na mahal sya ng kanyang pamilya, mas pinili nyang pumunta sa isang instutusyon para sa mga may sakit na ketong at duon na lang magpagaling.


Hindi nawalan ng pag-asa si Melissa, lalo pang lumakas ang kanyang pananampalataya sa Panginoon. Batid nyang hindi sya pababayaan nito. Bagama’t kung minsan ay naitatanong nya sa Panginoon kung bakit sa kanya pa binigay ang mabigat na pagsubok na ito, subalit naniniwala din sya na may dahilan ang lahat. At alam nyang tutulungan sya ng Panginoon para malampasan ito.
Sa pagdaan ng mga buwan , tila nauupos na kandila ang mga bahagi ng katawan ni Melissa. Isa-isa itong nauupod dahil sa kanyang sakit. Ang kanyang mga magagandang kamay ay nawala na rin. Ang makinis nyang balat ay napalitan rin ng mga sugat at mga peklat. Hindi na sya ang dating Melissa na maganda at kinaiingitan ng lahat.


Umiiyak sa sakit si Melissa subalit malakas pa rin ang kanyang pananampalataya. Hindi sya nawalan ng pag-asa na isang araw ay gagaling sya. Hindi rin sya nawalan ng pananalig sa Dyos. Alam nyang nandyan ang Panginoon para tulungan syang mapagtagumpayan ang pagsubok na ito.


Sa pagdaan ng mga araw, nanatiling positibo si Melissa, madalas syang nagbabasa ng bibliya at sumasali sa mga gawaing pansimbahan sa loob ng instutusyon. Tinanggap nya ng buong buo ang kanyang sakit at tinanggap nya sa kanyang puso ang krus na binigay sa kanya ng Panginoon. Mas lalo pang lumakas ang kanyang pananamapalataya sa Dyos at mas pinag-ibayo pa nya ang kanyang pagmamahal sa Panginoon.


Makalipas ang ilang taon, tuluyang ng gumaling si Melissa sa kanyang sakit. Bagamat wala na syang mga kamay dahil sa kanyang sakit at ang kanyang mga sugat ay tuluyan ng gumaling, nagpatuloy pa rin sya sa pagsisilbi sa Panginoon. Kanyang binabahagi sa iba ang kanyang mga karanasan at kung paano nya napagtagumpayan ang pasgsubok na ito kasama ng Panginoon. Kahit paano’y nagdudulot ito ng inspirasyo at pag-asa sa kapwa nya may sakit na ketong. Sa maliit nyang paraan na ito, naipapakita nya sa ibang tao ang kadakilaan ng Panginoon sa kanyang buhay.


Bagamat madalas pa ring makaranas ng pandidiri si Melissa mula sa mga taong nakakasalamuha nya. At madalas pa rin syang makaranas ng mga pangungutya sa ibang tao dahil sa kanyang hitsura.Nanatili pa ring matatag si Melissa na suungin ang laban sa buhay. Hndi na lamang nya ito pinapansin at pinasa Dyos na lang ang lahat.


Alam nyang kasama nya ang Panginoon sa lahat ng hamon at pagsubok na darating sa kanyang buhay.Kung nalampasan nya ang mabigat na pagsubok na ito, positibo syang malalampasan din nya ang lahat ng unos at problema sa buhay kung patuloy syang mananalig at mananampalataya sa Dyos.


Sa ngayon, masayang masaya na si Melissa sa kanyang buhay. Nakatagpo rin sya ng isang mabuting asawa sa katauhan ni Ernesto na tumanggap ng buong buo sa kanyang pagkatao at sa kanyang kalagayan. May dalawang syang anak na si Joshua at Joana Marie, na pawang mga bibo at mabait na mga bata. Alam ni Melissa na ito’y kaloob ng Panginoon sa kanya, dahil hindi sya bumitaw sa kanyang pananampalataya. Marahil isa ito sa mga biyayang pinagkaloob sa kanya ng Panginoon. At masayang masaya sya sa lahat ng kanyang mga natatanggap sa kanyang buhay at kayang binabalik nya ang lahat ng papuri at pasasalamat sa Dyos.


Alam nyang ang krus na kanyang niyakap noo ay ang mismong daan patungo sa ating Panginoon.
_____________________________


Bawat tao ay may kanya kanyang krus na pinapasan sa kanyang buhay. Subalit iilan lamang ang yumayakap dito. Marami sa atin ang sumsuko sa pagpasan ng krus na ito. Kung sa sariling lakas lamang tayo aasa, kahit gaano pa kagaan ang krus na ito, ito ay bigla din bibigat sa pagdaan ng panahon. Ang Panginoon ang tutulong sa atin kung hahayaan natin Syang tulungan tayo.
Sabi nga ng ating Panginoon “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus at sumunod sa akin” (Mateo 16:24)


Ang lahat ng paghihirap sa buhay ay may kaakibat na gantimpala mula sa Panginoon. Kung hindi man sa mundo ito natin makukuha ang gatimpalang sinasabi ng Panginoon. Malamang ang gantimpalang ito ay ang buhay na walang hanggan kasama Nya.


Sa mga taong nangungutya at nandidiri sa kalagayan ni Melissa, hindi hamak na mas kaawa-awa sila. Sapagkat tulad ni Melissa sila ay may sakit din ketong, na hindi pa gumagaling . Hindi man sa pisikal ngunit sa kanilang kaluluwa. Patuloy na inuupos ang kanilang mga kaluluwa dahil sa mga panghuhusgang ginagawa nila sa kanilang kapwa. Marahil bahala na ang Panginoon sa kanila. Ang maaari lamang nating gawin ay ipanalangin na lang natin sila at sana’y gumaling na sila sa kanilang sakit sa kaluluwa.


Kaibigan iiwanan ko sa inyo ang mga Mensahe ng Panginoon sa inyo:


Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok. (1 Corinto 10:13)


Kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha, pumarito kayo sa akin at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin sapagkat ako ay maamo at mababang-loob. At masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. 30Ito ay sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.(Mateo 11:28-30)


Iyon lamang po at sa Dyos ang Kadakilaan.