Lunes Santo na pala bukas at Linggo ng Palaspas ngayon. Ito na ang simula ng Semana Santa. Noong bata pa ako ito na siguro ang pinaka-ayaw kong linggo sa loob ng isang taon. Kasi bukod sa boring at walang kabuhay buhay ang buong linggo mo, wala ka pang mapapanood sa TV kundi mga “COLOR BAR” lang at ang nakakabinging tunog na tooooooooooooooooooooottttttt. Kaya wala akong magawa kundi tiisin ang pinakamahabang linggo para sa akin.
Pero ika nga, hindi pa rin mawawala sa ating mga Pilipino ang tradisyong nakasanayan natin noon pa, at heto ang mga ilan:
ARAW NG PALASPAS ( Palm Sunday)
Ngayon ay Araw ng Palaspas, at tyak punong puno na naman ang simbahan kasi napupuno lang naman ang simbahan tuwing unang gabi ng simbang gabi at unang araw ng Mahal na Araw (at syempre tuwing bertdey lang). Minsan ginagawa na lang negosyo ang araw na ito , kasi tyak tiba tiba sila sa kita. Para sa ibang nating mga kababayan ang Araw ng Palaspas ay isang contest ng pagandahan at palakihan ng palaspas para syempre pasikat. Kaya naman kahit magkandasundot sundot at magkandabulag bulag ka na ng katabi mo dahil sa dahon ng niyog , eh wala pa rin silang pakialam sa iyo kaya pasensyahan na lang.
Minsan naman akala ng iba ang palaspas ay isang agimat o pampaswerte, kaya pagtinanong mo kung para saan ang palaspas na pinabedisyunan ng pari sasabihin nila “ ilalagay sa may pinto para tuloy tuloy ang swerte” (nice ginawang feng shui). Minsan naman iniipit sa bibliya kasama ng ticket sa lotto, o kaya naman para daw umiwas ang mga aswang at maligno (kay tanda tanda na naniniwala pa sa mga ganun) Kaya ibang klase tayong mga Pilipino pinagsasama ang mga paniniwalang Budismo at Kristyanismo (onli inda pilipns) at pinagsasama rin ang tradisyon at para maki-IN lang (YOH!MEN!)
Paalala: Ang Araw ng Palaspas ay paggunita natin sa isang senaryo sa bibliya na kung saan sinalubong ng mga tao si Jesus noong ito’y pumasok sa Jerusalem. Kinuha nila ang dahon ng puno ng olibo bilang tanda ng pagsalubong at pagbibigay galang sa hari ng mga hudyo. Ito ay tanda na magsisimula na ang paghihirap at pagliligtas sa atin ng Panginoon.
PASYONG MAHAL
Syempre, hindi mawawala yan sa kultura nating mga Pilipino. Kumbaga hindi kumpleto ang Mahal na Araw kung walang nito. Kaya pagtilaok palang ng manok ay nagkokonsyerto na ang mga matatanda sa pagbasa at pagkanta ng Pasyon. Yan ang manggigising sa iyo sa umaga, daig pa ang alarm clock sa tinis ng boses na parang palangganang nag-uumpagan sa lakas. Bukod pa sa halos mapatid patid na litid ng mga kumanta, akala ata nila libreng videoke yun. Isa pa, hindi halata ang pagiging sintunado at wala sa tono sa Pasyon, kaya hayun halos isinigaw na sa mic ang Pasyon.
Pero napapansin ko nitong mga nakaraang mga taon parang nag-iimbento ang mga kabataan ngayon ng mga bagong ritmo at himig, kumbaga may ibat ibang version ang PABASA ngayon. Minsan ginagawang RAP ang pasyon (may beatbox pa), minsan rock at ballad o di kaya yung mga pausong mga kanta ngayon. Kaya naman baka magulat ka na lang na isang araw bumabasa ng pasyon ang mga matatanda sa saliw ng tugtog ng UMBRELLA. (eh la eh la eh eh ander may ambrela eh eh eh ng si Hudas ay nadulas……)
Paalala: Ang pabasa ay mula sa bibliya, ito ay mga pinagsama-samang mga mahahalagang pangyayaring naganap sa buhay ng ating Panginoon. Mula sa paglikha ng tao hanggang sa pagliligtas sa atin ng Panginoon. Sinasabing hindi ito nagmula sa mga Kastila, subalit dala ng pagiging mahilig sa pagkanta ng mga Pilipino kaya nabuo ang Pasyon. At mapasahanggang ngayon ay ginagawa pa rin natin ito tuwing Semana Santa
SENAKULO
Ito na siguro ang linggo, na kung saan may mga dramatisasyon ng paghihirap ng ating Panginoon. Kaya naman nagsulputan ang mga senakulo sa aling mang baranggay sa Pilipinas. Pero minsan yung mga ibang tao nanonood na nga ay nagmimiron pa, minsan may maririnig ka pang “ Ay ang pangit pangit naman ni Ponsyo Pilato”, o di kaya “Naku doon na lang tayo sa ibang baranggay, balita ko artista ang mga casts dun”. Eh akala ata nila ay pagwapuhan o pagandahan ng mga aktor at aktres doon, saka isa pa mag-iiba ba ang kwento nito kung artista ang gumanap?(hehehe, malay natin wala sa cast nila si Hudas)
Minsan naman apekted na apekted ang ilan kasi halos isumpa nila at pagbabatuhin ng bote ng mineral water si Hudas sa entablado (kawawa naman), kaya naman inuulan ng death threats si Hudas sa mga manonood. Hindi nila alam na sa totoong buhay ng ating Panginoon ay tayo ang dahilan ng paghihirap nya kaya parang naging mga Hudas din tayo minsan.
Paalala: Ang senakulo ay pinakilala sa atin ng mga kastila.At dahil wala pang telebisyon noon, ito ang naging paraan nila para isalarawan ang paghihirap ng ating Panginoon para sa kaligtasan natin. Subalit ngayon mga nakaraang mga taon tila nagiging komersyo ang mga ito at nawawala na ang tunay na kahulugan ng SENAKULO.
PENITENSYA
May kanya kanya ring mga pasikat ang ating mga kababayan. Nandyang paglakad na may pasan na krus, hahampasin ang sarili ng lubid at ang pinakamatindi ay magpapako pa sa krus. Pero makalipas ang Mahal na Araw yung mga taong din yung ang makikita mo sa Tindahan nila Aling Nena na laging na lasing tuwing gabi o di kaya labas masok sa munti. Parang silang gamot na may expiration din, at tumatagal na lang sa loob ng isang linggo.
Meron atraksyon sa Pampanga tuwing Biyernes Santo, meron kasing nagpapapako doon sa paa’t kamay. Kaya naman para tuloy nagiging perya ang nangyayari, kasi habang pinapako yung lalaki, makikita mo sa tabi may kumakain ng chiz curls, umiinom ng samalamig, tumutusok ng fisball at higit sa lahat may piktyur teyking pa. Ginawang sine at Star City ang lugar na yun.
Paalala: Hindi ine-encourage ng Simbahang Katolika ang ganitong mga gawain, sapagkat ang tunay na pagsisisi at pagtitika ay makikita kung paano mo iwaksi o iaalis ang mga kasalanan sa ating mga buhay. At ang pagpapatawad mula sa Dyos ay makakamtan lamang kung itoy naggagaling sa ating mga puso. Tandaan natin na nagpakahirap na at namatay sa krus ang ating Panginoon para sa atin kaya di na natin kailangan gayahin pa ito. Wala sa dami ng sugat iyon kundi nasa taimtim na pagsisisi at paghingi ng tawad sa Panginoon
FASTING O PAG-AAYUNO
Ito na rin ang mukambibig ng lahat ng tao. Sasabihin nila “Ay naku wag kang kumain ng baboy ngayon kasi Mahal na araw” o di kaya “Bawal kumain ng karne kasi fasting ka”. Pero kamulat mulatan mo ay ubod sa lalaking mga sugpo, alimango, isda, talaba at kung ano ano pa ang nakahain sa mesa (basta hindi karne) at di lang yun may halo halo pa bilang dessert .May mga pinya, papaya at pakwan pa, ibang klase parang pyesta lang ah. At dahil walang mapaglibangan ang tao, pagkain ang kanilang napagdidiskitahan at dahil Mahal na Araw ang alam lang nila ay “BAWAL ANG KARNE” yun lang, pero bumawi naman sa seafoods at prutas. Wow PICNIC!!!
Paalala: Ang fasting o pag-aayuno ay isang mabisang paraan ng ating pakikiisa sa ating Panginoon. Pagpapatunay lamang na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao. Tandaan din na hindi lamang sa pagkain ang pagaayuno, maari ring pagsasakripisyo ng isang bagay na kalimitan mong ginagawa para sa Dyos. Subalit ang lahat ng pag-aayuno ay laging lakipan ito ng dasal o panalangin
Gawin sana nating makabuluhan ang linggo na ito. Magsisisi at magtika tayo sa ating mga kasalanan. Alalahanin natin ang paghihirap, sakripisyo at labis na pag-ibig ng Dyos para sa atin. Hindi naman natin kailangan isagawa o gawin ang mga nakagawian o tradisyong nabanggit nasa itaas, ang kailangan lang natin ay isuko natin ang buhay natin sa Dyos at talikdan ang ating mga kasalanan
Alalahanin natin sana ang bawat hampas, sugat at hapdi na naranasan ng Panginoon, pagpapatunay lamang na Mahal na mahal tayo ng Dyos. Ang pagsisisi o pagtitika ay hindi tuwing Semana Santa lang, ang pag-aalala sa sakripisyo ng Panginoo nay hindi isang linggo lang. Gawin natin itong araw araw, para mas maramdaman natin ang pagmamahal at pagpapahalaga na ibinigay sa ating ng Dyos.
Iyon lamang po at maraming salamat.
Sa Dyos ang Kadakilaan
Sabado, Abril 4, 2009
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)