ANG RESIGNATION LETTER NI RICO
“Sorry pero hindi ko maibibigay ang taas ng sahod mo”
“Pero sir, ipangako nyo na sa akin noon” sagot ni Rico
“Gusto ko man Rico na bigyan kita ng increase pero naapektuhan tayo ng Global Crisis ngayon” tugon ng kanyang boss.
Biglang nalumo si Rico ng marinig niya ang sinabi ng kanyang boss, pakiwari nya nawalang saysay ang lahat ng kanyang pagsisikap at pagpapakitang gilas. Kasalukuyang kasing naapektuhan ng pandaigdigang krisis ang kanilang kumpanya, kaya marahil pati ang inaasam-asam na pagtaas sa sweldo ni Rico ay naapektuhan.
“Langya naman itong si boss, matagal na nya sinabi sa akin yun, tapos ngayon ibibitin nya ako. Halos makandakuba kuba ako sa mga pinapatapos nyang trabaho, tapos di naman nya ibibigay yung increase ko”. Pagalit na bulong ni Rico sa kanyang sarili.
Halos tatlong buwan inantay ni Rico ang pangako ng kanyang boss, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi na nya makukuha ang inasam asam na pagtaas sa sahod.
“Ayaw ko na sa kumpanyang ito, maghahanap na lang ako ng iba. Bukas na bukas din makikita nila ang Resignation Letter ko” inis na sambit nya.
Halos namumula sa galit at inis si Rico,palibhasa alam nyang malaking papel ang ginagampanan nya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan kaya ganun na lamang ang kanyang lakas ng loob.
Hindi na rin nagawa pang magtrabaho ni Rico noong mga oras na yun sapagkat napangunahan na sya ng kanyang inis at panlulumo sa natanggap na balita. Agad nyang hinarap ang kanyang computer at sinimulan ang paggawa ng “Resignation Letter”.
Habang ginagawa nya ang sulat, puno ng reklamo at sumbat ang kanyang sulat dala nang kanyang hinanakit dahil sa hindi naibigay na pangako ng kanyang boss. Makalipas ang ilang minuto natapos na nya ang sulat at sinave sa kanyang computer. At kanyang binulong sa sarili
“Bukas ko na lang na lang ito ipi-print at ang “RESIGNATION LETTER ko ang bubungad sa mesa nya”
Agad nyang inaayos ang kanyang gamit at lumabas na ng kanyang opisina. Habang nilalakad nya ang kahabaan ng Ayala Avenue, may lumapit sa kanyang batang palaboy na humihingi ng barya.
“Mama, konting barya lang po, pangkain lang” bigkas ng batang palaboy
Kahit inis na inis si Rico dahil sa balitang nakuha nya kanina, kinuha nya ang konting barya sa kanyang bulsa at ibinigay sa bata. Pagkaraan ay dumiretso na ito sa kanyang paglalakad, subalit hindi nya napigilan ang sarili na lingunin ang bata. Paglingon nya bigla nyang naalala ang anak na maaring kasing edad ng bata. Nahabag si Rico sa bata subalit agad itong napilitan ng inis dahil bigla nyang naalala ang sinabi ng boss nya.
Dumeretso sya sa kanyang paglalakad patungo sa pinakamalapit na station ng MRT. At sa kanyang pagpanhik sa hagdanan ng istasyon, napukaw ang kanyang atensyon ng isang matandang babae na nagbebenta ng sigarilyo, nababanagan sa kanya ang katandaan ng babae, at makikita sa kanyang mukha ang sobrang kahirapan sa buhay. Kahit na matanda at hinang hina na ang babae, nagtatrabaho pa rin sya para mabuhay . Doon di’y naisip ni Rico na dapat sana ay nagpapahinga na lang ito sa bahay. Nilalasap ang sarap ng buhay sa kanyang nalalabing pang mga taon sa mundo. Subalit hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa rin ang matanda para mabuhay. Nahabag muli si Rico sa nakita nya subalit agad nyang inalis ang kanyang atensyon sa matanda sapagkat naisip nyang baka mahuli sya sa pagsakay ng MRT, kaya agad nyang pinagpatuloy ang pagpanhik.
Sa loob ng MRT, luminga linga sya sa labas, nilibang ang sarili sa mga tanawin sa labas. At habang tumatakbo ang tren nakita nya ang isang hilera ng mga tagpi tagping bahay. Isang hilera ng mga iskwater na mistula mga kabuteng nagsisiksikan sa gitna ng maingay at magulong siyudad. Tila naramdaman nya ang kahirapan ng mga taong naninirahan dun. Agad nyang napag-isip isip ang tunay na realidad ng buhay.
Pagdating nya sa bahay, agad syang sinalubong ng kanyang anak na tila sabik na sabik sa kanya. Agad din kinarga ni Rico ang anak. Habang karga karga ang bata, naalala nya ang batang pulubing nanghingi ng barya sa kanya. Naisip din nya na hindi nya hahayaang magkaganun ang kanyang anak. Pipilitin nyang bigyan ng magandang buhay ang kanyang mahal sa buhay.
Habang patuloy na nagninilay nilay si Rico tungkol sa desisyon na gagawin nya, patuloy na lumilitaw sa kanyang alalala ang pagkalabit ng batang pulubi, ang mukha ng matanda sa MRT at larawan ng kahirapan na kanyang natanaw kanina. Nagtatalo rin ang inis at galit nya sa kumpanya, hindi nya talaga alam kung ano ang kanyang gagawin bukas.
Kinabukasan, pagpasok nya sa kanyang opisina agad nyang binuksan ang computer. Sa kanyang pagbukas biglang lumitaw ang RESIGNATION LETTER na ginawa nya kahapon. Agad nyang naisip ang sinabi ng kanyang boss subalit agad din nyang naalala ang pulubi , ang matanda at ang mga iskwater. Di nya alam ang gagawin, pero gusto nya na itong iprint ang sulat at ilagay ito sa mesa ng kanyang boss bago sya pumasok.
Agad nyang pinidot ang “icon” na nasa itaas ng computer at pikit mata itong pinindot, at isang mensahe ang lumabas:
“Are you sure you want to delete this file?”
Doon din ay pinindot nya ang “YES”, at nakahinga sya ng malalim. Nag-isip ng malalim subalit kalauna’y tila nabunutan sya ng malaking tinik sa dibdib.
Napagisip-isip nya na mapalad sya sapagkat di nararanasan ng kanyang pamilya ang magutom , mapalad sya sapagkat nasa magandang kalagayan ang kanyang anak at asawa, at mapalad sya sapagkat mayroon syang trabaho ngayon.
Yumuko si Rico at nagpasalamat sa Dyos sa lahat ng bagay na tinatamasa ngayon at sa lahat ng pinagkaloob sa kanya ng Panginoon. Humingi rin sya ng tawad sa Dyos dahil sa kanyang pagiging mapagmataas at mayabang.
Naunawaan ni Rico na marahil hindi pa panahon. Gagawin pa rin nya ang kanyang makakaya para sa ikakauunlad ng kumpanya. At nalaman nya na marami pala syang dapat ipagpasalamat sa Dyos.Marahil isa lamang itong pagbubukas sa kanyang mga mata, na nabulag ng labis na paghahangad, inis at galit. Ngayon alam nya na mahal na mahal sya ng Dyos.
Alam nyang may magandang plano sa kanya ng Dyos, at handa syang maghintay
Yun lamang po at maraming salamat
Sa Dyos ang Kadakilalan,