Kilala natin si Hudas bilang isang alagad na nagtraydor sa ating Panginoon para lamang sa tatlumpong (30) pirasong pilak. Marahil sa tuwing nakakapanood tayo ng senakulo tuwing Mahal na Araw, si Hudas ang pinakaayaw nating karakter, galit tayo sa kanya sa ginawa nya sa ating Panginoon. Para syang isang kontrabida sa isang teleserye na talagang umaapi sa bida, kaya ganun na lamang ang ating inis at galit kay Hudas.
Noong mga panahon na iyon ang pilak ay isa sa pinakamahalagang o pinakamalaking pera sa kanila. Halos marami ka ng mabibili sa isang pirasong pilak lang, kaya naman madaling naipagpalit ni Hudas ang ating Panginoon dahil sa malaking perang makukuha nyo. Hindi ba madalas din nating nasasabi "PInagpalit ni Hudas ang ating Panginoon para sa 30 pirasong pilak LANG!!" . Tingin natin dahil sa kayamanan nasilaw si Hudas at nagawa nyang traydurin ang ating Panginoon. . Para sa atin itoy napakawalang halagang rason o dahilan para ipagpalit ni Hudas ang ating Panginoon, sapagkat alam nating itoy walang kwenta sa paningin ng Dyos
Subalit naisip ba natin na kung minsan parang nagiging katulad rin natin Hudas. Hindi ba,madalas na ipinagpapalit natin ang Panginoon sa ibang mga bagay. Tila nagagawa natin masilaw sa mga materyal na bagay sa mundo at gawing ikalawa o huli sa ating mga priyoridad ang Dyos.
Ano ang katumbas ng tatlumpong pilak sa panahon natin, ngayon? Ang katumbas ng 30 pilak sa ngayon ay maaaring pera, kapangyarihan, pakikipagsaya, trabaho, bagong cellphone o laptop,at marami pang iba. Ipinagpapalit natin ang Panginoon sa mga bagay na ito at nawawalan tayo ng panahon sa Dyos dahil mas inuuna pa natin ito . Mas lagi nating iniisip ang mga materyal na pangangailangan natin kaysa sa ispiritual na pagkauhaw. Higit na binibigyan natin ng importansya ang mga pisikal na kaginhawahan kaysa sa ating Panginoon. Mas natutuon ang ating atensyon sa mga bagay na makamundo kaysa sa makalangit. At mas priyoridad natin ang mga mahahalagang bagay sa lupa, kaysa sa mga bagay ukol sa Panginoon.
Ngayon isipin natin hindi kaya halos katulad na din natin si Hudas? Hindi ba parang nagawa rin nating ipagpalit ang Dyos sa mga bagay dito sa lupa?
Sana masuri natin ang ating sarili, ako man ay nasilaw din sa mga bagay na hindi naman ganoong kaimportante. Nanghina ang aking pananampalataya dahil sa mga kagustuhan kong hindi natupad at nagawa kong ipagpalit ang Dyos dahil lamang sa mga labis na paghahangad. Subalit mabuti na lang ang nagising na din ako sa aking pagkakamali. Mabuti na lang at may pagkakataon pa akong muling magtiwala sa plano ng Panginoon at sumunod sa kagustuhan nya.
Marahil ang kaibahan lang natin kay Hudas ay hindi na nagawa pang magbago ni Hudas at humingi ng tawad sa ating Panginoon subalit tayo naman ay may pagkakataon pa para magsisisi at muling sumunod sa Dyos. Kaya pa nating baguhin ang mga priyoridad natin sa buhay, at unahin kung ano talaga ang pinakaimportante (iyon ay ang Dyos). Mayroon pa tayong panahon na magbago, marami pa tayong oras at malaki ang pag-ibig ng Dyos sa atin.
Hindi naman inaalis sa atin ng Panginoon ang mga materyal na bagay sa ating buhay, hindi naman nya ito pinagkakait sa atin bagkus tayo ay lalo pang pagpapalain kung patuloy tayong susunod sa Kanya. Ang kagustuhan lang nya ay gawing Syang prioridad sa lahat ng bagay, at huwag nating ipagpalit ang Panginoon para sa mga na nawawala, nauubos at nabubulok. Ang ating Dyos ay mas higit pa sa pera, kayamanan, kapangyarihan at kahit ano pa dito sa mundo. Wala syang katumbas dito sa lupa at maging sa Langit, kaya naman kung nasa atin ang Panginoon tyak nasa atin na rin ang lahat.
Kaya ngayon tanungin natin muli ang ating mga sarili: may munting hudas ba sa ating mga sarili?
Iyon lamang po at maraming salamat
Sa Dyos ang Kadakilaan,