Sabado, Abril 17, 2010

Ang Krus ni Melissa

May mabigat ba tayong pagsubok sa buhay na tila nahihirapan tayong solusyunan? Madalas din bang sumusuko tayo sa buhay dahil sa mga pagsubok na ito?

Kaibigan sana makatulong sa inyo ang kwentong ito

...........................................ANG KRUS NI MELISSA ..................................................


Si Melissa ay isang maganda, mabait, matalinong dalaga .Halos lahat ng tao sa kanyang paligid ay kinaiingitan sya dahil sa kanyang magagandang katangian. Si Melissa din ay isang mabuting tagasunod ng Panginoon, relihiyosa at may malaking takot sa Dyos. Lubos ang kanyang pananampalata at pananalig sa Dyos. Hindi nya nakakaligtaang magdasal ng rosaryo araw araw. Palagi rin syang dumaan sa simbahan para magsimba at manalangin. Makikita mong kumikilos sa kanyang buhay ang Panginoon . Alam mong mahal na mahal nya ang Panginoon.


Halos perpekto na si Melissa sa kanyang buhay. Subalit tila may isang mabigat na pagsubok ang kanyang mararanasan na susubok sa katatagan ni Melissa.


Isang araw,habang sya ay nag-aayos ng kanyang sarili, may napansin syang mga bukol at sugat na biglang sumulpot sa kanyang braso . Kinibit-balikat lamang nya ito noong una dahil pakiwari nya ay isa lamang itong simpleng gasgas at bukol na maghihilom din sa mga susunod na mga araw. Subalit sa pagdaan ng mga araw hindi gumaling ang kanyang sugat bagkus dumami pa ito at kumalat din ang mga bukol sa buo nyang katawan.


Natakot na sya sa kanyang mga nararanasan kaya dali dali syang pumunta sa ospital at nagpakunsulta. Noon din ay nagsagawa ng ilang pagsusuri ang mga duktor sa kanyang mga bukol at sugat nasa kanyang katawan. Sinabihan syang bumalik sa ospital para sa resulta ng mga eksaminasyon.


Makalipas angilang araw bumalik si Melissa sa ospital upang malaman ang resulta .Kinakabahan sya sa sasabihin ng kanyang duktor at dumadagundong ang kanyang puso sa takot at kaba


“Doc , ano po ba ang sakit ko?” tanong ni Melissa sa duktor

“Iha, kailan mo pa ito naranasanan” tugong ng duktor


“Nung isang buwan pa po doc, bakit po ba” sagot nya na may halong kaba at takot.


“Kinalulungkot ko iha, pero ang sugat at bukol mo sa katawan ay hindi simple” ani ng Duktor

“Doc bakit po ba ano po ba ang sakit ko” gitla nyan gtanong


“Kinalulungkot ko iha pero ,ikaw ay may LEPROSY”


Sa pagkakasabing ito ng kanyang duktor, tila may isang malakas na dagundong ang kanyang narinig mula sa kawalan. Tila gumuho ang kanyang mundo. Nagulat sya sa kanyang natuklasan, at dumaloy ang luha sa kanyang mga mata. Bigla syang nanghina sa kanyang natuklasan, at tila naglaho ng kanyang mga pangarap sa buhay.


Kumalat sa buong opisina ang kanyang naging sakit. Lahat sila ay pawang nandidiri sa kanya, walang nais makipag-usapa sa kanya. Walang sinuman ang nais na lumapit sa kanya. Ang lahat ng kanyang mga kaibigan sa kumpanya ay nandiri rin sa kalagayan nya. Nawala na ang mga taong humahanga sa kanya bagkus napalitan ito ng pandidiri at awa sa kanyang.

Kaya noong ding araw na iyon ay nagbitiw na sya sa trabaho at hindi na nagpakitang muli sa kanila. Muli mga patak ng luha ang naging karamay nya sa kanyang kalagayan. Impit na iyak ang kanyang nasambit sa kanila.

Batid nya na may may nakakahawangsyang sakit . Kaya bagamat alam nyang mahal na mahal sya ng kanyang pamilya, mas pinili nyang pumunta sa isang instutusyon para sa mga may sakit na ketong at duon na lang magpagaling.


Hindi nawalan ng pag-asa si Melissa, lalo pang lumakas ang kanyang pananampalataya sa Panginoon. Batid nyang hindi sya pababayaan nito. Bagama’t kung minsan ay naitatanong nya sa Panginoon kung bakit sa kanya pa binigay ang mabigat na pagsubok na ito, subalit naniniwala din sya na may dahilan ang lahat. At alam nyang tutulungan sya ng Panginoon para malampasan ito.
Sa pagdaan ng mga buwan , tila nauupos na kandila ang mga bahagi ng katawan ni Melissa. Isa-isa itong nauupod dahil sa kanyang sakit. Ang kanyang mga magagandang kamay ay nawala na rin. Ang makinis nyang balat ay napalitan rin ng mga sugat at mga peklat. Hindi na sya ang dating Melissa na maganda at kinaiingitan ng lahat.


Umiiyak sa sakit si Melissa subalit malakas pa rin ang kanyang pananampalataya. Hindi sya nawalan ng pag-asa na isang araw ay gagaling sya. Hindi rin sya nawalan ng pananalig sa Dyos. Alam nyang nandyan ang Panginoon para tulungan syang mapagtagumpayan ang pagsubok na ito.


Sa pagdaan ng mga araw, nanatiling positibo si Melissa, madalas syang nagbabasa ng bibliya at sumasali sa mga gawaing pansimbahan sa loob ng instutusyon. Tinanggap nya ng buong buo ang kanyang sakit at tinanggap nya sa kanyang puso ang krus na binigay sa kanya ng Panginoon. Mas lalo pang lumakas ang kanyang pananamapalataya sa Dyos at mas pinag-ibayo pa nya ang kanyang pagmamahal sa Panginoon.


Makalipas ang ilang taon, tuluyang ng gumaling si Melissa sa kanyang sakit. Bagamat wala na syang mga kamay dahil sa kanyang sakit at ang kanyang mga sugat ay tuluyan ng gumaling, nagpatuloy pa rin sya sa pagsisilbi sa Panginoon. Kanyang binabahagi sa iba ang kanyang mga karanasan at kung paano nya napagtagumpayan ang pasgsubok na ito kasama ng Panginoon. Kahit paano’y nagdudulot ito ng inspirasyo at pag-asa sa kapwa nya may sakit na ketong. Sa maliit nyang paraan na ito, naipapakita nya sa ibang tao ang kadakilaan ng Panginoon sa kanyang buhay.


Bagamat madalas pa ring makaranas ng pandidiri si Melissa mula sa mga taong nakakasalamuha nya. At madalas pa rin syang makaranas ng mga pangungutya sa ibang tao dahil sa kanyang hitsura.Nanatili pa ring matatag si Melissa na suungin ang laban sa buhay. Hndi na lamang nya ito pinapansin at pinasa Dyos na lang ang lahat.


Alam nyang kasama nya ang Panginoon sa lahat ng hamon at pagsubok na darating sa kanyang buhay.Kung nalampasan nya ang mabigat na pagsubok na ito, positibo syang malalampasan din nya ang lahat ng unos at problema sa buhay kung patuloy syang mananalig at mananampalataya sa Dyos.


Sa ngayon, masayang masaya na si Melissa sa kanyang buhay. Nakatagpo rin sya ng isang mabuting asawa sa katauhan ni Ernesto na tumanggap ng buong buo sa kanyang pagkatao at sa kanyang kalagayan. May dalawang syang anak na si Joshua at Joana Marie, na pawang mga bibo at mabait na mga bata. Alam ni Melissa na ito’y kaloob ng Panginoon sa kanya, dahil hindi sya bumitaw sa kanyang pananampalataya. Marahil isa ito sa mga biyayang pinagkaloob sa kanya ng Panginoon. At masayang masaya sya sa lahat ng kanyang mga natatanggap sa kanyang buhay at kayang binabalik nya ang lahat ng papuri at pasasalamat sa Dyos.


Alam nyang ang krus na kanyang niyakap noo ay ang mismong daan patungo sa ating Panginoon.
_____________________________


Bawat tao ay may kanya kanyang krus na pinapasan sa kanyang buhay. Subalit iilan lamang ang yumayakap dito. Marami sa atin ang sumsuko sa pagpasan ng krus na ito. Kung sa sariling lakas lamang tayo aasa, kahit gaano pa kagaan ang krus na ito, ito ay bigla din bibigat sa pagdaan ng panahon. Ang Panginoon ang tutulong sa atin kung hahayaan natin Syang tulungan tayo.
Sabi nga ng ating Panginoon “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus at sumunod sa akin” (Mateo 16:24)


Ang lahat ng paghihirap sa buhay ay may kaakibat na gantimpala mula sa Panginoon. Kung hindi man sa mundo ito natin makukuha ang gatimpalang sinasabi ng Panginoon. Malamang ang gantimpalang ito ay ang buhay na walang hanggan kasama Nya.


Sa mga taong nangungutya at nandidiri sa kalagayan ni Melissa, hindi hamak na mas kaawa-awa sila. Sapagkat tulad ni Melissa sila ay may sakit din ketong, na hindi pa gumagaling . Hindi man sa pisikal ngunit sa kanilang kaluluwa. Patuloy na inuupos ang kanilang mga kaluluwa dahil sa mga panghuhusgang ginagawa nila sa kanilang kapwa. Marahil bahala na ang Panginoon sa kanila. Ang maaari lamang nating gawin ay ipanalangin na lang natin sila at sana’y gumaling na sila sa kanilang sakit sa kaluluwa.


Kaibigan iiwanan ko sa inyo ang mga Mensahe ng Panginoon sa inyo:


Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok. (1 Corinto 10:13)


Kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha, pumarito kayo sa akin at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin sapagkat ako ay maamo at mababang-loob. At masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. 30Ito ay sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.(Mateo 11:28-30)


Iyon lamang po at sa Dyos ang Kadakilaan.

Martes, Setyembre 8, 2009

Araw ni Maria




Marami ang nagtatanong, bakit tayong mga Katoliko ganun na lamang ang binibigay natin importansya o pagpapahalaga sa ating Mahal na Ina? Ang iba sinasabing ginagawa na rin natin syang Dyos dahil sa sobrang debosyon natin kay Maria. Pero ano nga ba ang naging papel ni Maria, at bakit ganun na lang ang binibigay natin atensyon sa kanya.


Si Maria bilang tagasunod ng Dyos.



Marahil kung hindi tinanggap ni Maria ang malaking tungkulin na ito, maaring magbago ang kasaysayan. Tandaan natin na nung pinabubuntis pa lamang ni Sta. Ana ang kanyang anak na si Maria ay nilinis na ito sa kasalanang mana (o original sin).Nilinis sya ng Dyos upang maging karapat dapat na maging Ina ng ating Panginoon.Iisipin nyo na lang kung sakaling di ito tinanggap ni Maria, mangyayari kaya ang kaligtasan. (Tandaan na hindi hawak ng Dyos ang desisyon ng tao). Maaring kung hindi tinanggap ito ni Maria, tyak magbabago ang lahat, magbabago ang plano ng Dyos para sa atin.



Si Maria bilang isang Ina ng ating Panginoon.



Pinakita ni Maria na hindi lamang sya sumusunod sa kagustuhan ng Dyos kundi pinakita nya na talagang mahal na mahal nya ang ating Panginoon. Sobra sobra ang kanyang pag-aalala nung nawala ang batang si Hesus ng tatlong araw. At labis ang kanyang kagalakan nung matagpuan nya si Hesus sa Templo. Lagi syang nasa tabi ng ating Panginoon lalong lalo na sa panahong nagdurusa ang ating Panginoon. Doble ang hirap sa loob ng ating Mahal na Ina na ang kanyang pinakamamahal na Anak, ay sinasaktan, inaalipusta at pinahihirapan. Ramdam nya ang pait at sakit, at lalong ramdam nya ang paghihirap ng kanyang Anak. Isipin nyo na lang ang hirap ng loob ng ating Mahal na Ina na nakitang namatay ang kanyang Anak sa Krus. Kaya sabi ng ating Panginoon, ang sinumang nakiisa sa aking paghihirap ay makakuha ng gantimpala sa Langit.At sino ang nakiisa sa paghihirap ng ating Panginoon, walang iba kundi si Maria.



Si Maria bilang isa ring tagasunod ng kanyang Anak


Hindi nya pinigilan ang kanyang Anak sa kanyang Misyon, bagkus kanya pa itong sinuportahan. Hindi nya pinagkait sa atin na matupad ang pagliligtas. Lahat ng katuruan ngating Panginoon ay kanya rin sinusunod. Kaya ring isinabuhay ang lahat ng katuruan ng kanyang anak, dahil nanampalataya sya na ang kanyang Anak ay Dyos na nagkatawang tao.


Si Maria bilang Reyna ng langit at lupa.


Dahil sa sobrang pagmamahal ng ating Panginoon sa kanyang Ina, sya ang tumutulong sa atin na mapalapit sa ating Panginoon. Sa pamamagitan nya dinadala nya tayo sa kanyang Anak na si Hesus. Sya pa mismo ang nakikipag-usap sa atin na talagang talikdan at pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at sumunod sa ating Panginoon. Nandyan ang Mahal na Ina na handang tumulong na mapakinggan ng Dyos ang ating kahilingan at karaingan, na minsan ay hindi marinig ng Dyos sapagkat tayo ay natatakpan ng ating mga Kasalanan.


Malaki ang naging papel ng Mahal na Ina sa pagliligtas. Bilang Katoliko hindi natin syang itinuturing na Dyos kundi ang binibigay natin ay mataas na respeto at pagmamahal, sapagkat sya ang tumutulong sa atin na lalong mapalapit sa Dyos. Sya ay naging mabuting tagasunod ng Dyos at naging Ina ng ating Panginoon. Ganun na lamang ang pagmamahal n gating Panginoon sa kanyang Ina, kaya't marapat lang din na mahalin natin sya. Sya ang Ina ng laging saklolo at Ina ng mga mahihirap at aba.


Gawin sana nating inspirasyon si Maria, lumapit tayo sa kanya. Magdasal tayo ng Rosaryo araw araw. Gawin natin syang tagamagitan sa atin at sa ating Panginoon. Mahalin natin sya at batiin natin ang ating pinakamamahal na Ina ".

Sa Dyos ang Kadakilaan

Sabado, Abril 4, 2009

HOOOOLLIII WIIIKKKK

Lunes Santo na pala bukas at Linggo ng Palaspas ngayon. Ito na ang simula ng Semana Santa. Noong bata pa ako ito na siguro ang pinaka-ayaw kong linggo sa loob ng isang taon. Kasi bukod sa boring at walang kabuhay buhay ang buong linggo mo, wala ka pang mapapanood sa TV kundi mga “COLOR BAR” lang at ang nakakabinging tunog na tooooooooooooooooooooottttttt. Kaya wala akong magawa kundi tiisin ang pinakamahabang linggo para sa akin.

Pero ika nga, hindi pa rin mawawala sa ating mga Pilipino ang tradisyong nakasanayan natin noon pa, at heto ang mga ilan:

ARAW NG PALASPAS ( Palm Sunday)

Ngayon ay Araw ng Palaspas, at tyak punong puno na naman ang simbahan kasi napupuno lang naman ang simbahan tuwing unang gabi ng simbang gabi at unang araw ng Mahal na Araw (at syempre tuwing bertdey lang). Minsan ginagawa na lang negosyo ang araw na ito , kasi tyak tiba tiba sila sa kita. Para sa ibang nating mga kababayan ang Araw ng Palaspas ay isang contest ng pagandahan at palakihan ng palaspas para syempre pasikat. Kaya naman kahit magkandasundot sundot at magkandabulag bulag ka na ng katabi mo dahil sa dahon ng niyog , eh wala pa rin silang pakialam sa iyo kaya pasensyahan na lang.

Minsan naman akala ng iba ang palaspas ay isang agimat o pampaswerte, kaya pagtinanong mo kung para saan ang palaspas na pinabedisyunan ng pari sasabihin nila “ ilalagay sa may pinto para tuloy tuloy ang swerte” (nice ginawang feng shui). Minsan naman iniipit sa bibliya kasama ng ticket sa lotto, o kaya naman para daw umiwas ang mga aswang at maligno (kay tanda tanda na naniniwala pa sa mga ganun) Kaya ibang klase tayong mga Pilipino pinagsasama ang mga paniniwalang Budismo at Kristyanismo (onli inda pilipns) at pinagsasama rin ang tradisyon at para maki-IN lang (YOH!MEN!)

Paalala: Ang Araw ng Palaspas ay paggunita natin sa isang senaryo sa bibliya na kung saan sinalubong ng mga tao si Jesus noong ito’y pumasok sa Jerusalem. Kinuha nila ang dahon ng puno ng olibo bilang tanda ng pagsalubong at pagbibigay galang sa hari ng mga hudyo. Ito ay tanda na magsisimula na ang paghihirap at pagliligtas sa atin ng Panginoon.

PASYONG MAHAL

Syempre, hindi mawawala yan sa kultura nating mga Pilipino. Kumbaga hindi kumpleto ang Mahal na Araw kung walang nito. Kaya pagtilaok palang ng manok ay nagkokonsyerto na ang mga matatanda sa pagbasa at pagkanta ng Pasyon. Yan ang manggigising sa iyo sa umaga, daig pa ang alarm clock sa tinis ng boses na parang palangganang nag-uumpagan sa lakas. Bukod pa sa halos mapatid patid na litid ng mga kumanta, akala ata nila libreng videoke yun. Isa pa, hindi halata ang pagiging sintunado at wala sa tono sa Pasyon, kaya hayun halos isinigaw na sa mic ang Pasyon.

Pero napapansin ko nitong mga nakaraang mga taon parang nag-iimbento ang mga kabataan ngayon ng mga bagong ritmo at himig, kumbaga may ibat ibang version ang PABASA ngayon. Minsan ginagawang RAP ang pasyon (may beatbox pa), minsan rock at ballad o di kaya yung mga pausong mga kanta ngayon. Kaya naman baka magulat ka na lang na isang araw bumabasa ng pasyon ang mga matatanda sa saliw ng tugtog ng UMBRELLA. (eh la eh la eh eh ander may ambrela eh eh eh ng si Hudas ay nadulas……)

Paalala: Ang pabasa ay mula sa bibliya, ito ay mga pinagsama-samang mga mahahalagang pangyayaring naganap sa buhay ng ating Panginoon. Mula sa paglikha ng tao hanggang sa pagliligtas sa atin ng Panginoon. Sinasabing hindi ito nagmula sa mga Kastila, subalit dala ng pagiging mahilig sa pagkanta ng mga Pilipino kaya nabuo ang Pasyon. At mapasahanggang ngayon ay ginagawa pa rin natin ito tuwing Semana Santa

SENAKULO

Ito na siguro ang linggo, na kung saan may mga dramatisasyon ng paghihirap ng ating Panginoon. Kaya naman nagsulputan ang mga senakulo sa aling mang baranggay sa Pilipinas. Pero minsan yung mga ibang tao nanonood na nga ay nagmimiron pa, minsan may maririnig ka pang “ Ay ang pangit pangit naman ni Ponsyo Pilato”, o di kaya “Naku doon na lang tayo sa ibang baranggay, balita ko artista ang mga casts dun”. Eh akala ata nila ay pagwapuhan o pagandahan ng mga aktor at aktres doon, saka isa pa mag-iiba ba ang kwento nito kung artista ang gumanap?(hehehe, malay natin wala sa cast nila si Hudas)

Minsan naman apekted na apekted ang ilan kasi halos isumpa nila at pagbabatuhin ng bote ng mineral water si Hudas sa entablado (kawawa naman), kaya naman inuulan ng death threats si Hudas sa mga manonood. Hindi nila alam na sa totoong buhay ng ating Panginoon ay tayo ang dahilan ng paghihirap nya kaya parang naging mga Hudas din tayo minsan.

Paalala: Ang senakulo ay pinakilala sa atin ng mga kastila.At dahil wala pang telebisyon noon, ito ang naging paraan nila para isalarawan ang paghihirap ng ating Panginoon para sa kaligtasan natin. Subalit ngayon mga nakaraang mga taon tila nagiging komersyo ang mga ito at nawawala na ang tunay na kahulugan ng SENAKULO.

PENITENSYA

May kanya kanya ring mga pasikat ang ating mga kababayan. Nandyang paglakad na may pasan na krus, hahampasin ang sarili ng lubid at ang pinakamatindi ay magpapako pa sa krus. Pero makalipas ang Mahal na Araw yung mga taong din yung ang makikita mo sa Tindahan nila Aling Nena na laging na lasing tuwing gabi o di kaya labas masok sa munti. Parang silang gamot na may expiration din, at tumatagal na lang sa loob ng isang linggo.

Meron atraksyon sa Pampanga tuwing Biyernes Santo, meron kasing nagpapapako doon sa paa’t kamay. Kaya naman para tuloy nagiging perya ang nangyayari, kasi habang pinapako yung lalaki, makikita mo sa tabi may kumakain ng chiz curls, umiinom ng samalamig, tumutusok ng fisball at higit sa lahat may piktyur teyking pa. Ginawang sine at Star City ang lugar na yun.

Paalala: Hindi ine-encourage ng Simbahang Katolika ang ganitong mga gawain, sapagkat ang tunay na pagsisisi at pagtitika ay makikita kung paano mo iwaksi o iaalis ang mga kasalanan sa ating mga buhay. At ang pagpapatawad mula sa Dyos ay makakamtan lamang kung itoy naggagaling sa ating mga puso. Tandaan natin na nagpakahirap na at namatay sa krus ang ating Panginoon para sa atin kaya di na natin kailangan gayahin pa ito. Wala sa dami ng sugat iyon kundi nasa taimtim na pagsisisi at paghingi ng tawad sa Panginoon

FASTING O PAG-AAYUNO

Ito na rin ang mukambibig ng lahat ng tao. Sasabihin nila “Ay naku wag kang kumain ng baboy ngayon kasi Mahal na araw” o di kaya “Bawal kumain ng karne kasi fasting ka”. Pero kamulat mulatan mo ay ubod sa lalaking mga sugpo, alimango, isda, talaba at kung ano ano pa ang nakahain sa mesa (basta hindi karne) at di lang yun may halo halo pa bilang dessert .May mga pinya, papaya at pakwan pa, ibang klase parang pyesta lang ah. At dahil walang mapaglibangan ang tao, pagkain ang kanilang napagdidiskitahan at dahil Mahal na Araw ang alam lang nila ay “BAWAL ANG KARNE” yun lang, pero bumawi naman sa seafoods at prutas. Wow PICNIC!!!

Paalala: Ang fasting o pag-aayuno ay isang mabisang paraan ng ating pakikiisa sa ating Panginoon. Pagpapatunay lamang na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao. Tandaan din na hindi lamang sa pagkain ang pagaayuno, maari ring pagsasakripisyo ng isang bagay na kalimitan mong ginagawa para sa Dyos. Subalit ang lahat ng pag-aayuno ay laging lakipan ito ng dasal o panalangin

Gawin sana nating makabuluhan ang linggo na ito. Magsisisi at magtika tayo sa ating mga kasalanan. Alalahanin natin ang paghihirap, sakripisyo at labis na pag-ibig ng Dyos para sa atin. Hindi naman natin kailangan isagawa o gawin ang mga nakagawian o tradisyong nabanggit nasa itaas, ang kailangan lang natin ay isuko natin ang buhay natin sa Dyos at talikdan ang ating mga kasalanan

Alalahanin natin sana ang bawat hampas, sugat at hapdi na naranasan ng Panginoon, pagpapatunay lamang na Mahal na mahal tayo ng Dyos. Ang pagsisisi o pagtitika ay hindi tuwing Semana Santa lang, ang pag-aalala sa sakripisyo ng Panginoo nay hindi isang linggo lang. Gawin natin itong araw araw, para mas maramdaman natin ang pagmamahal at pagpapahalaga na ibinigay sa ating ng Dyos.

Iyon lamang po at maraming salamat.

Sa Dyos ang Kadakilaan

Sabado, Marso 21, 2009

Ang Resignation Letter ni Rico

Madalas ba tayong naiinis sa ating trabaho dahil sa mabibigat na tungkuling nakaatang sa atin? Naiisip na ba nating sumuko at magbitiw sa ating trabaho dahil hindi napagbigyan ang ating kahilingan at naisin? Kaibigan sana makatulong ang kwento ni Rico

ANG RESIGNATION LETTER NI RICO





“Sorry pero hindi ko maibibigay ang taas ng sahod mo”


“Pero sir, ipangako nyo na sa akin noon” sagot ni Rico
“Gusto ko man Rico na bigyan kita ng increase pero naapektuhan tayo ng Global Crisis ngayon” tugon ng kanyang boss.

Biglang nalumo si Rico ng marinig niya ang sinabi ng kanyang boss, pakiwari nya nawalang saysay ang lahat ng kanyang pagsisikap at pagpapakitang gilas. Kasalukuyang kasing naapektuhan ng pandaigdigang krisis ang kanilang kumpanya, kaya marahil pati ang inaasam-asam na pagtaas sa sweldo ni Rico ay naapektuhan.

“Langya naman itong si boss, matagal na nya sinabi sa akin yun, tapos ngayon ibibitin nya ako. Halos makandakuba kuba ako sa mga pinapatapos nyang trabaho, tapos di naman nya ibibigay yung increase ko”. Pagalit na bulong ni Rico sa kanyang sarili.

Halos tatlong buwan inantay ni Rico ang pangako ng kanyang boss, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi na nya makukuha ang inasam asam na pagtaas sa sahod.

“Ayaw ko na sa kumpanyang ito, maghahanap na lang ako ng iba. Bukas na bukas din makikita nila ang Resignation Letter ko” inis na sambit nya.

Halos namumula sa galit at inis si Rico,palibhasa alam nyang malaking papel ang ginagampanan nya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan kaya ganun na lamang ang kanyang lakas ng loob.
Hindi na rin nagawa pang magtrabaho ni Rico noong mga oras na yun sapagkat napangunahan na sya ng kanyang inis at panlulumo sa natanggap na balita. Agad nyang hinarap ang kanyang computer at sinimulan ang paggawa ng “Resignation Letter”.

Habang ginagawa nya ang sulat, puno ng reklamo at sumbat ang kanyang sulat dala nang kanyang hinanakit dahil sa hindi naibigay na pangako ng kanyang boss. Makalipas ang ilang minuto natapos na nya ang sulat at sinave sa kanyang computer. At kanyang binulong sa sarili

“Bukas ko na lang na lang ito ipi-print at ang “RESIGNATION LETTER ko ang bubungad sa mesa nya”

Agad nyang inaayos ang kanyang gamit at lumabas na ng kanyang opisina. Habang nilalakad nya ang kahabaan ng Ayala Avenue, may lumapit sa kanyang batang palaboy na humihingi ng barya.
“Mama, konting barya lang po, pangkain lang” bigkas ng batang palaboy

Kahit inis na inis si Rico dahil sa balitang nakuha nya kanina, kinuha nya ang konting barya sa kanyang bulsa at ibinigay sa bata. Pagkaraan ay dumiretso na ito sa kanyang paglalakad, subalit hindi nya napigilan ang sarili na lingunin ang bata. Paglingon nya bigla nyang naalala ang anak na maaring kasing edad ng bata. Nahabag si Rico sa bata subalit agad itong napilitan ng inis dahil bigla nyang naalala ang sinabi ng boss nya.

Dumeretso sya sa kanyang paglalakad patungo sa pinakamalapit na station ng MRT. At sa kanyang pagpanhik sa hagdanan ng istasyon, napukaw ang kanyang atensyon ng isang matandang babae na nagbebenta ng sigarilyo, nababanagan sa kanya ang katandaan ng babae, at makikita sa kanyang mukha ang sobrang kahirapan sa buhay. Kahit na matanda at hinang hina na ang babae, nagtatrabaho pa rin sya para mabuhay . Doon di’y naisip ni Rico na dapat sana ay nagpapahinga na lang ito sa bahay. Nilalasap ang sarap ng buhay sa kanyang nalalabing pang mga taon sa mundo. Subalit hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa rin ang matanda para mabuhay. Nahabag muli si Rico sa nakita nya subalit agad nyang inalis ang kanyang atensyon sa matanda sapagkat naisip nyang baka mahuli sya sa pagsakay ng MRT, kaya agad nyang pinagpatuloy ang pagpanhik.

Sa loob ng MRT, luminga linga sya sa labas, nilibang ang sarili sa mga tanawin sa labas. At habang tumatakbo ang tren nakita nya ang isang hilera ng mga tagpi tagping bahay. Isang hilera ng mga iskwater na mistula mga kabuteng nagsisiksikan sa gitna ng maingay at magulong siyudad. Tila naramdaman nya ang kahirapan ng mga taong naninirahan dun. Agad nyang napag-isip isip ang tunay na realidad ng buhay.

Pagdating nya sa bahay, agad syang sinalubong ng kanyang anak na tila sabik na sabik sa kanya. Agad din kinarga ni Rico ang anak. Habang karga karga ang bata, naalala nya ang batang pulubing nanghingi ng barya sa kanya. Naisip din nya na hindi nya hahayaang magkaganun ang kanyang anak. Pipilitin nyang bigyan ng magandang buhay ang kanyang mahal sa buhay.

Habang patuloy na nagninilay nilay si Rico tungkol sa desisyon na gagawin nya, patuloy na lumilitaw sa kanyang alalala ang pagkalabit ng batang pulubi, ang mukha ng matanda sa MRT at larawan ng kahirapan na kanyang natanaw kanina. Nagtatalo rin ang inis at galit nya sa kumpanya, hindi nya talaga alam kung ano ang kanyang gagawin bukas.

Kinabukasan, pagpasok nya sa kanyang opisina agad nyang binuksan ang computer. Sa kanyang pagbukas biglang lumitaw ang RESIGNATION LETTER na ginawa nya kahapon. Agad nyang naisip ang sinabi ng kanyang boss subalit agad din nyang naalala ang pulubi , ang matanda at ang mga iskwater. Di nya alam ang gagawin, pero gusto nya na itong iprint ang sulat at ilagay ito sa mesa ng kanyang boss bago sya pumasok.

Agad nyang pinidot ang “icon” na nasa itaas ng computer at pikit mata itong pinindot, at isang mensahe ang lumabas:

“Are you sure you want to delete this file?”

Doon din ay pinindot nya ang “YES”, at nakahinga sya ng malalim. Nag-isip ng malalim subalit kalauna’y tila nabunutan sya ng malaking tinik sa dibdib.

Napagisip-isip nya na mapalad sya sapagkat di nararanasan ng kanyang pamilya ang magutom , mapalad sya sapagkat nasa magandang kalagayan ang kanyang anak at asawa, at mapalad sya sapagkat mayroon syang trabaho ngayon.

Yumuko si Rico at nagpasalamat sa Dyos sa lahat ng bagay na tinatamasa ngayon at sa lahat ng pinagkaloob sa kanya ng Panginoon. Humingi rin sya ng tawad sa Dyos dahil sa kanyang pagiging mapagmataas at mayabang.

Naunawaan ni Rico na marahil hindi pa panahon. Gagawin pa rin nya ang kanyang makakaya para sa ikakauunlad ng kumpanya. At nalaman nya na marami pala syang dapat ipagpasalamat sa Dyos.Marahil isa lamang itong pagbubukas sa kanyang mga mata, na nabulag ng labis na paghahangad, inis at galit. Ngayon alam nya na mahal na mahal sya ng Dyos.

Alam nyang may magandang plano sa kanya ng Dyos, at handa syang maghintay

Yun lamang po at maraming salamat

Sa Dyos ang Kadakilalan,

Linggo, Pebrero 22, 2009

Ang Bulong Kay Tonio

Dumating ba sa atin ang pagkakataon na sinubok ng Dyos ang ating pananampalataya sa mga simpleng mga bagay. Nangyari na ba sa atin ang tumugon o tumanggi tayo sa mga taong nangangailangan. Mga kaibigan nawa makatulong sa atin ang kwento na ito:



ANG BULONG KAY TONIO



Madalas magsimba tuwing Miyerkules si Tonio sa Quiapo. Pagkatapos nyang pumasok sa pinagtatrabahuhang Restaurant bilang Janitor, hindi nya nakakalimutang manalangin para magpasalamat at para na ring humingi ng biyaya mula sa Dyos. Kulang na kulang kasi ang kanyang kinikita para buhayin ang 2 nyang anak at asawa.

Tuwing nanalangin si Tonio sa Panginoon, pakiwari nya ay nakikipag-usap sya sa isang kaibigan.

“Lord, medyo tagilid ako ngayon eh.Kakasweldo ko palang kanina, pero halos naubos na rin yung sinweldo ko sa mga pinagkakautangan ko,. Lord pwede bang tulungan nyo naman ako dito. Medyo hirap na rin kasi si Misis kabubudget at medyo malakas na rin kumain yung dalawang chikiting ko” biro ni Tonio

Habang nasa kalagitnaan ng panalangin si Tonio, biglang may kumalabit sa likod nya.

“Kuya, pwede po bang makahingi lang po ng konting barya, sige na po gutom na gutom na po kasi kami ng kapatid ko” sabi ng bata

“Ha! eh naku Nene, wala rin nga akong pera eh”. Tugon ni Tonio

“Kuya sige na po parang awa nyo na”pagmamakaawa ng bata

Sa hitsura ng batang babae ay mukha talagang itong gutom na gutom, bukod sa payat at nanlilimahid, ang nanamlay na mukha ang tila nangungusap sa kanya.

“eh naku nene, wala talaga eh”

“Sige na po kuya, sige na po” pilit ng bata

Tila hindi na mapilit ng bata si Tonio, pero tila may biglang bumulong sa tenga niTonio. Tila binulungan sila ng Panginoon

“Tonio, ibigay mo na yung barya sa bulsa mo, tulungan mo sila para makakain na ang mga bata” tinig na bumulong sa kanyang tenga.

“Pero Lord, pamasahe ko yun eh” pabulong din nyang tugon

“Ibigay mo na Tonio, ibigay mo na sa kanila”. Malumanay na bulong kay Tonio

Dinukot ni Tonio ang barya sa kanyang bulsa at sinamahan ang mga bata para bumili ng lugaw sa tapat ng simbahan. Tila, nabuhayan ang mukha ng mga bata, halos sunod sunod ang subo nila dahil na rin sa labis na kagutuman. At makatapos kainin ang lugaw, lumapit ang batang babae kay Tonio para magpasalamat. Sa pagkakataong iyon ibang kasayahan ang naramdaman ni Tonio sa kanyang sarili, iba ang ligayang naidulot ng ngiti mula sa mga labi ng bata. Kalauna’y umalis na rin sya at pinagpatuloy ang paglalakad

Habang naglalakad si Tonio, biglang may umagaw sa kanyang atensyon. Isang matandang lalaki, ang hinang hina na at tila nahihirapang huminga. Nakahawak sa pader ang matanda para hindi mabuwal, at makikita sa kanyang manipis na katawan ang naramdaman nitong sakit. Agad nyang nilapitan ang matanda.

Tatang, okay lang po kayo? Tanong ni Tonio

“Ihooooo, pwede mo ba akong ibili ng gamot” paunti-unti sabi ng matanda

“Ah sige po, ano po ba ang gamot nyo?”

“Kuninnn mo puting papel sa wallet ko, iyun ang gamotttttt ko” hirap na sabi ng matanda

Agad kinuha ni Tonio ang wallet ng matanda, subalit nung tinitingnan niya ito wala syang nakitang pera kundi ang puting papel na may nakasulat na pangalan ng gamot. Bagama’t medyo nagdalawang isip si Tonio, agad syang pumunta sa pinakamalapit na botika.

“Miss, pabili nga po ng gamot na ito at pakidalian lang po please” pakiusap nya sa tinder

Agad binigay ng tindera ang gamot, subalit ng sinabi na ng tindera ang presyo ng gamot. Halos namutla si Tonio,

“Lord, ang tagal ko ng iniipit ito sa wallet ko, wala na akong pera. Di nyo naman ako binigyan kahit pisong sukli Lord, talagang sakto talaga, Lord paano ang gagawin ko” bulong ni Tonio
Biglang may tinig na bumulong muli kay Tonio “Bilhin mo na ang gamot Tonio, may nag-iintay ng tulong mo”

Agad binigay ni Tonio ang huli at pinakaiipit na pera para bayaran ang gamot at nagmadaling pinuntahan ang matanda. Pagkatapos ibigay ni Tonio ang gamot, tila nakaramdaman ng kaginhawahan ang matanda. Muling nanumbalik ang kulay sa mukha ng matanda, pagkaraay agad hinawakan ng matanda si Tonio at nagsabi “Maraming salamat sa iyo, Iho. Pagpalain ka nawa ng Panginoon”.

“Walang anuman po Tatang, kaya nyo na po bang umuwing mag-isa?”tanong nya

“Oo iho, kaya ko na dyan lang naman ang bahay ko”

“Sige po mauna na po”

“Salamat uli iho” tugon ng matanda

Agad lumakad si Tonio, kailangan na nyang makauwi sa bahay dahil mag-alas syete na rin ng gabi. Maglalakad pa sya ng mga 2 kilometro papunta sa kanyang bahay sapagkat naibigay na nya sa batang babae ang kanyang pamasahe. Habang naglalakad ay nag-iisip isip din sya kung paano makakapag-uuwi ng pagkain para sa kanyang mag-iina. Naibigay na nya sa matanda ang lahat ng perang natitira, kaya naman nag-aala na ng husto si Tonio. Muli biniro nya si Lord

“Lord paano na yan?ano ang iuuwi ko sa amin, eh ako nga itong nanghihingi sa iyo kanina eh, ngayon ako pa ang medyo tumagilid Lord, pangako ko pa man din sa 2 chikiting ko na mag-uuwi ako ng barbeque ngayong gabi” pabirong dalangin ni Tonio

“Pero sabagay okay lang po iyon Lord, alam kong mas kailangan nila yun kaysa sa kailangan naming mag-anak. Nagpapasalamat ako sa inyo Lord, sapagkat nakakain ng 3 beses ang mag-iina ko pati na rin sa pagbibigay sa amin ng magandang kalusugan. Marahil ngayon ko naunawaan na mapald pa rin kami. Pero yun nga lang Lord, ano kaya ang maiiuwi ko sa amin, tyak nag-iintay yun sa akin at sa pasalubong ko”, sabi ni Tonio

Pinakiramdaman ni Tonio kung may bubulong muli sa kanya, pero tila wala syang narinig mula sa kanyang tenga. Subalit may isang busina ang bumasag sa kanyang malalim na pag-iisip

POOOOOOOOOTTTTTTTTTT isang busina mula sa dyip

“Pareng Tonio, oh bakit ka naglalakad dyan. Aba malayo pa ang sa inyo ah, manong bang sumabay ka na sa Dyip ko at ihahatid na kita” sambit ng kumpare nyang si Kadyo

“Ah, sige salamat kung ganun” tila lumiwanag ang mukha ni Tonio, sabay sampa sa unahang bahagi ng dyip

Pagsakay ni Tonio sa dyip, dagli syang binati ni Kadyo at nagsabi

“Kamusta na Pareng Tonio? Oo nga pala pare, naalala mo ba nung nanghiram ako ng isang libo sa iyo noon dahil nagkasakit si Junior ko” tanong ni Kadyo

“Ah, pare nakalimutan ko na yun!! Saka hayaan mo na yun tulong ko na yun sa inaanak ko”tugon ni Tonio

“Hindi pare, talagang pinaglaanan ko yun. Pasensya ka na at ngayon lang din ako nakaluwag luwag. Oo nga pala dinagdagan ko na rin yan ng isang libo pa para sa tubo, maganda kasi ang naging byahe ko nitong buwan eh”

“Naku pare wag na, di naman ako naniningil eh. Saka bat may tubo pa”tanggi ni Tonio

“Pare hayaan mo na yun, para makabawi na rin ako. Saka kuhanin mo na ito alam kong medyo gipit ka rin eh”pagpupumilit ni Kadyo

Hindi na rin nakatanggi si Tonio, kayat kinuha na rin nya ang pera mula kay Kadyo. Tuwang tuwa sya sapagkat may maibibigay na sya kahit konti sa kanyang asawa. Makalipas ang labing limang minuto nakarating na rin sila sa tapat ng bahay ni Tonio.

“Oo nga pala pare, galing ako sa bertdeyan sa kabilang kanto, eh medyo madaming litson ang pinauwi sa akin ni Kumapreng Badong, kunin mo na yung isang supot dyan para sa mga bata” pahabol ni Kadyo

“Ganun ba pare, naku matutuwa ang dalawang chikiting ko na yan, maraming salamat sa iyo Pareng Kadyo at ingat ka pauwi” huling bati ni Tonio.

Masayang masaya sya sa nangyari, batid niya na ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng iyon. Natutuwa sya sapagkat dininig ng Dyos ang kanyang panalangin. Bagama’t may takot sya noong una subalit nagtiwala lamang sya sa kagustuhan ng Panginoon at binalik ng Dyo ang lahat ng ito na higit pa sa inaasahan nya. Kung tuusin meron lamang 10 pisong barya si Kadyo noon, at 200 piso lang ang laman ng wallet nya, subalit pinalitan ito ng higit pa sa doble o triple. Hindi lang yun pati ang barbeque na ibibigay nya sa kanyang mga anak ay naging litson. Tangi lamang nasambit ni Tonio ay “SALAMAT PO LORD”.

Minsan sa buhay nating ito, sinusubok tayo ng Panginoon. Tintingnan ang ating mga karakter, sinusubok ang pananampalataya natin sa Kanya at sinsubaybayan kung paano tayo makisalumuha sa kapwa natin. Ayon nga sa Bibliya, “Anuman ang iyong ginagawa sa pinakamaliit mong kapatid ay sya rin mong ginagawa sa AKIN”. Tayo ay nilikha na kalarawan ng Panginoon, at marahil makikita natin sa ating kapwa ang Panginoon. Kaya ang pagtulong natin sa kanila ay tanda ng pagmamahal natin sa Dyos.

Sana ang kwento ni Tonio ay maging inspirasyon sa lahat. Kailangan lang natin na magtiwala sa Dyos at tumulong sa ating kapwa. Ang Dyos ang bahala sa atin, hindi man nya ito ibalik sa iyo sa pamamagitan ng mga materyal na bagay, ihahanda naman nya ang mansion mo sa langit. Kung paano natin minamahal ang kapwa natin ay ganun din ang pagmamahal natin sa Dyos.

Mga kaibigan, iiwanan ko sa inyo ang bersikulo na ito sa bibliya;

Mateo 25:35-40 (Ang Salita ng Diyos)

35Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.

37Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?

40Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.

Lunes, Enero 5, 2009

MGA MUNTING HUDAS SA ATING SARILI (The Little Judas in Us)


Kilala natin si Hudas bilang isang alagad na nagtraydor sa ating Panginoon para lamang sa tatlumpong (30) pirasong pilak. Marahil sa tuwing nakakapanood tayo ng senakulo tuwing Mahal na Araw, si Hudas ang pinakaayaw nating karakter, galit tayo sa kanya sa ginawa nya sa ating Panginoon. Para syang isang kontrabida sa isang teleserye na talagang umaapi sa bida, kaya ganun na lamang ang ating inis at galit kay Hudas.


Noong mga panahon na iyon ang pilak ay isa sa pinakamahalagang o pinakamalaking pera sa kanila. Halos marami ka ng mabibili sa isang pirasong pilak lang, kaya naman madaling naipagpalit ni Hudas ang ating Panginoon dahil sa malaking perang makukuha nyo. Hindi ba madalas din nating nasasabi "PInagpalit ni Hudas ang ating Panginoon para sa 30 pirasong pilak LANG!!" . Tingin natin dahil sa kayamanan nasilaw si Hudas at nagawa nyang traydurin ang ating Panginoon. . Para sa atin itoy napakawalang halagang rason o dahilan para ipagpalit ni Hudas ang ating Panginoon, sapagkat alam nating itoy walang kwenta sa paningin ng Dyos
Subalit naisip ba natin na kung minsan parang nagiging katulad rin natin Hudas. Hindi ba,madalas na ipinagpapalit natin ang Panginoon sa ibang mga bagay. Tila nagagawa natin masilaw sa mga materyal na bagay sa mundo at gawing ikalawa o huli sa ating mga priyoridad ang Dyos.


Ano ang katumbas ng tatlumpong pilak sa panahon natin, ngayon? Ang katumbas ng 30 pilak sa ngayon ay maaaring pera, kapangyarihan, pakikipagsaya, trabaho, bagong cellphone o laptop,at marami pang iba. Ipinagpapalit natin ang Panginoon sa mga bagay na ito at nawawalan tayo ng panahon sa Dyos dahil mas inuuna pa natin ito . Mas lagi nating iniisip ang mga materyal na pangangailangan natin kaysa sa ispiritual na pagkauhaw. Higit na binibigyan natin ng importansya ang mga pisikal na kaginhawahan kaysa sa ating Panginoon. Mas natutuon ang ating atensyon sa mga bagay na makamundo kaysa sa makalangit. At mas priyoridad natin ang mga mahahalagang bagay sa lupa, kaysa sa mga bagay ukol sa Panginoon.


Ngayon isipin natin hindi kaya halos katulad na din natin si Hudas? Hindi ba parang nagawa rin nating ipagpalit ang Dyos sa mga bagay dito sa lupa?


Sana masuri natin ang ating sarili, ako man ay nasilaw din sa mga bagay na hindi naman ganoong kaimportante. Nanghina ang aking pananampalataya dahil sa mga kagustuhan kong hindi natupad at nagawa kong ipagpalit ang Dyos dahil lamang sa mga labis na paghahangad. Subalit mabuti na lang ang nagising na din ako sa aking pagkakamali. Mabuti na lang at may pagkakataon pa akong muling magtiwala sa plano ng Panginoon at sumunod sa kagustuhan nya.

Marahil ang kaibahan lang natin kay Hudas ay hindi na nagawa pang magbago ni Hudas at humingi ng tawad sa ating Panginoon subalit tayo naman ay may pagkakataon pa para magsisisi at muling sumunod sa Dyos. Kaya pa nating baguhin ang mga priyoridad natin sa buhay, at unahin kung ano talaga ang pinakaimportante (iyon ay ang Dyos). Mayroon pa tayong panahon na magbago, marami pa tayong oras at malaki ang pag-ibig ng Dyos sa atin.


Hindi naman inaalis sa atin ng Panginoon ang mga materyal na bagay sa ating buhay, hindi naman nya ito pinagkakait sa atin bagkus tayo ay lalo pang pagpapalain kung patuloy tayong susunod sa Kanya. Ang kagustuhan lang nya ay gawing Syang prioridad sa lahat ng bagay, at huwag nating ipagpalit ang Panginoon para sa mga na nawawala, nauubos at nabubulok. Ang ating Dyos ay mas higit pa sa pera, kayamanan, kapangyarihan at kahit ano pa dito sa mundo. Wala syang katumbas dito sa lupa at maging sa Langit, kaya naman kung nasa atin ang Panginoon tyak nasa atin na rin ang lahat.


Kaya ngayon tanungin natin muli ang ating mga sarili: may munting hudas ba sa ating mga sarili?


Iyon lamang po at maraming salamat


Sa Dyos ang Kadakilaan,

Miyerkules, Disyembre 24, 2008

Tuloy na Tuloy Pa Rin Ang Pasko


Tatlong taon na akong dito sa Saudi nagpapasko, natatandaan ko pa noong unang pasko ko dito medyo talagang mabigat sa pakiramdam, ito ang unang pagkakataon ko na tila balewala lang ang pinamahalagang araw na ito. Habang ang buong Pilipinas ay talagang abalang abala sa darating na kapaskuhan, tayo dito sa Saudi ay tila tipikal at ordinaryong araw lang.


Noong nasa Pilipinas pa ako, ako ang pinakanasasabik sa aming magkakapatid at iba ang pakiramdam ko tuwing Pasko. Tingin ko masayang masaya ang bawat tao, lahat ay nagbibigayan at mararamdaman mo ang sigla sa bawat isa. Kaya naman halos nabigla ako noong nagtrabaho na ako dito sa Saudi, ibang iba at malayong malayo sa nakagisnan ko noong bata pa.


Nagpapatugtog din ako ng mga kantang pamasko sa aking kwarto, medyo madalas nga nakakadagdag sa aking pangungulila at pagkalungkot ang mga naririnig ko. Sa tuwing nakikita ko naman ang mga kasamahang kong umuuwi para magbakasyon at magpasko sa Pilipinas, hindi ko maiwasang maiingit. Pero agad ko namang inaalis yun at muli pinapasaya ang sarili. Maging sa araw ng Pasko noon, halos walang bumati sa akin ng” Maligayang Pasko”, maliban sa mga Pilipinong kasama ko sa trabaho. Hindi ko naman masisisi ang iba sapagkat iba ang relihiyon nila kaysa sa atin, at iba ang kanilang pinaniniwalaan.


Iba ang pakiramdam ko sa tuwing sasapit ang Pasko dito sa Saudi, may halong pangungulila at lungkot din.Subalit naisip ko, bakit nga ba ako malulungkot hindi ba si Hesus ang dahilan kung bakit may Pasko at siya rin ang sentro ng mahalagang araw na ito. Kaya dapat hindi nasentro din ang pagtingin ko sa Pasko sa mga handa, mga regalo, kasiyahan at kung ano ano pa. Dapat nakasentro ako sa bida ng araw na iyun, iyon ay ang ating Panginoong Hesus. Hindi naman ako o ang pamilya ko ang pinakamahalaga ng araw na yun eh, kundi ang atin Panginoong Hesukristo.

Totoong malungkot sapagkat wala ang mga mahal mo sa buhay na kasamang ipagdiriwang ang araw na ito. Malungkot sapagkat walang Christmas Party ang bawat kumpanya dito, wala ring mga hamon, litson, morcon, bibingka, puto bungbong at kung ano ano pa. Nakaka miss ang mga pagkakataong nakikita mo ang mahahalagang tao sa buhay mo, pero napag-isip isip ko rin na hindi pala dapat ako malungkot kasi kasama ko naman ang Panginoon,kasama ko ang “Birthday Celebrant” , hindi ba espeyal ang pakiramdam noon?Siguro, sa tuwing mararamdam ko ang pangungulila dapat isipin ko na kasama ko naman ang Panginoon at alam ko din na hindi nya tayo pababayaan.


Nagpapasalamat ako sa Panginoon, na ginamit nya akong instrumento para sa aking pamilya. Alam kong hindi man nila ako kasama sa araw ng Pasko, baon ko naman ang mga panalangin nila at taos pusong pasasalamat sa mga naibahagi ko sa kanila.


Alam kong araw araw dapat maging Pasko, at alam ko rin na hindi limitado ang pagdidriwang ng Pasko sa mismo araw nito. Maganda panahanin natin sa ating mga puso ang totoong diwa at halaga ng Pasko. Gawing buhay ang pag-ibig ng Dyos sa ating mga sarili, at ibahagi rin ito sa iba.

Alam kong marami rin sa ating ang nagungulila sa ating pamilya, nawa ang sulatin na ito ay makatulong din sa kapwa ko OFW , na maibsan ang kalungkutan sa araw na ito. Marami pa namang araw ng Pasko , mayroon pa tayong 365 na araw sa loob ng isang taon para gawing Pasko ito sa ating mga buhay.


Muli binabati ko ang bawat isa ng Maligayang Pasko, sana maipagdiwang natin ito kasama ang Panginoon.


Iyun lamang po at maraming Salamat.


Sa Dyos ang Kadakilaan,

Sabado, Disyembre 20, 2008

Baguhin natin ang Mukha ng Mundo



Nakakaalarma na ang nangyayari sa mundo ngayon. Maraming tao na rin ang tila naging kumportable na sa pagkakasala at paggawa ng masama. Habang patuloy na lumalago ang ating teknolihiya, at tumatalino ng tao patuloy ding lumalayo ang loob ng tao sa Dyos.


Sa Mexico, isang malaswang babasahin (Playboy) ang naging sentro ng batikos ngayon sapagkat kanilang inilagay sa "Cover" nito ang hubad napagla larawan sa ating Mahal na Ina. Isa itong malaking kalapastanganan sa ating Mahal na Birhen. Nakakalungkot isipin na nagawa nila iyon para lamang makabenta sila ng mga ganitong babasahin. Ang Mexico ay kinikilang isang Katolikong Bansa na kung saan sila ay may labis na debosyon sa ating Mahal na Ina (Birhen ng Guadalupe) subalit nakakalungkot na nagawa nila ang mga bagay na iyon. Isang malaking interpretasyon na talagang wala ng pakundangan ang tao sa paglaspatangan sa Dyos.


Dumadami na ang mga bilang ng mga ateyista (atheist) sa mundo. Sila ang mga taong hindi naniniwala sa Dyos. Marami na rin akong naging karanasan sa mga katulad nila, pilit na binabaluktot ang mga katotohanan tungkol sa Dyos.Kanilang binigyan ng masamang pakahulugan ang bawat bahagi ng ating paniniwala at pananampalataya. Nakakalungkot isipin na may maririnig at makikitang ganitong mga tao, subalit alam kong mas kailangan nila ng panalangin kesa makipag debate sa kanilang mga pinaniniwalaan.


Patuloy din ang paglaki ng bilang ng mga mag-asawang naghihiwalay, kanilang binabali ang kautusan ng ating Panginoon. Bumababa naman ang bilang ng mga nagpapakasal, mas pinili pa nilang magsama ng walang basbas ng sakramento ng kasal.Nakakalungkot lang na nawawalang halaga na ngayon ang kakasagraduhan at kahalagahan ng kasal.


Maging ang aborsyon ay tila bumalik na muli sa ating lipunan, at may malaking usap usapan sa Amerika na may isang batas na inaprubahan na isagawa ang aborsyon ng mga duktor kung kinakailangan. Kung atin ring makikita at maririnig sa balita maging ang Pilipinas na isang katolikong bansa ay maraming kaso na ng pagpapatay sa sanggol ang naiiulat. Mukhang nawawala na ang takot nila sa Dyos.


Maging sa mga pelikula ay tila isang "TREND" ang may temang sex. Ito ang kanilang malaking pambenta at panghatak ng manonood. Sabihin man nating ito ang salamin ng ating lipunan, subalit alam natin na ito'y makadudulot lang ng pagtanggap natin sa pagkakasala. Isipin na dahil itoy karaniwang nangyayari sa ating lipunan, ito ay maari ng tanggapin kahit mali at masama.
Mukhang pasama ng pasama ang mundong ginagalawan natin, patuloy ang paggawa ng kasalanan ng tao. Naging parte na ng kanilang buhay ang kasalanan. Maging tayo rin ay hindi rin naliligtas sa pangil at kuko ng demonyong umaaligid aligid sa ating lipunan.


Kayat sana ay patuloy nating ipanalangin ang mundong ito, ipanalangin natin ang isat isa at ipanalangin din ang iba pa na makilala nila ang Dyos. Sana isama din natin sa ating mga panalangin na sana'y gawin tayong instrumento ng Panginoon para makahikayat ng mga kaluluwang uhaw sa pagmamahal ng Dyos.


Nawa tayo rin ay maging mapanuri sa mga nababasa at napapanood natin. Gwardyahan natin ang ating mga sarili sa mga bagay na maaaring makakasira ng ating kaisipan at pananampalataya. Hingin din natin ang awa ng Panginoon na tulungan tayong baguhin ang mukha ng mundo.


Iyon lamang po at maraming salamat


Sa Dyos ang Kadakilaan

Sabado, Disyembre 13, 2008

Tunay na Pagsunod sa Plano ng Dyos



Tumugon si Maria: Ako'y alipin ng Panginoon, maganap naway sa akin ayon sa wika mo- Lukas 1:38


Ito ang linya ni Maria noong binati siya ng Anghel noong panahong sya ang nakatakdang magdalang tao sa ating Tagapagligtas. Kung siguro lalaliman pa ang ating pagkakaunawa sa mga sinabi ni Maria, mas lalo pa nating syang hahangaan sa kanyang pagiging mabuting tagasunod ng Dyos.


Noong unang panahon, ang pagiging baog o kaya pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga ay tinuturing ng lahat na isang mabigat na sumpa ng Dyos. Para sa mga hudyo noon, ang sino mang magdalang tao sa pagkadalaga ay itinuturing na isang mababa at maduming nilalang, kaya madalas sila ay pinapatay o di kaya pinandidirihan ng lahat. Subalit ang Mahal na Ina ay hindi man lamang nagdalawang isip na sumagot ng OO sa kagustuhan at plano ng Dyos. Hindi sya nagbigay ng kundisyon o di kaya humingi ng kapalit sa mabigat na gampanin na inaatang sa kanya ng ating Dyos, bagkus siya ay labis na nagpakumbaba at tinanggap ng maluwag sa kanyang kalooban ang kagustuhan ng Dyos. Hindi nya iniisip kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap bagkus buong puso sya nagtiwala sa Dyos. Kaya naman ganun na lang ang paghanga ko sa ating Mahal na Ina na isang magandang halimbawa sa pagsunod sa kagustuhan ng Dyos.


Nitong mga nakaraang mga araw medyo madalas akong mag-isip. Meron kasi akong hinihiling sa Panginoon na nais kong matupad,mga kagustuhan kong gusto kong mangyari sa buhay.Dumating sa punto na idinidikta ko na sa Panginoon ang aking mga kagustuhan. Ngunit, hindi naging maliwanag sa akin kung matutupad ang mga hinihiling ko sa Panginoon. Naiwan akong nag-iintay na lamang kung manyayari ba ang mga kagustuhan ko o hindi. Nagduda ako sa kapangyarihan ng Panginoon noon, at iniisip ko na mas maganda pa ba ang plano ng Dyos kesa sa kagustuhan ko ,kung tutuusin yung kagustuhan ko na yun ay sapat na para sa kin, kaya baka pwede yun na lang kasi di naman ako naghahangad ng MAS maganda pa.


Madalas nag-iisip ako, ano ba talaga ang plano sa aking ng Panginoon? Bakit ayaw nyang ibigay sa akin ang hinihiling ko pero kung tuusin naman makakabuti sa akin yun at makakatulong pa ako sa iba. Ayaw nya ba akong mapabuti? Minsan pa nga halos suhulan ko na ang Panginoon para ibigay lang sa akin ang mga hinihiling ko,sinasabi ko na kung sakaling ibibigay sa akin yun ng Panginoon, tutulungan ko ang mga mahihirap o hindi kaya mas pagbubutihan ko ang "SERVICE" ko sa Panginoon.


Madalas din, pag humihingi ako ng payo sa iba, sinasabi nila na "May magandang plano sa iyo ang Panginoon". Kaya naman pag nagdarasal ako sinasabi ko na sana yung magandang plano Nya ay malapit na. Minsan sinasabi ko "Sige Lord susundin ko po ang kagustuhan nyo, pero baka pwede yung gusto ko ay yun na lang ang plano nyo sa akin" o di kaya "Sige Lord naniniwala ako sa Plano nyo,", pero makalipas ang ilang minuto bigla na lang akong mag-iisip ng malalim at manghihinayang.


Aaminin ko, mahirap palang sundin ang isang bagay kung mas malakas ang sigaw ng mga kagustuhan mo. Madaling sabihin na "may magandang plano ang Dyos" pero ang pumapasok naman lagi sa utak mo ay ang mga kahilingan mo at gustong mangyari sa buhay mo. Kahit na sabihin natin susundin natin ang kagustuhan ng Dyos, parang bang may bigat sa mga puso natin, para bang may pumipigil sa atin.


Pero pinauunawa sa akin ang lahat ng Panginoon, nakakatuwa lang na sa pagbabasa ko ng Salita ng Dyos, natutunan kong isuko sa Kanya ang mga kagustuhan ko.Sa bawat gabi na nagdadaan para bang lumuwag ang dibdib ko at natututo ko ng tanggapin ang plano sa akin ng Panginoon. At mas lalo ko pang natatanggap lahat noong mabasa ko ang VERSE na nasa itaas kagabi, at mas lalo ko pang hinanggan ang ating Mahal na Ina. Sa pamamagitan ng pagtanggap ni Maria sa plano ng Dyos, para bang may bumulong sa akin na kung talagang tagasunod ako ng Panginoon, magtiwala ako sa Kanya.


Natuto kong isuko at magtiwala sa Panginoon. Hinayaan ko Syang gumawa sa aking buhay. Sinunod ko ang plano ng Dyos hindi dahil may mas magandang plano Sya sa akin, o mas may maganda pang manyayari sa akin, kundi dahil kailangan kong ibigay ang buong tiwala ko sa Kanya at isuko ng lahat sa ating Panginoon ng hindi naghihintay ng kapalit.


Ngayon, tanggap ko na ang plano ng Dyos sa akin, maaring wala Syang ibigay o ipalit na mas maganda sa aking kagustuhan pero ang matutunan ko magtiwala sa Kanya,para sa akin isa itong pagpapatunay na naging mabuting tagasunod ako ng Dyos, at sundin ang anumang naisin o plano sa akin ng Panginoon na hindi nag-aantay ng anumang kapalit.


Iyon lamang po at maraming salamat.
Sa Dyos ang Kadakilaan,

Huwebes, Disyembre 4, 2008

Ngayon, Sino sa Kanila?


Marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa at ayaw ng mabuhay dahil punong puno ng paghihirap at pighati ang nararamdaman nila. Pinagtatangkaang tapusin ang buhay, iniisip na kitilin ang sariling buhay.


Sana maisip din natin na marami rin sa atin na kahit may taning na ang kanilang mga buhay ay hindi pa rin nawalan ng pag-asa. Tiniis ang paghihirap at pighati madugtungan pa ang nalalabing araw nila sa mundo ito. Patuloy na gumagawa ng paraan para makasama pa ang mahal nila sa buhay. Inuubos ang lahat ng kanilang yaman sa mundo para lamang madugtungan kahit ilang araw ang kanilang buhay.


Ngayon, sino sa kanila ang mas kaawa awa?


Marami sa atin ang nagsasawa na sa trabaho, naiinis na sa magagaliting boss, napapagod na sa paulit ulit na takbo ng buhay at maliit na kinikita nila. Madalas napangungunahan tayo ng ating paghahangad para sa mas malalaki pang mga bagay


Pero sana maisip din natin na marami rin sa atin ang hindi alam kung paano makakita ng trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya. Sila ang mga taong handang mapagod at mahirapan may mapakain lamang sa kanilang mga pamilya. Sila na hindi iniisip ang kikitain kundi kung paano makaraos sa araw araw. Sila na hindi iniisip kung sila ay nasa kapahamakan maitaguyod lamang ang kanilang mahal sa buhay.


Ngayon, sino sa kanila ang mas karapat dapat pang maghangad?


Marami sa atin ang gulong gulo sa mga bagong gadget, cellphone, laptop o digital camera. Pakiramdam nila na hindi sila mabubuhay ang mga bagay na yun. Alisin mo ang mga bagay na ito sa kanilang mga buhay animoy inalisan na rin sila ng hangin para mabuhay. Hindi makatulog kapag hindi nabibili ang bagong labas na sapatos, bag at damit, halos ubusin ang pera para sa mga materyal na mga bagay


Pero sana maisip din natin marami rin sa atin ang hindi man lamang nakakatungtong sa eskuwelahan, at nagtyatyagang namumulot ng basura para lamang mabuhay. Sila na wala man lamang maayos na tirahan at masisilungan. Namamalimos sa lansangan, nagbebenta ng basahan, nagbibilad sa ilalim ng araw para kahit paano ay kumita ng konting pera. Sila na nakatira sa ilalim ng tulay, sila na nasa tabi ng gabundok ng basura at sila na nakatira sa lansangan. Sila na halos gutay gutay ang damit at wala man lang maayos na panyapak, wala man lamang silang panlaban sa sobrang init at lamig ng panahon.


Ngayon, sino sa kanila ang pinakanahihirapan sa buhay?


Marami sa atin ang halos hindi na kumakain para magkaroon ng magandang pigura. Ginugutom ang sarili para lamang makuha ang magandang hubog ng katawan. Marami rin sa atin ang walang pakialam sa mga nasasayang na pagkain, tinatapon na lang kung saan saan, winawalang bahala ang mga pagkain sapagkat hindi sila nasasarapan o hindi gusto ang nasa hapag kainan.

Pero sana maisip din natin na marami sa atin ang hindi na nakakain 3 beses sa isang araw. Gustuhin man nilang kumain pero wala silang pagkain sa kanilang mga mesa. Tinitiis na matulog ng gutom, kinakain ang mga basura, at pinapawi ang gutom sa pamamgitan ng pag-inom ng tubig. Sila na hindi iniisip ang hubog ng katawan pero mas iniisip ang laman ng sikmura. Marami rin sa atin ang nasa banig ng karamdaman, mga walang gana at lakas para kumain. Nasa kanila man ang pinakamasasarap na pagkain sa mundo pero kung wala kang panlasa, itoy wala ring saysay para matikman ito


Ngayon sino ang nangangailangan ng pagkain?


Sabi nila hindi mo mararamdaman ang kahalagahan ng isang bagay kapag nawala na lamang sa iyo ito. Subalit aantayin pa ba nating mawala ito bago natin bigyan ito ng importansya. Bakit hindi nating simulang bilangin ang ating mga biyaya at ipagpasalamat ang mga ito. Minsan hanap tayo ng hanap ng mga bagay na wala sa atin. Kinakalimutan ang mga bagay na pinagkaloob ng Panginoon sapagkat napapangungunahan tayo ng ating pansariling kaguustuhan at kahiligan .
Sabi nga nila aanhin mo ang pinakamagarang sasakyan o bahay kung nabubuhay kang namang mag-isa.


Aanhin mo ang tagumpay kung wala ka namang pag-aalayan nito at hindi mo man lang maibahagi ang kasiyahan o karangalan mo.


Aanhin mo ang yaman ng mundo kung lahat naman ng tao ay ayaw sa iyo


At aanhin mo ang talino kung ginagamit mo ito para makasira ng buhay ng ibang tao.


Maraming bagay na dapat natin ipagpasalamat sa Dyos, maraming bagay ang pinagkaloob nya sa atin. Sana huwag tayong panghinaan ng loob kung sakali mang may mabigat tayong suliranin sa buhay sapagkat hindi naman tayo pababayaan ng Dyos. Sabi nga sa bibliya kahit ang mga ibon sa langit ay hindi nya pinababayaan, tayo pa kayang anak nya na pinakamamahal at pinakaiibig nya. Tyak hindi tayo nawawaglit sa puso ng ating Amang nasa Langit. Hindi tayo kailanman pababayaan ng Dyos, ang kailangan lang natin ay manalig sa Kanyang mga plano, at manampalataya sa Kanya.


Gawin nating bukas ang ating isip at puso sa mga biyaya ng Dyos sa atin. Marahil kung sakaling makita natin ito,mas lalo pa nating pahalagahan ang buhay natin dito sa mundo.
Iyun lamang po at maraming salamat.

SA DYOS ANG KADAKILAAN

Lunes, Disyembre 1, 2008

PAANO TAYO MABE-BLESS NG MABUTING BALITA NG PANGINOON?


Sa dami ng mga problema natin sa buhay. Sa dami ng mga alalahaninnatin, minsan naghahanap tayo ng kausap na uunawa sa atin atmgbibigay sa atin ng payo. Minsan hanap pa tayo ng hanap ngbestfriend, yun pala'y kasama na pala natin sya mula ng tayo ayisilang sa mundong ito


.PAANO TAYO MABE-BLESS NG MABUTING BALITA NG PANGINOON?


Sa tuwing magsisimula tayo ng pagbabasa ng bibliya, kausapin natinang Panginoon. Isipin natin na Sya ang matalik natin kaibigan.Ipikit natin ang ating mga mata at isipin natin na ang kausap langnatin ay si "Lord Bestfriend". Pagkatapos ay ikuwento mo sa Kanyakung ano ang nagawa mong mabuti sa kapwa mo, kung paano Sya kumilos sa buhay mo. Magkwento ka sa Kanya, kasi alam kong sabik na sabik nasya sa mga kwento mo. Makipagkwentuhan ka, at buksan mo ang puso mosa Kanya. Sabihin mo ang lahat ng kalungkutan mo, kasiyahan,pangamba o di kaya kalituhan na nararamdaman mo sa araw na iyon.


Alam nyo, madalas pag nakikipagkwentuhan ako sa Kanya detelyado angmga kwento ko. Lahat ng bagay ay sinasabi ko sa kanya. Kung ano angginawa ko, kung ano ang mga naramdaman ko sa araw na yun. Lahat -lahat sinasabi ko, at nagugulat na lang ako kasi kinakausap Nya ako.As in literal na nagsasalita Sya sa akin. Minsan pasasayahin nyaako, minsan magpapayo sa akin, at madalas pinaparamdam Nya talagasa akin na nandyan lang Sya para sa akin.


Kaibigan, sa tuwing sisimulan mong basahin ang "MabutingBalita" para sa araw na ito, sabihin mo sa Panginoon angnararamdaman mo. Kumbaga, sabihin mo sa kanya, kung natatakot ka basa isang desisyon na gagawin mo, kung meron ka bang problemanghinaharap ngayon, kung may pressure ka ba sa trabaho, kungnahihirapan ka ba sa buhay, kung masyado kang bang Masaya ngayon,kung may tanong ka na gusto mong malaman ang sagot. Sabihin mo saKanya ng buong buo. Sabihin mo sa kanya ang nararamdaman mo,magkuwento ka sa Kanya. IKuwento mo ito bago mo basahin ang MabutingBalita. At magugulat na lang kayo na magsasalita Sya sa iyo sapamamagitan ng Mabuting Balita o ng reflection sa araw na iyon.


Maraming beses na akong nablebless ng Gospel, minsan nakakatuwangisipin na sa lahat ng problema, alalahanin at kalungkutan ko ,sinasagot nya ako sa pamamagitang ng Mabuting Balita, pinapayuhannya ako, inaalis Nya ang pangamba ko at pagkatapos bibigyan nya akong kapayapaan.Alam nyo mga titos at titas, iyon ang gusto kong maramdaman nyo rin.Kung paano ako nabebless ng Mabuting Balita, gusto ko kayo rin. Kungpaano ako kausapin ng Panginoon. Kung paano Sya makikipagcommunicatesa akin. Gusto ko na ganun din ang maranasan nyo. At maniwala kayopagkatapos nyong makipag-usap sa ating Panginoon. Makararamdam kang kapayapaan sa loob at sa puso mo.Kapayapaan na parang biglangnawala ang lahat ng problema at alalahanin mo sa buhay. Napakasarap na pakiramdam.Ito'y milagro ng Panginoon."Lumapit ka sa Panginoon, kayong mga naguguluhan at nabibigatan, atbibigyan ka Nya ng kapahingahan."


Ipalaganap natin ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Yun lamang po at maraming salamat


Sa Dyos ang Kadakilaan,

Sabado, Nobyembre 29, 2008

Teka Nagdasal na ba ako kanina?


"Teka nakapagdasal ba ako kanina, pagkagising ko"

Ito ang madalas kong tanong sa sarili, pag sisimulan ko na ang almusal o tanghalian ko. Hindi ko minsan matandaan kung nakapagpasalamat ba ako sa Dyos sa bagong buhay na ibinigay nya sa akin. Madalas kasi dahil siguro sa puyat at sa bagong gising eh nakakalimutan ko minsan. Kumbaga para akong isang zombie pagkagising ko, hindi ko alam na kumikilos ang katawan ko ayon sa routine na ginagawa ko araw araw. Minsan nakakaguilty kasi nakalimutan kong magdasal lalo pa't ito ang pinakaimportanteng dasal (para sa akin) spagkat dito ko ipinagpapasalamat ang bagong buhay na meron ako, dito ako hihingi ng lakas para sa buong araw ko sa trabaho at syempre dito ko babatiin ang ating Panginoon ng "Good Morning" pwede rin ang "Buenas Diaz, Lord".

Kaya siguro binigyan ako ng wisdom ng Panginoon kung paano hindi ko makakalimutan ang pagdarasal sa umaga. At sana gayahin nyo rin yung gagawin ko para naman di natin makalimutan ang pagdarasal sa umaga. Una, kailangang alamin mo kung ano ang una at pangalawa mong ginagawa pagkagising mo. Sa kaso ko, ang una kong ginagawa ay pagbubukas ng ilaw, sunod ay ang pagkuha ko ng aking tuwalya pampaligo. Pagkatapos, gumawa ka ng isang signage na may nakasulat " PRAY FOR THE NEW DAY" o "NAGDASAL KA NA BA?", o kahit anong salita na makaalala kang magdasal at ilagay mo yun malapit dun sa mga una mong ginagawa. Sa kaso ko, inilagay ko yun malapit sa switch ng ilaw para pagbukas ko ay may magpapaalala sa akin.

Sunod, syempre medyo minsan kahit naalala na natin ay nakakalimutan pa rin natin (ganyan tayo ka pasaway). Kaya maglagay tayo ng ikalawang paalala. Sa akin, inilagay ko yun sa ilalim ng lagayan ko ng tuwalya, kaya paghila ko ng tuwalya ko may makikita akong " ANO NAGDASAL KA NA BA?". Kaya kahit nakalimutan ko yung unang paalala may reserba pa ako. Kung talagang makakalimutin ka pa rin, eh tadtarin mo ng mga signage ang kuwarto mo para hindi mo makalimutan ang magdasal. Pwede rin sa takip ng toilet bowl ay maglagay ka ng " BAGO KA UMUPO SA TRONO, MAGDASAL KA MUNA", kaya pagbukas mo nun, maalala mo na.

Mukhang effective hindi ba? Sa akin kasi effective yan eh, kaya hindi na ako nakakalimot. Naishare ko lamang sa inyo kasi alam kong makakatulong ito sa iba.

Tandaan natin na kailangan nating pasalamatan ang Panginoon sa bawat oras ng ating buhay, sapagkat ipinahiram lang nya sa atin ito. Hindi ba't matutuwa ang Panginoon sa atin sapagkat lubos natin pinahahalagahan at pinasasalamatan ang pinakamagandang regalong binigay sa atin ng Panginoon. ….iyon ay ang BUHAY.

Kaya gawin na natin ito, pagpasalamatan at batiin natin ang Panginoon.

Yun lamang at maraming Salamat

Sa Dyos ang Kadakilaan,

Miyerkules, Nobyembre 26, 2008

Biyaya ng Panginoon



Minsan ba naitanong natin sa ating mga sarili na, bakit kung sino pa yung mga hindi naniniwala sa Dyos ay sila pa ang mga mayayaman, samantalang tayong mga tagasunod nya ay kalimitang nakakaramdam ng mga paghihirap o kalungkutan?


Kaibigan, sana makatulong ang kwentong ito:


Si Tonio at Mario ay magkababata at magkapit bahay, halos sabay silang nag-aral, nagtapos ng kolehiyo,nag-asawa at nagkaanak. Subalit nagkaiba sila ng kanilang kapalaran. Dahil sa pagiging tuso at mautak ni Tonio, madali syang yumaman at nagkaroon ng magagarang bahay at sasakyan. Samantalang si Mario ay isa lamang simpleng empleyado sa munisipyo ng kanilang bayan, at masasabing hindi sapat ang kinikita nya para buhayin ang kanyang pamilya.


Sa kanilang pag-uugali ay magkaibang magkaiba rin ang magkaibigan. Si Tonio ay masyadong mapangmataas at maramot sa mga taong lumalapit sa kanya. Madalas hindi nya pinagbubuksan ang kanilang malaking gate sa mga humihingi ng tulong. Samantalang ang munting tahanan naman ni Mario ay laging bukas sa mga nangangailangan ng tulong. Madalas wala ring maibigay na pinansyal na tulong si Mario, dahil na rin sa kakapusan sa pera, subalit hindi naman nya hinahayaang walang dala ang huhumihingi sa kanila, kaya madalas bigas ang binigay niya sa kanila.


Nang minsan nagkausap ang magkaibigan.


"Pare, masyado ka na atang mabait nyan, baka maging santo ka na! Aba wala na nga kayong makain ng pamilya mo eh, panay pa ang tulong mo. Tingnan mo ako heto pa-easy easy na lang hinayaan kong ang pera ang lumapit sa akin,hahaha" sabay halakhak na may halong pangungutya.


"Eh, medyo hirap nga kami ni misis ngayon, kaso alam ko namang mas mapalad kami kumpara sa mga kalagayan nila, at kahit medyo hirap kami, sa munting paraan man lang ay makatulong kami sa kanila." Pakumbabang sagot ni Mario


"Ganun ba pare, Good luck sa pagiging santo mo, hahahaha!!! Oo nga pala pare bukas ay birthday ng anak ko, punta kayo ng pamilya mo para makatikim tikim man lamang kayo ng masasarap na pagkain" pang-iimbita nya kay Mario


"Sige pare punta kami dyan sama ko yung mga bata" tungon nya sa kaibigan


Ganyan ang karaniwang pag-uusap ng dalawa, madalas may pagmamayabang ang bawat salita ni Tonio. Kinukutya nya ang kaibigan nya sa kanyang ginagawang pagtulong. Pakiramdam nya mas pinagpapala sya ng Panginooon kaysa kay Mario.


Subalit isang malaking sakuna ang nangyari. Hagupit ng kalikasan ang bumalot sa kanilang munting bayan. Sumabog ang bulkang malapit lamang sa kanilang bayan, na sinabayan pa ng matitinding pag-ulan kaya naman ginuho ng lahar ang lahat ng bahay at ari-arian sa kanilang bayan. Mabuti na lamang at nakalikas ang lahat ng residente sa kalapit na bayan na kung saan ay hindi aabutin ng lahar.


Makalipas ang ilang lingo, humupa na rin ang bagyo at ang lahar, nagsibalikan na ang mga residente sa kanilang bayan, kabilang ang mag-anak nina Mario at Tonio. Sa kanilang pagbabalik, nakita nilang parehong natabunan ang kanilang bahay. Puro mga bubong lamang ang natira, pati ang magara at malaking bahay ni Tonio ay naglahong parang bula, tangi lamang nasalba ay kanilang damit na suot suot. Halos gumuho ang mundo ni Tonio, sapagkat nawala na ang pinaghirapang bahay nya, ngayon ay babalik muli sya sa simula. Kaya ganun na lamang ang hinagpis at lungkot ni Tonio.


Bagamat si Mario, ay nalulungkot din, tinanggap na lang nila ang masaklap na pangyayari. Kanya ring pinapalakas ang loob ng kanilang pamilya na patuloy na sumampalataya sa Dyos. Alam nyang hindi sya pababayaan ng Panginoon.


Habang parehong nagdadalamhati ang dalawa, biglang nagsalita si Tonio:
"O nasan na yung mga tinulungan mo, nasan na??, ngayong ikaw ang nangangailangan nasan na yung mga sinasabi mong kapatid mo sa Panginoon?" sigaw nya sa kaibigan.


Hindi umimik si Mario, hindi na lamang pinansin ang kaibigan. Ayaw nyang intindihin ang sinabi ni Tonio, kanyang inunan ang paghanap sa mga gamit na pwede pang pakinabangan.


Subalit makalipas ang ilang minuto, nagsidatingan ang mga kaibigan at mga natulungan ni Mario. Bawat isa ay may dalang mga kahoy, mga plywood, yero at kung ano ano pa para tulungang buuin ang bahay ng pamilya ni Mario. Bagamat pareho pareho silang nawalan ng tirahan, nagtulungan sila para magawa muli ang bahay ni Mario, sapagkat alam nilang nasa kagipitan ito at paghihirap. At katulad ng pagtulong ni Mario sa kanila, tinulungan din naman nila ang tinuturing nilang kaibigang si Mario. Hanggang sa makagawa sila ng simple at pansamantalang tirahan para sa pamilya nya.


Samantala, nakatingin lamang sa kanila si Tonio, marahil nalulungkot sya sa kanyang sinapit sapagkat wala ni isang taong gustong tumulong sa kanya. Nagsisisi sya at nahabag sa kanyang sarili, tangi lamang nagawa ay yumuko at lumuha. Alam nyang wala ng tutulong sa kanya, sapagkat wala naman syang tinulungan sa kanila, madalas pa nga nyang tinaboy ang mga taong ito. Ngayon alam nya na mag-isa nyang itatayo ang kanyang bahay at hindi nya alam kung paano sisimulan ito.


Habang nakayuko at patuloy na umaagos ang luha ni Tonio, isang tapik ang umagaw ng kanyang atensyon. At pagbukas nya ng mata nakita nya ang kanyang kaibigang si Mario kasama ang mga iba pang gustong tumulong sa kanila, pawang mga nakangiti at wala ang galit sa dating nagtataboy sa kanila.


Isang tinig ang bumasag sa katahimikan.


"Pare, tama na yan, halika itayo natin muli ang bahay mo" marahang sabi ni Mario.


Hindi maipaliwanag ni Tonio ang kanyang nararamdaman, tuwang tuwa sya sa kanyang narinig. Panay hingi sya ng paumanhin at patawad sa lahat ng tao roon. Nahihiya sya sa kanyang mga nagawa sa kanila, subalit natutuwa sya sapagkat may mga taong gustong tumulong sa kanya sa panahon ng kagipitan. At simula noon, nagbago na rin ang pananaw nya tungkol sa pakikipagkapwa tao. Nagbago na rin ang pagkatao ni Tonio.


"Ano mga pare simulan na nating itayo ang buhay ni Pareng Tonio" tanong ni Mario


"SIGEE, TARA NA" sabay sigaw ng lahat.



-----------END---------------




Kaibigan, madalas iniisip natin na hindi patas ang Dyos,o hindi kaya iniisip na hindi tayo gaanong kamahal ng Panginoon sapagkat may mga taong mayayaman kahit hindi naman nanamapalataya sa Dyos. Pero ang katotohanan nyan ay mahal tayo ng Dyos at patas ang binibigay nyang biyaya sa bawat isa. Ang biyaya ng Dyos ay hindi lamang nasusukat sa mga pinansyal na pagpapala lamang. Katulad ni Mario, bagamat hindi sya mapalad sa pinansyal na aspeto, mapalad naman sya sa mga taong malalapit sa kanya. Biniyayaan sya ng maraming kaibigan at taong malalapitan sa panahon ng kagipitan.


Marami sa atin na ang pagkakaunawa ng biyaya ay pera o materyal na bagay, subalit ang biyaya ng Dyos ay mas malawak at mahalaga pa kaysa sa pera. Maari ito'y pamilya, trabaho, kaibigan, kapanatagang loob at kung ano ano pa. Kayat hindi natin maaring masukat o tawaran ang pagpapala ng Dyos sa atin.


Kaibigan, naitanong na ba natin sa ating mga sarili , kung anu- ano ang mga biyayang binigay ng Dyos sa atin. Napahalagahan na ba natin ito o napasalamatan na ba natin ang Dyos sa mga ito? O baka tayo ay nabubulagan sa maling depinisyon natin ng biyaya?


Tandaan natin na kung hindi man tayo maginhawa o mayaman sa buhay natin dito sa lupa, alalahanin natin na di hamak na mas maginhawa, mayaman , at maganda ang buhay natin sa kabilang buhay kasama ng Panginoon, basta patuloy lamang tayo sumunod sa kanya. Ang buhay sa lupa ay hindi permente subalit ang buhay sa langit ay mapasawalang hanggan at walang katapusan.


Hindi ba mas dapat nating pagsumikapan ang buhay sa Langit kasama ng Panginoon?


Sana nakatulong po ang kwentong ito.


SA DYOS ANG KADAKILAAN

Linggo, Nobyembre 9, 2008

Tindahan ni Aling Maring

Pahiran mo muna ang puwing ng mata mo bago mo pahiran ang iba. Maaring palasak o lagi na nating naririnig ang mga katagang ito, pero ano nga ba ang ibig sabihin nito. Kaibigan, nawa ang kwentong ito ay makatulong sa atin.

TINDAHAN NI ALING MARING



Sa Aling Maring ay palasimba at palagiang nagdarasal ng rosaryo araw araw. Siya ay nasa edad na limapung taong gulang (50), at mababanaagan mo na rin ang kanyang edad. Nagmamay-ari sya ng isang maliit na tindahan sa kanilang baryo.


Tuwing alas kwatro ng madaling araw gumigising na sya, naghahanda at nag-aayos sa kanyang pagsisimba. Araw araw sya kung magsimba, suot ang kanyang puting belo at pulang medalyon (na tipikal natin makikita sa mga deboto). Palaging siyang namumuno sa nobena bago ang misa at sya rin ay parati ring nasa unahang bahagi ng simbahan. Masasabi napakaaktibo nyang myembro ng simbahan subalit aktibo rin sya sa chismisan sa loob ng simbahan.


Kalagitnaan noon ng misa ng biglang kinalabit ni Aling Maring ang kanyang katabi.


"Hoy mare, kilala mo ba yung babaeng nasa kabilang upuan……. si Ana- yung anak ni Nena, aba alam mo bang buntis yan sa pagkadalaga. Eh kala mo noon hindi makabasag pinggan yun pala…….hmmmppp……Hindi na nahiya, nagsisimba pa dito, hay naku…." Bulong nya sa kanyang katabi


Muling ginala ang mata ni Aling Maring pagkalipas nyang mangamunyon at sa kanyang pagmamasasid may nakita ulit sya.


"Mare, alam mo ba yung lalaking yun, yung anak ni Mariong kapitbahay mo- si Rolando, alam mo bang kalalaya lang yan mula sa bilangguan, naku…. Magnanakaw daw yan. Aba kita mo naman eh nakuha pang mangamunyon, dapat hindi na binigyan yan kasi makasalan sya……" bulong nya ulit


Maraming nakikita si Aling Maring sa kanyang pagsisimba, parang bahagi na ito ng misa para sa kanya. Halos lahat ng nagsisimba ay kilala na nya at alam nya ang buhay nito.
Pagkatapos ng misa agad sayang lumapit sa pari at nakipagkwentuhan ng mga kalahating oras pagkalaunay umuwi na rin si Aling Maring sa kanilang bahay na ilang metro lang ang distansya mula sa simbahan


Pagkauwi galing sa misa dali dali ginising ang anak na dalaga, kanyang inutusang buksan ang kanilang maliit na tindahan.


"Hoy Tina, aba nakahiga ka pa dyan sa kama, tanghali na, bumangon ka na……… hoy, Nalagyan mo ng tubig yung galon ng suka para dumami"


"Opo nanay" papungas pungas na sagot ni Tina


"Eh yung tinda nating bigas lagyan mo ng buhangin para bumigat., naku mahal pa man din ang bigas ngayon. .


"Opooooo" inis na sagot ni Tina


"Hoy Tina, Aba kumilos kilos ka na dyan, umaga na, dalian mo at buksan mo na yung tindahan. Eh, Yung asukal na kinikilo mo kagabi tapos na ba,aba baka naman sinakto mo ng timbang yun, dapat medyo bawasan mo ng mga isang guhit, eh hindi naman mahahalata yun. "


"Opo, tapos na po….." padabog na sagot ng kanyang anak


"Teka nasan na ba ang tatay mo."


" Naku Nay tinanong nyo pa, tyak kasama na naman ni Mang Berting sa sabungan, at nakikipagpustahan na naman po.


"Hay lintek, Baka naman inubos na naman ang pera na kinita nya sa pagjuejueteng"


"Hala sige buksan mo na yung tindahan at tanghali na….dali kilosssss..!!!


"OPO" pabalang na sagot ni Tina.
___________________________________________________________________________________
Minsan ganyan tayo madalas nakikita natin yung mali at kasalanan ng iba kaysa sa sarili nating kasalanan. Madalas nakikita natin ang pagkakamali at pagkukulang ng iba kaysa sa sarili nating kamalian at pagkukulang. Hindi ba madaling pumuna at humusga sa isang tao at mahirap naman na aminin o tanggapin ang ating mga kasalanan. Mas bukas at malinaw ang mata natin sa ibang tao kaysa sa sarili natin.


Nakakalungkot isipin na minsan katulad din natin sa Aling Maring, sa ating pakiwari na mas mabuti at malinis tayo kaysa sa iba kaya madalas kinukutya o hinuhusgahan agad natin sila. Kung tutuusin lahat naman tayo ay makasalanan, kaya walang maaring magmalinis at kumutya ng iba.


Sabi nga ng ating Panginoon "Kung sino ang walang kasalanan sya ang unang bumato". Lahat tayo ay nagkakasala, walang malinis sa mata ng Panginoon, kaya ang mas mabuting gawin ay ipanalangin na lang ang isat isa at lumapit tayo sa Panginoon.


Huwag sana tayong maging katulad ni Aling Maring, bagkus maging mabuting kristyano tayo na sumusunod sa kagustuhan ng Panginoon, talikuran ang ating mga kasalanan, at akayin naman ang iba sa kaliwanagan. Sabi rin nga an gating Panginoon " Kung ano ang ginamit mong sukatan sa iyong kapwa ay iyon ding gagawing sukatan sa iyo"


Isa pa, tandaan din natin na hindi kailanman matumtumbasan o mawawalang sala ang kasalanan natin ng ating mabubuting gawa. Makukuha lamang natin ang kapatawaran mula sa ating Panginoon kung tayo ay magsisisi at ating tatalikdan ang ating mga kasalanan.

Naway ang kwento ni Aling Maring ay makatulong sa atin para tayo ay lumago sa pananampalataya at maging isang mabuting Kristyano.

Sa Dyos Ang Kadakilaan.

Sabado, Nobyembre 8, 2008

Paano lalabanan ang tukso (Lesson 101 tungkol kay Taning)



Sa totoo lang mahirap labanan ang tukso, hindi ko alam parang si Madam Auring yan si Taning kasi alam na alam nya ang mga kahinaan natin. Alam nya kung san nya tayo dadalihin at kung san tayo aatakihin. Akala ko kaya kong labanan pero talagang ang hirap pala. Para itong isang bomba na pagsinindihan ay tuloy tuloy ng sasabog.


Kanina lang eh habang nagsusurf ako sa internet, maraming mga bagay ang talaga namang tumawag sa aking pansin. Medyo nakaka-pollute talaga ng utak pero ewan ko ba parang may bumulong sa akin "Sige tingnan mo na, sandali lang naman eh papatawarin ka naman ni Lord", yun ang bumulong sa akin (sa may bandag kaliwa ko). Eh alam nyo na kung saan galing yun syempre kay Taning.


Mahirap labanan iyon kasi nag-eenjoy ako kapapanood eh, pero parang may malakas na pwersa din ang nagsabi sa akin na mali ang mga nakikita . Pero yun ang taktika ni Taning ibibigay sa iyo ang hilig ng katawan mo at kung saan ka nag-eenjoy, at papaniwalain ka na KJ (Kill Joy) yang si Lord.


Eh sa totoo lang sino bang ayaw mag-enjoy, pero minsan kasi yung pagpapakasiya at pagiging kumportable natin sa isang bagay ang naglalayo naman sa atin sa Dyos. Hindi ba pag nasa iyo na ang lahat, maalala mo pa ba kaya si Lord.? Minsan nman ginagawa nating parang Ginie si Lord. Feeling natin lahat ng i-wish natin sa kanya matutupad, at pag hindi ibinigay aba galit pa tayo. Kaya dun tayo inaatake ni Taning, ibibigay nya sa atin ang luho, hilig ng katawan at pagiging kumportable sa isang bagay para makuha nila tayo at sumama sa kanya.


Mahirap labanan ang tukso lalo na kung hindi ka equip o wala kang panlaban, mas maganda siguro na iwasan na lang natin kaysa harapin. Dati, naisip ko na harapin na lang ang tukso kasi para malabanan ko sya. Pakiramdam ko na handang handa na ako, parang si Superman ba. Pero pag dating ko dun, hayun bulagta si Superman kasi nakaisip ng taktika ang kalaban. Ganun pala yun,kung pakiramdam natin na kaya na nating labanan si Taning eh saka naman iisip ng mas malakas na taktika para patumbahin ka. Kaya noong mga panahon na yun umuwi akong lugo lugo kasi talo ako.Matagal din ako bago makarecover pero natutunan ko dapat labanan si Taning, kasi tyak matatalo ako. Iiwasan ko na lang sya.


Ang pag-iwas sa tukso ay isang paraan para labanan sila. Kung sakaling ang mga kaibigan natin ang magdadala sa iyo sa kapahamakan at pagkakasala, eh wag na tayong sumama sa kanila, mas sumama tayo sa magdadala sa atin sa Panginoon. Eh para kasing sakit yan eh, kung sakaling malusog tayo at sumama sa may sakit tyak magkakasakit tayo, o kaya kung sakaling gumaling tayo mula sa sakit tyak pagsumama uli tayo sa kanila, hayun matetepok na talaga tayo. Ang sakit natin ay ang mga masasamang gawi natin kaya pag sumama pa tayo sa mga taong may masasamang gawi din, tyak babalik at babalik tayo sa pagkakasala.


Isa pa sa taktika ni Taning ay sasabihin sa iyo na IN ito at marami ang nakikiuso. Dahil sa kalat na ito sa mundo babaluktutin nya ang mali para gawing tama. Ganito po paliwanag ko, kung maraming gumagawa nito kahit mali, sasabihin ni Taning sa atin na okay lang kasi marami namang ang gumagawa nya. Heto ang example, legal sa Amsterdam ang prostitution, at dahil legal- tanggap ito sa lipunan, at kahit gawin mo ito hindi ka ikukulong at okay lang kasi marami namang gumagawa nito. Pero alam naman natin na MALI ito, kaya kahit legal at tanggap ng nakakararami dapat huwag nating gawin kasi labag ito sa kautusan ng Dyos (teka masyado bang mabigat, hehehhe) Heto pa, hindi ba na tanggap sa lipunan nating mga Pilipino na ang mga mister ay laging may kabit o kaya may ikalawang asawa, tanda ito ng pagiging MACHO bilang lalaki. At dahil dagdag pogi points yun, hayun tinatanggap na lang natin kahit MALI. Ganyan si Taning malakas ang impluwensya, ipapaniwala sa iyo na okay lang kasi marami naman ang gumagawa nito . Pero syempre nasa atin na lang kung susundin natin ang nakakarami kahit Mali o susundin natin ang TAMA.


Isa pa, marami sa atin na ang pagkakakilala natin kay Taning ay demonyong may malalaking sungay o di kaya isang maligno, multo, aswang, tyanak at kung ano ano pang nakakatakot na mukha. Iyan ang ang pagkakakilala natin kay Taning mula noong bata pa tayo. Kaya hindi ba pag nakakita tayo ng Pangit, pakiramdam natin ay si Taning na yun. Heheheh!!! Joke lang!


Pero kasi nagbago na rin ng mukha si Taning ngayon eh, nagpapa BELO na sya. Nice!! Kumbaga binago na nya ang mukha nya. Ginagawa nyang kaakit akit at maganda sa paningin mo. Si Taning ay maaring isa sa kaibigan mo na mangyayaya sa iyo sa pagkakasala, maaring maging boss mo na iinisin ka at gagalitin ka, maaaring isang magandang babae o matipunong lalaki na magdadala sa iyo sa kahalayan at tawag ng laman. Maraming mukha si Taning, kaya mahirap malaman kung nasan sya at paano sya lalabanan. Pero dapat maging mapanuri tayo, lapatan natin ng dasal. Teka baka naman pag kinagagalitan ka ng boss mo bigla mo na lang sabihin na "LUMAYAS KA DEMONYO SA KATAWAN NG BOSS KO", naku tyak batok ang aabutin mo sa kanya. Wag ganun!! Basta maging mapanuri lang tayo at wag tayong magkakasala. Isipin natin kung dadalhin ba tayo ng taong ito sa kabutihan o kasamaan. Kung dadalhin ba tayo sa tama o aakayin lang tayo sa pagkakasala. Maging maingat tayo, maaring nasa paligid lang natin si Taning.


Isa pa sa laging taktika ni Taning, ay papaniwalain ka na papatawarin ka rin ni Lord. Kumbaga sasabihin sa iyo na okay lang yan, mabait naman si Lord eh, tyak papatwarin ka Nya. Kumbaga humingi ka lang ng tawad sa kanya eh siguradong ACQUITTED ka na raw!! Ito ay isang napalaking pang UUTO sa atin nyang si Taning. Oo, alam natin mabait ng Panginoon, pero wag naman nating gawing PASSES ito (parang sa sinehan) para magawa natin ang kasalanan. Wag nating lokohin ang Panginoon, kasi alam Nya ang lahat ng nasa puso at isip natin. So hindi ibig sabihin nun na acquitted ka na at back to zero ang lahat. Papatwarin ka lang ni Lord, kung iiwasan mo na at di mo na gawin muli ang pagkakasala na yun.


Marami pang taktika yang si Taning at tyak alam na rin natin ito isa-isa.Mahirap magsalita kung paano labanan ang tukso kasi maging ako ay laging may tukso umaaligid sa akin. Parang isang labanan ito, at hindi natin alam kung saan ako kakampi sa kabutihan ba o sa kasamaan. Minsan kahit alam nating mali ang gagawin natin pero napapadaig pa rin tayo kay Taning. Pero nasa atin din kung mapapagapi tayo sa tukso o mananalo tayo sa tukso. Manalangin tayo at manampalataya sa Dyos. Humingi tayo ng tulong sa Dyos, at wag nating iisipin na talunan tayo kung sakaling nagapi tayo ng kalaban. Ang Dyos ang parang magiging agimat natin para talunin ang kampon ni Taning.


Sa buhay na ito, lagi tayong nakikipaglaban sa tukso, ipamuhay lang natin ang Salita ng Dyos at manalig tayo sa Kanya. Sya ang malakas nating kakampi at hindi nya tayo iiwanan sa labanan. Kung minsan nanghihina tayo, lumapit lang tayo sa Kanya at bibigyan ka nya ng walang hanggang kapanyarihan parang si Superman.


Alam nyo kaya ko nasasabi ito kasi nagtalo rin ako ng tukso ngayon, at lahat ng sinabi ko ay pinagdaanan ko rin lahat. Pinagsisihan ko na yun at siguro ito rin ang nais ng Panginoon ang ishare ang mga bagay na ito sa inyo. Magtulungan tayo para mamuhay tayo ayon sa kagustuhan ng Panginoon. At sana patuloy tayong panampalataya at manatili sa kanya kahit umaaligid aligid sa atin si Taning. Kaya natin ito. AJA!!


SA DYOS ANG KADAKILAAN,

Miyerkules, Nobyembre 5, 2008

Paglilingkod kasama ng Panginoon



Noong isang araw napanood ko yung isang talk sa isang website ni Bo Sanchez ang Preacher in Blue Jeans At ang dami kong natutunan about serving (WITH) the Lord. Natutunan ko na ang serbisyo natin sa Dyos ay hindi nasusukat kung gaano kabigat, kalaki o kaganda ang serbisyo mo, ito ay ang kagustuhan mong laging sumagot ng "OO" o pag-sang-ayon sa lahat ng kagustuhan nya. Maliit man ito sa paningin ng iba pero malaki ito sa paningin ng Panginoon. Ang serbisyo natin ay hindi para makakuha ka ng mga papuri o paghanga mula sa ibang tao, kundi ito ay pag-aalay mo ng oras, panahon, lakas, talino sa serbisyo ng ibang tao para sa ikakasiya ng Panginoon.May makuha ka man o wala kailangan patuloy na maglilingkod sa Dyos. Hindi rin makikita ito sa dami ng serbisyo mo para sa Dyos kundi ito ay kung gaano karami ang pagmamahal mo para sa Kapwa at para sa Dyos. Walang oras, araw, okasyon o pagkakataon ang paglilingkod kundi ang pagigiging handa bawat minuto at pagbibigay ng 100% natin kahit malaki o maliit man na okasyon ito ay kalulugdan na ng Panginoon.


Share ko lang po yung isang experience ko po about "SERVICE". Noong nakaraang CLP (Christian Life Program) , naatasan kaming maging Service Team, at ako ay naging isa sa mga Facilitator. Matagal ko ng hinihiling sa Panginoon na bigyan nya ako ng isang SERVICE at ipinangako sa kanya na pagbubutihan ko ito . Noong kinausap kami tungkol sa mga responsibilidad namin bilang Facilaitor, natuwa ako kasi alam kong isa itong mabigat at malaking responsibilidad at naiisip ko nun, ito na siguro ang hinihiling ko sa Panginoon.


Dumating ang araw ng Byernes, araw ng CLP, maaga na akong maghanda kasi excited na ako para maging isang Facilitator, halos tuwang tuwa ako noong panahon na yun, marahil iniisip ko noon na ito na siguro yung pinakaiintay kong pagkakataon. Pagdating sa venue, nagsimulang magmeeting ang buong Service Team, lahat kami ay binigyan ng Task para sa araw na yun. Nag-iintay ako na sabihin sa akin kung ano ang magiging papel ko sa CLP, pero nagulat ako kasi halos walang binigay sa akin. Di ako nagsasalita noon, kasi nag-iintay ako na baka may iutos sa akin ang Team Leader, pero talagang wala. Tanging naging papel ko ay karelyebo o substitute para sa pagdarasal ng rosaryo na kung saan lahat naman ay kasali dito. Nagmukha akong isang "Participant" noong araw na yun kasi halos wala naman akong ginawa at halos lahat ay may task at ako wala. Iba yung pakiramdam ko noon, sobrang lungkot kasi pakiramdam ko wala naman akong naitulong noong mga panahon na iyon.


Di ko maitindihan ang pakiramdam, parang ang lahat ng anticipations at excitement ko, parang nawala lang lahat. Di ko maintindihan, nagdasal lang ako at nasabi ko sa kanya na marahil hindi ito para sa akin.Hanggang sa matapos ang CLP halos ganun lang din ang naging papel ko.
Pagakatapos ng CLP, nagdasal ako sa Kanya, at parang may boses na nagbulong sa akin na "MASAYA AKO SA GINAWA MO", bigla na lang akong naluha noong panahon na yun, at parang naisip ko na lahat. Naunawaan ko na kahit wala akong mabigat na tungkulin noong CLP, ang presence ko noong mga panahon nayun ay sapat na para sa Dyos. Ang oras na binibigay ko ay isang malaking serbisyo na para sa Panginoon. Ang ipagdasal ang lahat ng participants at ang CLP ay isang napalaking paglilingkod na para sa Dyos. Pinakita lang sa akin ng Panginoon, na hindi ko na kailangan magkaroon pa ng malaking papel at responsibilidad para lang matuwa sa atin ang Dyos. Naparamdam nya sa akin na hindi nasusukat ang serbisyo mo sa Dyos sa laki at dami ng paglilingkod mo para sa Kanya kundi ang kagustuhan ko at pigging handa para sa Kanya ay sapat na para sa Dyos.


Pagkatapos kong magdasal, nangiti lang ako. Kasi alam kong naging makabuluhan ang paglilingkod ko sa Kanya. Di man mabigat o malaki ito sa paningin ko, pero ito naman ay napakalaki at napabigat para sa Dyos. Ang dami kong natuklasan at ang daming kong natutunan dahil sa experience nayun.


Kaibigan lagi nating isipin " NAGLILINGKOD TAYO KASAMA NG PANGINOON", pag lagi nating iniisip na sa lahat ng paglilingkod natin may mga kamay ang Panginoon para tulungan ka, may "WISDOM" ang Panginoon na ibibigay sa panahon kailangan mo, at nandyan ang pag-iingat ay GRACE ng Panginoon, kahit kailanman ay hindi tayo makakaramdam ng pagod at hirap.
Alam nyo habang sinusulat ko ito naalala ko yung kanta natin sa SFC yung "LOVE ONE ANOTHER" heto yung chorus:


"I give you a new commandment, love one another
As I have loved you, you must also love one another
This is how they will know that you are My disciples
If you love one another."


Alam ko ang serbisyo sa Panginoon ay ang serbisyo rin natin sa ating kapwa. Sa maliiit na paraan makakapaglingkod tayo sa Panginoon.Ang mahalin, paglingkuran, at tulungan natin ang kapwa natin ay isang malaking serbisyo na para sa Dyos. Doon nila malalaman na isa tayong tagapaglingkod ng Panginoon

Sana patuloy tayong gamitin bilang instrumento ng Panginoon,nakikita ko sa bawat isa, na nasa atin ang Panginoon. Marahil sa ganitong paraan makakapaglingkod tayo sa Kanya, para itong isang kayamanan idedeposito natin sa bangko ng Panginoon. Alam ko ang kayamanan na ito ay tutubo sa pamamagitan ng mga blessings na binibigay sa atin ng Panginoon, pero sa huli makukuha rin natin ang premyo o kayamanan natin, ito ang makasama ang Panginoon kasama sa langit.



SA DYOS ANG KADAKILAAN